Part 11

25K 584 0
                                    


UMAKTO si Charlene na confident sa araw ng interview niya para sa personal assistant position ni Director Art Mendez. Kahit sa loob niya ay nag-pa-panic na siya at nanlalamig na sa tensiyon at kaba. Hindi lang dahil si Art ang personal na mag-i-interview kung hindi dahil sa mga kasabay niyang mga aplikante na parang audition yata para sa commercial o pelikula ang pinunta kung pagbabasehan ang mga hitsura.

Pero kahit na simpleng simple siya kompara sa mga kasabayan niya ay hindi magpapatalo si Charlene. Kahit pa nang siya na ang tinawag para harapin si Art ay nabingi siya sa kabog ng dibdib niya. Nanginginig pa nga ang mga tuhod niya habang naglalakad. Pero bago siya makalapit nang tuluyan sa silid kung saan ginaganap ang interview ay biglang bumukas na ang pinto.

"Direk! Marami pa kayong i-interviewhin!" sabi ng tinig ng kung sino sa loob.

"I have a shoot in ten minutes!"

Sumikdo ang puso ni Charlene nang marinig ang baritonong tinig na iyon. Pagkatapos ay biglang sumulpot at lumabas ng silid ang matangkad at guwapong lalaki na nagpahigit sa kanyang paghinga. Noong una ay sa loob ito ng silid nakatingin pero nang lumingon na paharap sa kaniya ay napahinto siya at natulala. Si Direk Art Mendez.

"Pero hindi ba kailangang-kailangan mo ng assistant, Direk? Wala ka namang nagustuhan sa mga nakausap mo na kanina," pahabol pa rin ng boses sa loob.

"Dahil pare-pareho sila ng aura. Pareho lang ng sagot. At kailangan ko na talaga umalis." Saka pumihit paharap ang binata. Napakurap si Charlene nang mapatingin ito sa kaniya. Huminto sa harap niya si Art at matiim siyang pinagmasdan. "Aplikante ka?"

Dumeretso ng tayo si Charlene at mabilis nahamig ang sarili. "Yes, sir."

"Bakit gusto mong maging assistant ko?"

Hindi na niya kailangan pa mag-isip. "Because I've been a fan of your works for four years now. I especially love your early works mula sa independent films mo back when you were based in Europe at iyong unang dalawang pelikula na ginawa mo dito sa Pilipinas. But I'm not saying na hindi magaganda ang mga pelikula mo ngayon ha? Magaganda rin, binigyan ng mas malalim na interpretasyon ang dati ay simpleng romantic comedy movies ng Pilipinas. At the same time ay hindi mo inalis sa mga gawa mo ang artistic quality na mayroon ang mga pelikula mo noon. Although napansin kong mas subtle na ang mga iyon sa mga pelikula mo na top grosser. Gusto kong makatulong sa abot ng makakaya ko sa paggawa ng mga obra ng isang mahusay na direktor na katulad mo."

Nag-iba ang paraan ng pagtitig sa kaniya ni Art. May kumislap na katuwaan at pagkabilib sa mga mata nito. Pagkatapos ay malawak itong ngumiti. Iyong ngiti na nagpalambot sa puso niya. Iyong pati mga mata nito ay nakangiti. "Impressive. And what is your name?"

"Charlene. Charlene Mariano."

Tumango si Art, malawak pa rin ang ngiti. Pagkatapos ay lumingon sa loob ng silid. "Hey! This is Charlene. May new assistant. Okay na ha? Kayo na ang bahala dito."

Napamulagat siya. Ang iba pang aplikante na naghihintay ay napasinghap. Pero hindi pinansin ni Art ang mga iyon. Humarap ulit sa kaniya ang binata at nakangiting hinawakan siya sa braso. "Let's go. May shoot tayo. I'll orient you habang nasa biyahe tayo."

Siyempre ay hindi na siya nagreklamo pa at sumunod na lang. After all, nakuha niya ang trabahong gusto niya. Natupad ang pangarap niya – ang maging malapit kay Art Mendez. Kahit bilang personal assistant lang nito...

Napaigtad si Charlene nang marinig ang pagbukas ng pinto. Nasa kusina siya pero dahil tahimik na tahimik ay malinaw niyang narinig iyon. Ibig sabihin ay gising na si Art at lumabas na ito ng kuwarto.

Huminga siya ng malalim at nag practice ng ngiti. Kagabi pa niya napagdesisyunan na balewalain ang tensiyong namagitan sa kanila ni Art nang mawalan siya ng balanse at matumba pakubabaw sa binata. Kahit pa sa tuwing naalala niya ang nangyari ay umiinit ang mukha niya at parang may humahalukay sa sikmura niya.

"'Morning."

Mabilis na lumingon si Charlene sa bukana ng kusina. Sumikdo ang puso niya nang makita si Art, nakasuot ng puting t-shirt at kakhi shorts, ang buhok ay medyo magulo na halatang bagong gising. But, gosh, Art is breathtakingly handsome in the morning. Bagay na bagay sa binata ang tinatawag na 'just-rolled-out-of-bed look'. At kahit na kinakalimutan niya ay parang may sariling isip ang katawan niya, kusang naaalala ang pakiramdam na madikit sa binata.

Hinamig niya ang sarili at masiglang ngumiti. "Good morning, boss! Ang aga mo nagising ngayon ah. Hindi pa ako tapos magluto."

Pinagmasdan siya ni Art, parang may binabasa na hindi niya mawari. Pagkatapos ay nagulat si Charlene nang gumanti ito ng ngiti. "Okay lang. I'll just stay here with you." Saka lumapit ang binata sa lamesa, humatak ng silya at umupo doon. Sandaling napamaang lang siya, hindi maintindihan kung bakit mukhang maganda ang mood ng boss niya. Samantalang kagabi ay parang galit ito sa kaniya at halos sigawan na siya para lang lumabas ng silid nito.

"What?" nakaangat ang mga kilay na untag ni Art.

Napakurap si Charlene. "Wala. Ay teka, mag-bu-brew ako ng kape para sa ating dalawa." Saka niya inabala ang sarili sa coffeemaker machine. Pero kahit nakatalikod na siya ay nararamdaman pa rin niya ang tingin ni Art.

"Alam ba ng pamilya mo na ako lang ang kasama mo? Hindi ka ba nila hinahanap?" biglang tanong ng binata.

Gulat na napalingon siya. Hindi niya inaasahan na magtatanong ito tungkol doon. Tumikhim si Charlene. "Alam nila na may trabaho akong inaasikaso." Kasinungalingan. Hindi nila alam. Nagkataon lang na two weeks ago biglang inaya ni lolo ang mga magulang niya sa isang luxury cruise ng bagong biling cruise ship ng isang kaibigan nito. Isang araw bago niya pasukin ang Bachelor's Pad ay umalis ang tatlo kaya siya lang ang naiwan sa bahay nila sa Marikina. May kanya-kanya na kasing bahay at abala sa pamilya ang kuya Charlie at ate Cherry niya kaya malabong sumulpot ang mga iyon sa resthouse. Kaya nga ang lakas ng loob niyang manatili kasama si Art.

"At pumayag sila?" hindi makapaniwalang tanong ng binata.

"B-bakit naman hindi? Nasa tamang edad naman na ako para magdesisyon sa sarili ko." Sana lang ay hindi napansin ni Art ang panginginig ng boses niya. "Ikaw, ang pamilya mo nasaan?" mabilis na pag-iiba ni Charlene sa usapan para lang hindi na ito magtanong pa.

Natigilan ang binata. Dumaan ang pait sa mukha at nag-iwas ng tingin. Nagsisi tuloy si Charlene na iyon ang unang tanong na naisip niya. Sa loob ng dalawang taon na assistant nito ay hindi nabanggit kahit kailan ang tungkol sa pamilya ni Art. Katunayan kahit noong fan pa lang siya ay walang nababasa sa internet o kahit anong artikulo tungkol sa family background nito o kahit anong pribadong bagay.

Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon