NAGULAT si Art nang kumabog ang dibdib niya sa ginawa ni Charlene. Napatitig siya sa mukha ni Charlene at hindi nagawang kumilos kahit pa humakbang na ito palayo sa kaniya. Napakurap pa siya nang magtama ang mga mata nila at bumakas ang pagtataka sa mukha nito. "May problema ba?"
Tumikhim siya. "Nothing. I'll go ahead." Saka ako tumalikod at lumayo sa kusina. Hanggang makarating siya sa garden ay hindi pa rin niya malaman kung para saan ang pagkislot ng puso niya dahil sa inosenteng haplos ni Charlene sa kaniya.
Pagkabukas ni Art sa French door patungo sa garden ay sinalubong siya ng nakakangikig sa lamig na simoy ng hangin. Kumilos siya patungo sa bakal na lamesa na may tatlong bakal ding mga upuan. Pumuwesto siya sa isa, ipinatong ang mga saklay sa isa pa, saka huminga ng malalim. Himbis na igala ang tingin sa view ay bumaling siya sa nakabukas na French doors. Tanaw mula sa puwesto niya ang kusina. Nakikita pa rin niya na abala sa paghahanda ng almusal si Charlene. Maya-maya pa ay bitbit ang malaking tray na may lamang pagkain ay naglakad na ito palabas sa garden. His first urge was to stand up and help her. Pero nang mapatingin ito sa kaniya at makitang tatayo siya ay mabilis siya nitong sinaway. "Relax ka lang diyan, boss. Ako na ang bahala."
Hindi napigilan ni Art ang mapasinghot nang ilapag ng dalaga ang tray ng pagkain sa lamesa. Sinangag, omelette, skinless longanisa at balat at hiwa nang mga prutas ang almusal na inihanda nito. Kumalam ang sikmura niya. Lalo na nang sa pagbalik ni Charlene galing ulit sa kusina ay umalingasaw ang amoy ng brewed coffee. May bitbit na kasi siyang tray ng percolator at dalawang tasa. Saka ito umupo sa bakanteng upuan at matamis siyang nginitian. "Kain na tayo."
Napatitig siya sa mga nakahaing pagkain sa harap niya. Na-o-overwhelm siya.
"O bakit?" takang tanong ni Charlene.
Tumikhim siya at nag-angat ng tingin. "Hindi ko na matandaan kung kailan ako huling kumain ng home-cooked food bago ako nagpunta dito kahapon."
Tumamis ang ngiti nito. "Ah. Kasi naman puro sa labas ka lang kumakain, hindi ba? Hindi bale, habang nandito tayo araw-araw ka na makakatikim ng home-cooked food. Hobby ko yata ang pumasyal sa kusina namin at magpaturo magluto sa kusinera."
Napatitig na naman siya sa mukha nito. Napagtanto na naman kasi niya na hindi qualified ang dalaga na maging personal assistant ng isang film director. Matalino, may pinag-aralan sa isang magandang kolehiyo at anak mayaman. "Why are you really doing this?"
Kumurap si Charlene. "Ang alin?"
"This. Cooking breakfast for me. Taking care of me. Being my assistant. Hindi ko talaga maintindihan Char. You are very well educated and you even came from a wealthy family. Kaya bakit?" Bakit nandito ka pa rin sa tabi ko? Kahit na hindi na ako ang direktor na sinabi mong hinahangaan mo noong job interview mo para maging assistant ko? How can you still stay with me when I'm already broken? Nilunok ni Art ang mga tanong na gusto pa sana niyang isatinig.
Nagbaba ng tingin ang dalaga, inabala ang sarili sa mga pagkain sa lamesa. "Kailangan ba palaging dinidikta ng pinag-aralan at pamilyang pinanggalingan ang lahat ng gagawin natin? Can't we do a job just because we love and enjoy it? Hindi ba pwedeng gawin natin ang isang bagay dahil lang iyon ang gusto natin at nagpapasaya iyon sa atin?"
Napatitig si Art sa mukha ni Charlene. "Taking care of me makes you happy?"
Nang matigilan ang dalaga at nanlalaki ang mga matang napatingala sa kaniya ay napagtanto niyang mali ang sinabi niya. Babawiin na sana niya ang tanong nang biglang sumilay ang ngiti sa mga labi ng dalaga. "Kung hindi ako masaya na inaalagaan ka, tatagal ba ako ng two years bilang assistant mo? Hindi ako kasing pasensiyosa ng inaakala mo, boss." Pagkatapos ay biglang naging mapagbiro ang kislap sa mga mata nito. "Dahil sa iyo kaya sa loob ng dalawang taon marami na akong nakausap at nakitang celebrity. Higit sa lahat ay galante ka at nakakapanood pa ako ng premiere night ng mga pelikula at concerts na libre dahil sa mga imbitasyong pinapadala sa iyo."
Umangat ang mga labi ni Art, lihim na nakahinga ng maluwag sa naging sagot ni Charlene. "You really enjoy the movies most of all."
"Yup," masiglang sagot ng dalaga. Pagkatapos ay sinalinan siya ng kape sa tasa at inabot sa kaniya. Tinanggap niya iyon at humigop. Napabuntong hininga siya sa init na humagod sa sikmura niya. At dahil gutom na talaga siya ay nilantakan na niya ang almusal na niluto nito. God, hindi niya alam na masarap pala magluto si Charlene. Napasunod-sunod tuloy ang subo niya.
Nang mapasulyap siya sa dalaga ay nakita niyang may masuyong ekspresyon sa mukha nito at malambot na ngiti sa mga labi habang nakatitig sa kaniya. "Dahan-dahan lang sa kain boss. Kapag pagkain lang ang tiningnan mo ay hindi mo makikita ang dahilan kung bakit dito tayo sa garden nag-almusal." Pagkasabi niyon ay iminuwestra nito ang scenery na nasa harapan nila. Lumunok si Art at noon lang bumaling sa view na kanina lang ay balot ng hamog.
Nahigit niya ang paghinga nang makita ang papasikat na araw sa kabundukan. The scene is magnificent. Kailan ba siya huling nakasaksi ng sunrise? Sa nakaraang anim na taon, mula nang maging successful mainstream film director siya ay hindi siya tumigil sa pagtatrabaho. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataong huminto at i-appreciate ang ganoong eksena kahit pa kung saan-saang panig ng Pilipinas at ibang bansa na ang napuntahan niya. Pero ngayon lang siya talaga umupo sa isang tabi para panoorin ang pagsikat ng araw. Ni hindi na niya namalayan ang paglipas ng mga sandali dahil abala siya sa pagsunod sa pagtaas ng araw sa kalangitan.
"Amazing, right?" biglang sabi ni Charlene.
Sinulyapan niya ang dalaga. Nakangiti ito, hinahangin ang hibla ng buhok na kumikislap dahil sa liwanag ng araw na tumatama roon. Maging ang mukha nito ay tila kumikinang din. Pero sa tingin niya ay mas dahil sa mainit na ngiti sa mga labi nito kaysa sa araw. "Tingnan mo, ang ganda ng sunrise. Kahit gaano kadilim ang gabi, pagsapit ng umaga ay sumisikat ang araw. Everyday is a new beginning. Kaya boss, habang nandito tayo ay araw-araw kong ipapakita sa iyo ang sunrise. Para marealize mo na kahit gaano ka miserable ang pakiramdam mo ngayon, may umagang darating na makakaya mo ulit bumangon."
Natigilan si Art. Tumamis ang ngiti ni Charlene. "Hanggang sa dumating ang araw na iyon, mananatili ako sa tabi mo," sinserong dugtong nito.
Pakiramdam niya may pana na tumusok sa dibdib niya. Hindi lang dahil sa sinabi ng dalaga. Mas dahil sa mga sandaling iyon, habang nakatitig siya sa mukha nito, narealize niya na napakaganda ni Charlene. Not movie star or model gorgeous but the kind of beautiful you would want to see every morning when you wake up. Iyong maganda na magpapaganda ng mood mo. Dahil iyon mismo ang epekto ng dalaga sa kaniya sa mga sandaling iyon.
Isang umaga pa lang na kasama si Charlene pero mas maganda na ang pakiramdam niya kaysa sa nakaraang mga buwan. Sa likod ng isip ni Art, naamin niya na magandang desisyon nga ang magtungo sa resthouse na iyon kaysa magkulong sa unit niya sa Bachelor's Pad.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)
RomanceMay manipis na linya sa pagitan ng unconditional love at katangahan. Sa loob ng dalawang taong pagiging assistant ni Charlene kay Art Mendez, isang sikat na film director, buo ang paniwala niya na unconditional love ang nagtutulak sa kanya na gawin...