FRUSTRATED na naihilamos ni Art ang palad sa kanyang mukha nang maramdaman na naman ang vibration ng cellphone niya. Ibig sabihin ay may tumatawag na naman sa kaniya. Nang tingnan niya ang screen ng gadget ay nakompirma niyang si Mylene ang tumatawag.
Ilang araw na ang nakararaan nang unang tumawag sa kaniya ang babae. Nakarehistro pa rin ang numero nito sa cellphone niya kaya hindi siya nagkamaling sagutin iyon. Pero nang hindi naman siya sumasagot sa mga tawag nito ay tinadtad naman siya ng mga text message. Gusto nitong makipagkita sa kaniya. Gusto raw nitong personal na humingi ng tawad sa ginawa nitong pag-iwan sa kaniya noon. Gusto ng babae na magsimula silang muli.
Muntik na niyang ibato ang cellphone niya nang unang beses niyang nabasa ang mga mensahe ni Mylene. Galit na galit si Art na pagkatapos ng sakit na ipinaramdam nito sa kaniya ay bigla na lang itong babalik at sasabihing gusto nitong makipagbalikan? Ha!
"Anong problema mo? Kanina ka pa tumititig sa cellphone mo pero hindi mo naman sinasagot," biglang untag ni Keith.
Nag-angat ng tingin si Art. Nasa common area sila ng Bachelor's Pad. Dahil alas sais pa lang naman ng gabi ay ang naroon pa lang ay siya, si Keith at si Derek na nakakabiglang naroon ng ganoong oras. Mukhang iniwan nito ng maaga ang restaurant nito.
"Sino ba iyan?" tanong pa rin ni Keith.
Napahugot siya ng malalim na paghinga at pahagis na binitawan sa tabi niya ang cellphone. "Si Mylene."
Napatitig sa kaniya si Keith at Derek. "Your ex-fiancee? Nandito siya sa Pilipinas?" manghang tanong ni Derek.
Tumango siya at napasandal sa backrest ng sofa kung saan siya nakaupo.
"Ah. Pareho pala kayo ng problema ni Derek. May nagbalik din," sabi ni Keith na tinapunan ng nanunudyong tingin si Derek.
Natigilan si Art at napatingin na rin sa kaibigan niya. "Nasa Pilipinas si Jella?"
"Oo. Pero hindi problema ang turing ko sa pagbabalik niya. Instead I can see it as an opportunity." Pagkatapos ay pinakatitigan siya ni Derek. "How about you? Ano para sa iyo ang pagbabalik ng ex-fiancee mo?"
Tumiim ang mga labi ni Art bago sinabi sa dalawa ang gusto ni Mylene na pakikipagbalikan sa kaniya. At ang opinyon niya tungkol doon.
"Kung nakapagdesisyon ka na, bakit hindi ka pa makipagkita sa kaniya? It's like you are just running away, Art. Harapin mo siya at sabihin mo sa kaniya ng direkta ang desisyon mo," sabi ni Derek.
"Besides, hindi lang ang ex mo ang pinaghihintay mo sa pagdadalawang isip mong harapin siya, Art. May mas imporanteng tao ka pang pinaghihintay," makahulugang sabi naman ni Keith.
Para siyang sinuntok sa sikmura dahil tama si Keith. Alam niya na nagtataka na si Charlene sa attitude niya nitong nakaraan. Hindi lang talaga niya ito matingnan ng diretso habang hindi pa niya na-so-sort out ang nakaraan niya. Hangga't maaari ay ayaw din ni Art na malaman ng dalaga na bumalik sa Pilipinas si Mylene. May palagay siya na masasaktan ito kapag nalaman ni Charlene ang pagbabalik ng ex-fiancee niya. At ayaw niyang masaktan ang dalaga.
Pero tama si Keith. Baka ngayon pa lang ay nasasaktan na niya si Charlene. Muling nag-vibrate ang cellphone niya. Lahat sila napalingon doon.
"Huwag mo na patagalin, Art," sabi ni Keith.
Bumuntong hininga siya at saka hinablot ang cellphone. Saka siya tumayo. "Aalis muna ako," paalam niya. Naglakad siya palabas ng common area. Saka niya sinagot ang tawag.
"Oh, Art, at last sumagot ka," bulalas ni Mylene sa kabilang linya.
"Okay, Mylene. Let's meet," seryosong sabi niya. Ibinigay niya ang pangalan ng restaurant ni Derek, ang Chef Derek's, na malapit lang din sa Bachelor's Pad. Hindi naman kailangan lumayo pa dahil hindi rin naman niya patatagalin ang usapan.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)
RomantikMay manipis na linya sa pagitan ng unconditional love at katangahan. Sa loob ng dalawang taong pagiging assistant ni Charlene kay Art Mendez, isang sikat na film director, buo ang paniwala niya na unconditional love ang nagtutulak sa kanya na gawin...