Part 1

35.9K 714 19
                                    

MALAS. Frustrated na napabuga ng hangin si Charlene Mariano habang nakapamaywang na nakatingala sa isang limang palapag na lumang gusali. Napapagitnaan iyon ng mga nagtataasan at modernong mga condominium building kaya nakailang ikot pa siya bago nakita ang gusaling nasa harap niya. Hayun nga at ginabi na siya. Inabot na siya ng alas diyes ng gabi. Alas sais na kasi siya nakarating sa lugar na iyon.

Nang tangkain niyang lumapit sa entrada para pumasok ay wala naman siyang makitang handle para mabuksan ang malaking glass door. Kaya may palagay siyang electronic iyon o kaya ay nabubuksan lang mula sa loob. Wala namang intercom sa labas o kahit doorbell para makuha niya ang atensiyon ng kung sino mang puwedeng magbukas ng pinto. Paano siya makakapasok sa loob?

"Aatras na ba ako?" mahinang usal ni Charlene, laglag na ang mga balikat. Pero ang tagal bago niya nadiskubre ang gusali na iyon. Katakot-takot na pangungulit sa ate Cherry niya ang ginawa niya para lang mabigay nito sa kaniya ang address. Doon kasi dati nakatira ang bayaw niya. Actually, maging ang kuya Charlie niya ay doon din nakatira bago mag-asawa pero hindi nito ibibigay sa kaniya ang kailangan niya kaya hindi na siya nag-abalang magtanong pa.

Hindi lang basta career niya ang nakasalalay sa misyon niya sa gusali na iyon. Pati puso niya ay nakasalalay doon. After all, dalawang taon ang nakararaan ay isinugal niya iyon nang mag-resign siya sa trabaho bilang Communications Manager ng isang multi-million company para maging assistant ni Art Mendez. Nakita kasi niyang nag-post ang binata sa social media account nito na nangangailangan ito ng personal assistant. Dahil matagal na siyang tagahanga ni Art at parang may bumulong sa kaniya na oportunidad iyon para mapalapit sa binata ay nag-apply siya at natanggap. Iyon ay sa kabila ng galit at pagkadismaya ng mga magulang niya at ng kanyang lolo. Iyon ay kahit sinabihan at sinasabihan pa rin siya ng malalapit na kaibigan na nagpapakatanga siya.

Marahas siyang umiling, dumeretso ng tayo at determinadong itinaas ang balikat. "Hindi puwede. Makakapasok ako sa loob sa kahit anong paraan." Kung hindi sa front entrance, hahanap siya ng ibang daan. Matalim niyang tinapunan ng huling tingin ang glass door na ayaw bumukas bago siya tumalikod at naglakad palayo para ikutin ang gusali at humanap ng ibang mapapasukan.

Sa likuran ng gusali ay may nakita si Charlene na mukhang pasukan papunta sa parking lot pero nakasara din iyon. Napahinga siya ng malalim, mariing pumikit at frustrated na napaungol. "God, Art Mendez, bakit sa dinami-dami ng pagtataguan mo ay isang building pa na mahirap pasukin?"

May tumikhim sa likuran niya kaya gulat siyang napadilat at napalingon. Isang nakasuot ng faded blue overalls at baseball cap ang nakita niya. May mailman bag na nakasukbit sa balikat. Payat, kasing tangkad lang niya at hindi niya malaman kung babae ba o lalaki. Hindi naman kasi niya masyadong maaninag ang mukha nito. Mukhang flat naman ang bandang dibdib. Sumenyas ito na tumabi siya kaya ganoon nga ang ginawa niya. Pero hindi niya ito nilubayan ng tingin.

Namilog ang mga mata ni Charlene nang makitang may binuksan itong tila maliit na box sa pader, may pinindot na mga numero, may nag-click at saka nagsimulang tumaas ang harang. Bumukas iyon hanggang baywang nila. Saka ito yumuko at akmang papasok sa loob.

Napakurap siya at natauhan. Mabilis na nahawakan niya ito sa braso. "Wait!" Gulat na napalingon ang estranghero kay Charlene. Pero mas nagulat siya nang mapagtantong payat ang braso nito na parang...

"Bakit?" tanong nito sa mababang tinig.

Nag-focus siya sa dahilan kung bakit siya parang kriminal na aali-aligid sa gusaling iyon. "Tulungan mo ako," mabilis na sagot niya. "Kailangan kong makapasok sa loob. May tao akong kailangan makita at makausap. Please, isama mo ako sa loob."

Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon