Part 21

28K 600 9
                                    

AKALA ni Charlene ay magkakailangan sila ni Art kapag nagkita silang muli sa opisina pagkatapos ng namagitan sa kanila. Pero nagtama pa lang ang mga mata nila at ngumiti lang ito ay napangiti na rin siya. Walang pagkailang. Katunayan ay pakiramdam niya nagkaroon sila ng telephatic connection. Sa palitan lang ng tingin ay nagkakaintindihan na sila.

Hindi nga lang sila nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap ng masinsinan dahil puro meeting sa kung sino-sinong producer ang inatupag nila sa sumunod na mga araw. Nadagdagan pa ng meeting kasama ang mga representative ng mga kompanyang gustong kunin si Art bilang endorser. It was a hectic week. Masyadong hectic para makapag-usap sila ng tungkol sa estado ng kanilang relasyon.

Nang sumunod na linggo, kung kailan unti-unting umayos ang schedule nila ni Art, saka naman biglang umuwi ang lolo at mga magulang ni Charlene. Nagkaroon sila ng automatic family reunion. Present ang ate Cherry niya, si Jay at ang anak ng mga ito na si Justine. Ganoon din ang kuya Charlie niya at ang asawa nitong si Jane. Napapangiti siya kapag nakikita kung gaano kasaya ang mga kapatid niya kapiling ang mga kapareha ng mga ito. Ang mga magulang naman niya, mukhang naging mas sweet pagkatapos ang vacation cruise ng mga ito. Na-miss tuloy niya bigla si Art. Sa dami ng engagements nito lately ay hindi pa sila nagkaroon ng pagkakataong maging sweet pagkatapos ng gabing pinagsaluhan nila.

Kaya nang makahanap siya ng tiyempong pumuslit palayo sa dining area ay tinawagan ni Charlene ang binata. Matagal na nag-ring ang cellphone ni Art pero hindi nito sinasagot. Napakunot noo siya. Siya ang assistant ng binata at alam niyang wala itong kahit anong engagement sa gabing iyon. Natutulog ba ito? Pero alas siyete pa lang ng gabi. Kasama ang mga kaibigan?

"Anong ginagawa mo diyan, Charlene?"

Napaigtad siya at napailingon sa kuya Charlie niya. Nakaangat ang mga kilay nito habang naglalakad palapit sa kaniya. Kumabog ang dibdib niya at mabilis na ibinulsa ang cellphone. "Kuya." Medyo nanginig ang boses niya. Tumiim ang titig sa kaniya ni kuya Charlie. Gosh, halata bang kabado siya? Halatang may ginawa siyang tiyak na ikagagalit nito?

"Hinahanap ka nila lolo. Bigla kang nawala. Sinong tinatawagan mo?" tanong ni kuya Charlie nang makalapit sa kaniya.

"Ahm... boss ko."

Humalukipkip ito at lalong tumiim ang titig sa kaniya. Lalo siyang kinabahan kasi nakakatakot ang kuya niya madalas. Bumait at naging palangiti lang ito nang ma-in love kay Jane pero may mga pagkakataon pa ring musungit ito. "You're still doing the assistant thing? I have nothing against personal assistants but I think you can do better, Charlene."

Nakagat niya ang ibabang labi. "Nag-e-enjoy naman ako sa trabaho ko, kuya. Hindi ba iyon naman ang mahalaga?"

Napabuntong hininga si Charlie. "Kung masaya ka, walang dahilan para magreklamo pa ako. Pero talaga bang magiging personal assistant ka habambuhay? Iyan talaga ang gusto at plano mo?" malumanay na tanong nito.

Hindi nakaimik si Charlene. Dahil ang totoo ay hindi niya planong manatiling assistant ni Art. At least iyon ay nang malaman niyang ikakasal ang binata. Pero ngayon... maatim ba niyang malayo sa binata?

"I'm... thinking it over," nasabi na lang niya.

Nakakaunawang tumango si Charlie. Pagkatapos ay ngumiti ito at ginulo ang buhok niya. "Okay. Always remember that I got your back."

Nabagbag ang damdamin niya. Napangiti rin. "Salamat, kuya."

Gumanti lang ng ngiti si Charlie at inakbayan siya. "Bumalik na tayo." Tumango si Charlene at umagapay sa paglalakad ng kuya niya. "Next time, let's eat out. Ikaw, ako, si Jane. Isama na rin natin si Cherry at Jay."

"Ayoko nga. Ako lang ang walang partner," pabirong sagot niya.

Natawa si Charlie. "You'll find yours someday. Pero kailangan ko muna siyang makilala at makilatis bago ko siya hahayaang mapalapit sa bunso namin."

Bahagyang naging ngiwi ang ngiti niya pero nakabawi naman siya. Idinaan niya sa tawa. "Okay, fine, kuya," sabi na lang niya para matapos ang usapan. Baka knug saan pa mapunta ang usapan. Mabisto pa siya ng kuya niya na may lalaki nang nagmamay-ari ng puso niya.

KINABUKASAN ay napansin ni Charlene na tila distracted si Art at natutulala. Nang tanungin niya kung ayos lang ba ito ay mabilis na, "I'm fine" lang ang sagot nito.

Pinakatitigan niya ang binata. "Tumatawag ako sa iyo kagabi pero hindi mo sinasagot," aniya sa pilit pinakaswal na tinig.

Tumikhim si Art at nag-iwas ng tingin. "Hindi ko napansin ang tawag mo. Sorry."

Manghang napamaang si Charlene. Si Art, nag-iwas ng tingin! "M-may problema ba? You're acting weird today."

Marahas na napabuga ng hangin ang binata, sinuklay ng mga daliri ang buhok at tiningnan siya na para bang... naiinis. Lalo lang siyang naguluhan. "Walang problema. Can we just get to work? Anong schedule ngayon?"

Halata na iniiba nito ang usapan. Medyo nasaktan si Charlene sa inakto ni Art pero itiniim na lang niya ang mga labi at itinutok ang atensiyon sa organizer niya kung saan nakalagay ang schedule nito. "Content meeting with Star Cinema in thirty minutes," sagot niya sa pormal na tinig.

Natigilan si Art, mukhang napansin ang pagbabago ng tono niya at bumuntong hininga. "Char –" Napahinto sa akmang pagsasalita ang binata nang tumunog ang cellphone nito. Natigilan ang binata nang tingnan ang screen ng cellphone nito. Nawalan ng ekpresyon ang mukha at para bang nawala sa isip nito na naroon siya. Hinayaan lang nitong tumunog ang cellphone.

Hindi maipaliwanag ni Charlene pero kinabahan siya sa nakitang ekspresyon sa mukha ni Art. "Bakit hindi mo sagutin?" lakas loob na untag niya.

Napatingala sa kaniya ang binata, sandaling nagtama ang kanilang mga mata bago muli itong yumuko at pinatay ang cellphone. Tumayo na ito. "Wala lang iyon. Let's go. Kapag hindi pa tayo bumiyahe, male-late tayo sa content meeting." Saka ito nagpatiuna sa paglalakad. Mas mukha na itong normal maglakad ngayon kaysa noong isang linggo kahit na hindi pa rin kasing bilis ng gusto siguro nitong gawin.

Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon