Part 16

25.1K 622 10
                                    

GABI na natapos ang panonood nila sa mga episode ng television show kung saan magiging guest judge si Art. Sumakay sila ng taxi at sa kabila ng pagpoprotesta ni Charlene ay iginiit ni Art na siya ang unang ihatid himbis na ang binata kahit na kung tutuusin ay mas malapit ang Bachelor's Pad sa opisina nila kaysa sa Marikina kung saan naman siya nakatira.

Pagpasok pa lang niya sa loob ng gate ay napansin na niya ang kotse ng ate Cherry niya sa garahe. Kinabahan siya. Bakit naroon ang ate niya na mula naman nang magsama ito, si Jay at ang anak ng mga ito na si Justine ay hindi na napadpad sa bahay nila dahil busy sa mag-ama? Hindi pa kasi pwedeng magpakasal ang dalawa dahil masusukob naman sa kuya Charlie niya. Pero isang buwan ang nakararaan ay napapayag ng dalawa ang mga magulang nila sa plano ng mga ito na mag-live in. Tutal, magpapakasal naman daw talaga ang mga ito sa susunod na taon.

Napalunok si Charlene at huminga ng malalim bago pumasok sa bahay. Naabutan niya sa living room ang ate Cherry niya na biglang tumayo mula sa pagkakaupo sa sofa at namaywang nang makita siya. Ibig sabihin ay talagang hinihintay siya nito.

"Saan ka galing?" naniningkit ang mga matang tanong ng ate niya.

Kinabahan si Charlene pero pilit na ngumiti. "Sa trabaho."

"Trabaho? Iyon ba talaga ang dahilan kung bakit hindi ka raw umuwi ng dalawang linggo? At hindi mo man lang sinabi sa akin samantalang magkausap lang tayo sa telepono noong nakaraan na pinipilit mo akong sabihin ang address ng dating tinitirhan ni Jay at kuya Charlie?"

Nakagat niya ang ibabang labi. Nanlamig din siya at nagbaba ng tingin. Hindi kasi siya sanay magsinungaling sa pamilya niya lalo na sa ate Cherry niya.

"Charlene, pwede mo sabihin sa akin ang kahit ano. Alam mo iyan, hindi ba?" malumanay nang sabi ng ate niya. "Alam ko na nasa tamang gulang ka na, pero ikaw pa rin ang bunso ng pamilya. Hindi ibig sabihin na nasa bakasyon si lolo at ang mga magulang natin ay pwede ka na lang biglang mawala ng dalawang linggo na hindi mo sinasabi kahit sa akin."

"Sorry, ate," usal niya. Huminga siya ng malalim at saka lakas loob na tiningala ang ate niya. "Totoo namang related sa trabaho ko kaya ako nawala. Well... sort of."

"Sort of? Anong ibig sabihin 'non?" kunot ang noo na tanong ni ate Cherry.

Ngumiwi si Charlene. "Hindi ka pa ba uuwi sa inyo, ate? Paano si Justine?"

"Boy's game night nila ni Jay ngayon. Malamang busy ang dalawang iyon sa video games. Kaya magsalita ka na. Kung hindi isusumbong kita kila lolo."

"Huwag!" mabilis na sagot ni Charlene. Pagkatapos ay lumapit siya sa ate niya at hinigit ito paupo sa sofa na kanina ay kinauupuan nito. Saka siya tumabi rito at huminga ng malalim. "Kaya ko hiningi sa iyo ang address ng datig tinitirhan nila kuya Charlie... kasi doon din nakatira ang boss ko."

Halatang namangha si ate Cherry. "Sino?"

"Si Art Mendez," amin niya.

Namilog ang mga mata ng kapatid niya. "Si Art Mendez? Dalawang taon ka na nagtatrabaho bilang personal assistant pero ni minsan hindi mo sinabi sa amin kung sino ang boss mo. Bakit?"

Nakagat ni Charlene ang ibabang labi. Sandali lamang siya nag-alangan bago sa huli ay sinabi rin sa ate Cherry niya ang buong katotohanan. Na bago pa man siya maging assistant ni Art Mendez ay tagahanga na siya ng binata. Na ang totoo ay sinadya niyang mag-resign sa dati niyang trabaho para sa pag-asang mapalapit kay Art. Na nang mapalapit naman siya sa binata ay lalong nahulog ang loob niya rito. Pagkatapos ay sinabi niya na palihim siyang pumasok sa Bachelor's Pad.

"Wait. Nakapasok ka sa loob ng gusali na iyon? With the tight security system and all?" manghang bulalas ni Cherry. "My God, Charlene. Wala kang ideya kung gaano kami ka-curious pero hindi namin magawang makapasok sa Bachelor's Pad. It's like a secret sanctuary of the men in our lives."

"Kami? Sinong kami?" litong tanong ni Charlene.

"Ang mga asawa at girlfriend ng mga kaibigan ni Jay at ni kuya Charlie. Paano ka nakapasok?"

Naalala niya ang janitor na tumulong sa kaniya. At napagdesisyunan na mas mabuting huwag na lang itong banggitin sa ate niya at baka lahat na ay tambangan ang janitor para makapasok lang sa Bachelor's Pad. Mawalan pa ito ng trabaho at maging konsiyensiya niya habambuhay.

Marahas siyang umiling. "Basta. Anyway, nahuli naman ako ni Keith eh. And I promised him na hindi ko sasabihin sa iba kaya huwag mong ipagkakalat ang sinabi ko, ate. Mabuti na lang hindi niya ako isinumbong at sa halip tinulungan pa ako para mapalabas sa unit niya si Art." Inilahad niya ang nangyari sa nakaraang dalawang linggo. Wala siyang itinago sa ate niya.

Pagkatapos niyang magsalita ay kinabahan siya sa titig na ipinukol sa kaniya ni Cherry. "Bakit?" kabadong tanong ni Charlene.

Humugot ng malalim na paghinga ang kanyang ate. "Hindi lang ako makapaniwala na in love ka pala sa isang lalaki mula noon hanggang ngayon." Pagkatapos ay naging seryoso ang titig nito sa kaniya. "Char, gusto kong malaman mo na may manipis na linya sa pagitan ng unconditional love at katangahan. Sa tingin mo alin sa dalawa ang ginagawa mo?"

Hindi nakaimik si Charlene dahil para siyang sinaksak ng patalim sa dibdib nang sabihin iyon ng ate niya. Pinagtiim niya ang mga labi at nagbaba ng tingin. "Mahal ko siya, ate," usal niya.

"Ilang buwan pa lang mula nang mawala sa buhay niya ang ex-fiancee niya. Sa tingin mo ba hindi na niya mahal ang babaeng iyon? Ang sabi nila Jay, sa tagal nilang pagkakakilala kay Art, ang babaeng iyon lang daw ang talagang minahal ni Art. Ang mga lalaking katulad niya na hindi madaling magkagusto sa babae, kapag nagmahal sila ay matindi. I just don't want you to get hurt, Char," malumanay na sabi ni ate Cherry.

"Kapag nagmahal ka, imposibleng hindi ka masaktan. Magkadikit iyon eh. Kapag pinapahalagahan mo at espesyal sa iyo ang isang tao, kapamilya man, kaibigan o lalaking mahal mo, talagang may kakayahan silang paiyakin ka," katwiran ni Charlene. Pagkatapos ay sinalubong niya ng tingin ang mga mata ni Cherry. "Noon pa ako handa na masaktan, ate. Noon pa ako handang umiyak."

Napabuntong hininga ang kanyang ate. "Fine. Hahayaan kita kung talagang napag-isipan mo na iyan. Just remember that I'm always here for you, okay? Kahit si kuya Charlie, kahit masungit iyon, alam mo na nandiyan lang siya palagi para sa atin."

"Alam ko ate. Salamat," aniyang nagawa nang ngumiti.

Tumango si ate Cherry, bumuntong hininga at saka tumayo. "At least nakahinga na ako ng maluwag na nakita na kita. Uuwi na ako sa amin."

Tumayo na rin si Charlene at niyakap ito. "Ingat ka. At salamat sa pag-intindi sa akin," taos pusong usal niya.

Humigpit ang yakap nito sa kaniya. "Paano kita iintindihin e nagmamahal din ako. Pero huwag mo naman ibigay lahat sa isang taong hindi ka mahal, Char. Magtira ka para sa sarili mo." Pagkatapos ay nagpaalam na ito at umalis.

Naiwang nakatayo sa living room si Charlene, napabuntong hininga na lang.

Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon