Nasa kalagitnaan ng pagluluto si Charlene nang maramdaman niyang may pumasok sa kusina. Paglingon niya ay nakita niya si Ross. Tumikhim siya at umaktong kaswal, "Dito ka na kakain?"
Lumapit sa kaniya ang lalaki. "Nope." Pinakatitigan siya nito. Medyo kinabahan siya.
"Si A- si boss, nasaan?"
Umangat ang mga kilay nito. "Nasa kuwarto na niya. Charlene, alam ba ng pamilya mo na mananatili ka rito? Alam ba ng kuya mo?"
Nawala ang ngiti niya. "Huwag mong sabihin sa kaniya."
Naningkit ang mga mata ni Ross. "So hindi ka nagsabi sa pamilya mo."
Nakagat niya ang ibabang labi at nagbaba ng tingin. "Kailangan pa ba iyon? Nasa tamang edad na ako para magdesisyon sa sarili ko."
"Talaga bang iyan ang iniisip mo?" manghang tanong ni Ross. Hindi siya nagtaas ng tingin dahil alam niyang hindi totoo ang sinabi niya. Close sa isa't isa ang pamilya niya. Kahit gaano pa siya magka-edad ay alam niyang dapat pa rin siyang magsabi sa kanila. Kaso nga, malalagot siya kapag nalaman nila ang napagdesisyunan niya. "Charlene, look at me."
Napilitan siyang tumingala nang gamitan na siya ni Ross ng tono na iyon. Kapareho ng tono ng kuya niya. Brotherly. "Teenager ka pa lang ay kilala na kita. Parang kuya mo na rin ako. Kaya unless may maganda kang rason kung bakit gusto mong manatili dito kasama si Art, hindi ako papayag. Isasama kita pauwi at sasabihin ko sa kuya mo na kay Art ka nagtatrabaho."
Napahugot siya ng malalim na paghinga. Hindi siya sumagot. Tiningnan lang niya si Ross. Hanggang bumakas ang pag-unawa sa mukha ng lalaki na para bang nabasa ang nararamdaman niya kahit hindi siya magsalita. "In love ka sa kaniya."
Uminit ang mukha ni Charlene. Taranta siyang napatingin sa bukana ng kusina sa takot na baka marinig ni Art ang usapan nila.
"Tama ako," manghang usal ni Ross.
Ibinalik niya ang tingin dito. "Yes. Okay na bang rason iyon sa iyo?" inis nang sagot niya.
"Kailan pa?" tila hindi pa rin makapaniwala na tanong ng lalaki.
Frustrated na napabuntong hininga siya. "Ross. Please. Hindi ako komportable na pag-usapan ito, okay? Basta magiging okay ang lahat. Talagang sasamahan ko lang siya hanggang sa maging okay ang kalagayan niya. Nag-aalala ako para sa kaniya. Ganoon din kayo hindi ba? I just want to bring back the Art before the accident. Iyong lalaking mabait, mapagbiro, palaging nakangiti, charming at dedicated sa career na mahal na mahal niya. Just don't tell my brother. Ni hindi niya alam na kaibigan niya ang boss ko."
"At hindi rin alam ni Art na kapatid mo si Charlie, tama ba? Pinigilan mo ako magsalita kanina."
Nakagat niya ang ibabang labi at napayuko. "Kailan ko lang din naman nalaman na magkakakilala kayo. Noong... noong kasal lang ni kuya at Jane." Tanda pa ni Charlene na sobrang kaba at pagkamangha ang naramdaman niya nang patapos na ang reception ng kasal ay biglang sumulpot si Art sa venue. Ang alam niya ay may out of town trip ito kasama si Mylene ng araw na iyon. At nang makita niyang masaya nitong binati ang bagong kasal at nakipagtawanan at batian sa mga kaibigan ni kuya Charlie ay napagtanto niyang magkakakilala pala ang mga ito. Bago pa siya makapag-isip ng maayos at tumalilis na siya paalis sa venue.
"Bakit ayaw mong malaman ni Art na kapatid ka ni Charlie?" seryosong tanong ni Ross.
May bumikig sa lalamunan ni Charlene. Huminga siya ng malalim bago nagsalita, "Ayokong magbago ang trato niya sa akin kapag nalaman niya na kapatid ako ng kaibigan niya. Tingnan mo kung paano tinrato ni Jay si ate Cherry noong college kami kahit na may gusto naman pala sila sa isa't isa dahil lang–"
"I get it," putol ni Ross sa sinasabi niya. Bakas ang pag-unawa sa mukha. "You're afraid that Art will not see you as a woman but as his friend's little sister. Kapag nangyari iyon ay ni hindi ka niya ikokonsidera bilang love interest."
Uminit ng husto ang mukha ni Charlene at hindi nakasagot. Iyon nga kasi talaga ang dahilan niya kung bakit ayaw niyang malaman ni Art ang relasyon niya kay kuya Charlie.
Matagal siyang tinitigan ni Ross. Saka marahas na bumuga ng hangin. "Fine. Hindi na ako mangingielam. Sa tingin ko naman matalino ka at nasa tamang edad na para magdesisyon kung ano sa tingin mo ang tama at makabubuti sa iyo. Pero sabihin mo sa pamilya mo ang totoo sa lalong madaling panahon, maliwanag ba?"
Nakahinga siya ng maluwag at napangiti. "Thank you!"
"But are you going to be okay? Sa tingin ko ay alam mo rin pero in love pa rin siya kay Mylene."
May kumurot sa puso ni Charlene pero nanatili siyang nakangiti. "Ross, naging saksi ako ng pagkahumaling niya kay Mylene. Ako pa nga ang nag-a-arrange ng date nila, ang umoorder ng bulaklak para ipadala sa girlfriend niya, ang sumama kay Art na bumili ng engagement ring at nag-organize ng gabi ng proposal niya. Even their... wedding, ako ang nag-asikaso. I know that he's in love with someone else. Magiging okay ako. I'm not expecting anything. I just want to help him get better." At gusto ko lang na manatili sa tabi niya hanggang puwede. Hangga't kaya ko pang balewalain ang katotohanan na hindi niya masusuklian ang pagmamahal ko.
Bumakas ang simpatya sa mukha ni Ross at parang may sasabihin pa pero tumunog ang cellphone nito. Sandaling sinilip iyon ng lalaki bago muling huminga ng malalim. "Kailangan ko na talaga magpunta sa law firm. Mag-ingat ka rito. Bye."
"Bye."
Lumabas ng kusina si Ross. Narinig niyang nagpaalam ito kay Art bago bumukas sara ang front door ng resthouse. Kasunod niyon ay narinig na niya ang tunog ng papalayong sasakyan. Napabuntong hininga siya at muling ibinalik ang atensiyon sa niluluto.
Nakahain na siya at tatawagin na sana si Art nang marinig na niya ang tunog ng saklay sa sahig na papalapit sa kusina. Ibig sabihin ay papunta na doon ang binata. Pinigilan niya ang kagustuhang salubungin ito. At nang sa wakas ay sumulpot si Art sa bukana ng kusina ay masiglang ngumiti si Charlene.
"Lunch is ready, boss!"
Sandaling napatitig lang sa kaniya ang binata bago walang salitang lumapit sa lamesa. Humatak ng upuan at hirap na umupo doon. Pagkatapos ay itinabi nito sa katabing silya ang mga saklay. Liihim na nakahinga ng maluwag si Charlene. Naging tunay ang kanyang ngiti nang umupo siya sa katabing silya ni Art. "Kain na tayo."
Kumunot ang noo nito. "Kung sasamahan mo ako dito, sinong tao sa opisina?"
"Wala. Katulad ng sinabi mo ay hinayaan ko muna ang crew na rumaket sa ibang projects habang bakasyon ka. Iyong mga dapat ko namang gawin ay pwede kong gawin dito basta kasama ko ang laptop ko. Huwag mo na alalahanin ang opisina," sabi niya. Nang hindi pa rin kumilos si Art para kumain ay siya na ang kusang naglagay ng kanin at ulam sa plato nito. "Pero tatandaan mo lang, boss, na kahit may iba silang raket ngayon, isang tawag mo lang babalik sila sa iyo. Katulad ko, fan mo din ang lahat ng member ng crew mo. Gusto naming makita ka ulit na nag-di-direk ng pelikula at siyempre gusto naming mapanood ulit ang finished product mo." Pagkatapos ay tiningan niya ang binata na titig na titig sa kaniya. Ngumiti siya. "Hindi ka namin minamadali. Take your time. Okay, let's eat."
Mukhang napipilitan man ay nagsimula nang kumain si Art. Tumamis ang ngiti ni Charlene at naglagay na rin ng pagkain sa sarili niyang pinggan. Kahit papaano ay masaya siya. Aba, sa dalawang taong pagiging assistant ng binata ay ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon na maipagluto ito at makasabay kumain ng silang dalawa lang. Isa iyon sa mga alaala na babaunin niya kapag dumating ang araw na talagang hindi na siya pwedeng manatili sa tabi nito.
Halimbawa, kapag dumating ang araw na talagang matutuloy na itong ikasal sa babaeng mahal nito. Na alam ni Charlene na hindi magiging siya.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)
RomanceMay manipis na linya sa pagitan ng unconditional love at katangahan. Sa loob ng dalawang taong pagiging assistant ni Charlene kay Art Mendez, isang sikat na film director, buo ang paniwala niya na unconditional love ang nagtutulak sa kanya na gawin...