Part 22

28.7K 716 33
                                    


SA sumunod na mga araw ay padalas ng padalas ang tumatawag at mukhang nag-te-text kay Art. Sa tuwina ay nakikita ni Charlene na nagiging iba ang ekspresyon at mood ng binata sa tuwing nangyayari iyon. Palagi din ay hindi nito sinasagot ang mga tawag. Ilang ulit na tinanong niya kung sino ang tumatawag pero palaging umiiwas si Art.

Pero hindi iyon ang nakakasama ng loob. Mas nasasaktan si Charlene dahil parang umiiwas na sa kaniya si Art. Dati, bago may mangyari sa kanila, kahit gaano sila kaabala ay palagi nitong hinahawakan ang kamay niya. Ngayon ay parang nanlamig ito. Sa tuwing naiisip niya iyon ay may kurot siyang nararamdaman sa puso niya. He said he likes her, right? Bakit ngayon ay ganoon ang pakitungo nito sa kaniya? Ano ba talaga ang nangyayari kay Art?

Nalaman ni Charlene ang kasagutan isang araw. O mas tamang sabihing, dumating ang sagot. Siya lang mag-isa ang nasa opisina ng araw na iyon. Wala si Art, kasama ang assistant director nito para mag ocular inspection ng posibleng location para sa shoot ng pelikulang gagawin ng mga ito.

Abala siya sa harap ng computer screen at nag-so-sort out ng emails nang biglang bumukas ang pinto. Nag-angat siya ng tingin sa pag-aakalang si Art na ang dumating. Papangiti na nga siya. Pero nanigas ang ngiti niya at nanlamig nang makita kung sino ang dumating. Akala pa nga ni Charlene ay namamalikmata lang siya. Pero nagsalita ito.

"Hi. Si... si Art?"

Hindi makapagsalita si Charlene. Parang lumobo ang ulo niya at babaligtad ang sikmura niya ngayong nasa harapan niya si Mylene. Ubod pa rin ng ganda at sopistikada. Kahit na mukha itong nag-aalinlangan. Anong ginagawa nito sa opisina nila? Hindi ba nasa amerika na ito mula nang tapusin ang engagement kay Art? Sa sobrang pagkalito niya ay napako lang siya sa pagkakaupo.

"Charlene? Hello?"

Napakurap siya at marahas na napatayo. "Bakit nandito ka?"

Halatang nagulat si Mylene. Kahit siya ay nabigla sa gaspang ng pagkakatanong niya. "I'm here to see Art. I've been calling him for days now pero hindi siya sumasagot kaya nagdesisyon akong magpunta na dito."

Kung ganoon si Mylene ang tumatawag at nag-te-text kay Art. Ang babae ang dahilan kung bakit tila distracted at malalim ang iniisip ng binata. Kung bakit lumamig ang pakikitungo nito sa kaniya. Dahil bumalik ang babaeng mahal nito. Marahil ay sising-sisi na ang binata na pinatulan siya nito at hindi lang makakuha ng tiyempo para sabihin sa kaniya ang tungkol kay Mylene.

Pakiramdam ni Charlene ay para siyang sinaksak sa dibdib, tagos sa puso niya. Uminit ang mga mata niya at kung hindi lang niya inaalala na magmumukha siyang tanga sa harapan ni Mylene ay baka bumunghalit na siya ng iyak. Pero saglit pa, ang sakit ay napalitan ng pagrerebelde at galit.

"Bakit gusto mo siyang makita? Wala na kayo, hindi ba? Iniwan mo siya nang panahong kailangang kailangan niya ang emotional support mula sa babaeng pakakasalan niya," sumbat niya.

Nagitla si Mylene, bumakas ang guilt sa mukha. "It was a huge mistake for me. Hindi ko siya dapat iniwan. Dahil hanggang ngayon ay mahal ko pa rin siya. I want to see him. I want to apologize. Because I want him back."

Lalo lang nagalit si Charlene at hindi na niya itinago pa iyon. "Wow. Ganoon na lang iyon? Tingin mo dahil gusto mo na siyang balikan ay papayag na lang basta si Art? Hindi siya ganoon ka-tanga, Mylene. Don't treat him like one. Bakit, dahil okay na siya ngayon, bigla ka na lang ulit babalik sa buhay niya? Ang kapal mo rin, 'no?"

Hinihingal siya nang matapos magsalita. Si Mylene ay manghang napatitig sa kaniya. Kumislap ang mga mata na para bang may napagtanto ito na hindi niya mawari. Maya-maya ay mukhang nahamig nito ang sarili, sumeryoso ang mukha at dumeretso ng tayo. "Mukhang wala si Art ngayon dito. Tatawagan ko na lang siya ulit. Charlene, I know you are a good person. We were even almost friends. Kinaibigan kita kahit assistant ka lang ni Art. But what we have is none of your business." Tumalikod na ito at muling binuksan ang pinto para lumabas pero biglang tumigil at nilingon siya. "And just an advise. Calling your boss by his name casually is very unprofessional." Saka ito tuluyang umalis.

Nanghihinang napasalampak ulit ng upo si Charlene. Nanginginig ang buong katawan niya. Ni hindi niya inakalang sisigaw at magagalit siya ng ganoon. Sigurado siya na alam na ni Mylene ang nararamdaman niya para kay Art. At sa totoo lang ay wala na siyang pakielam sa opinyon ng babae. Ang nasa isip lang niya ay si Art. Alam niya kung gaano ito kabaliw kay Mylene. Kasalungat ng sinabi nya kanina ay may posibilidad na magpakatanga talaga ang binata at tanggapin muli ang ex-fiancee nito. Kapag nangyari iyon ay paano na siya? Sure he said he likes her. Pero ang layo ng distansiya ng gusto sa mahal. At si Mylene ang mahal ni Art. Hindi siya.

Nanginig ang mga labi ni Charlene. Hanggang mapahikbi na siya at tuluyang tumulo ang mga luha. Matagal siyang umiyak. Lalo na nang maalala ang sinabi ng ate Cherry niya. Na may manipis na linya sa pagitan ng Unconditional Love at katangahan. Ngayon naiintindihan na niya ang ibig sabihin niyon. Sa unconditional love, masaya kang nagmamahal. Kahit walang kapalit, kuntento ka basta may nagagawa ka para sa taong mahal mo. Pero kung nasa puntong nasasaktan ka na at umiiyak dahil sa taong minamahal mo, at ni hindi man lang ito aware sa pagdurusa na nararanasan mo, iyon na ang katangahan.

Siguro noong nakaraang mga taon ay pwede niyang sabihin na unconditional ang pagmamahal niya para kay Art. Pero kung pagkatapos niyang masaktan ng ganito, pagkatapos niyang lumuha at ibigay ang best niya pero hindi pa rin sapat, katangahan na kung ipagpapatuloy pa rin niya ang lihim na damdamin niya para kay Art. Alam niya na mahirap mag-let go. Pero kailangan niyang kayanin. Para man lang sa sarili niyang pride.

Pinahid niya ng tissue ang mga luha at huminga ng malalim. Nang unti-unting mahimasmasan ay nakapagdesisyon siya. Binuksan niya ang shoulder bag at kinuha mula roon ang nakatuping papel na araw-araw niyang dala mula pa nang hingin ni Art ang tulong niya para sa proposal nito kay Mylene ilang buwan na ang nakararaan.

Resignation letter niya iyon. Ibibigay dapat niya sa binata pagkatapos ng kasal nito na hindi naman natuloy. Pero mukhang may rason kung bakit hindi niya iyon itinapon. Nakagat ni Charlene ang ibabang labi, pinipigilang maiyak muli. Ipinatong niya sa kanyang lamesa ang papel at ibinalik ang atensiyon sa pag-aayos ng schedule ni Art sa computer. Maging ang mga impormasyon at kung anu-ano pa na sigurado siyang kakailanganin ng binata ay inorganisa niya at inilagay sa mga folder sa desktop na madali nitong makikita.

Nang matapos ay ang mga printed copies naman ang inayos niya sa cabinet. Nilinis din niya ang buong opisina at inilista sa mga post-it notes na idinikit naman niya sa pantry kung paano niya tinitimpla ang kape na gustong gusto naman ni Art. Gumawa rin siya ng compilation ng mga restaurant at contact numbers ng mga iyon para kapag magpapadeliver ito ng pagkain. Para hindi magpapagutom ang binata na noong nasa resthouse sila lang nakatikim ng lutong bahay.

Alas singko na ng hapon nang makuntento siyang nagawa na niya ang mga dapat gawin. Wala nang dumating na kahit na sino, kahit si Art. Nag-text lang sa kaniya ang binata kanina para sabihing hindi na ito babalik ng opisina at umuwi daw siya ng maaga. Kahit ang text nito sa kaniya kulang sa emosyon. Paiwas. Lalo tuloy siya naging desidido na tapusin na ang ugnayan nila.

Pumasok si Charlene sa inner office ng binata at lumapit sa lamesa nito. Sandaling natigilan siya at natulala lang doon. Hindi niya mapigilang maalala ang gabing pinagsaluhan nila sa lugar na iyon. Sumikip na naman ang dibdib niya at uminit ang mga mata. Hinamig niya ang sarili. Pagkatapos ay inilapag ang resignation letter niya sa lamesa. Pinatungan niya ng paperweight. Saka siya lumabas sa lounge area, lumapit sa lamesa niya roon at kinuha ang kanyang shoulder bag.

Nasa pinto na siya nang lumingon si Charlene para pasadaha ng tingin ang kabuuan ng opisina nila sa huling pagkakataon. Namasa ang kanyang mga mata. "Goodbye," mahinang usal niya. Saka siya tumalikod at tuluyang umalis. Her heart is breaking. Pero kailangan niya iyong gawin. Kailangan niyang lumayo kay Art. Kahit na ang ibig sabihin niyon ay pagbitaw sa nararamdaman niya para sa binata sa nakaraang anim na taon.

Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon