NANLAKI ang mga mata ni Art. "This is illegal! May leasing contract akong pinirmahan hindi mo ako puwedeng basta paalisin dito!"
Lumapit sa kaniya si Ross at tinapik ang magkabila niyang balikat. "Relax ka lang, Art. Hindi ka naman pinapaalis. Gusto ka lang namin magbakasyon somewhere na mahahanginan at maaarawan ka. Iyong may bakuran na puwede kang maglakad-lakad para bumalik ang lakas ng mga binti mo."
Tumiim ang bagang ni Art. "Wala akong mapupuntahan na ganoong lugar," gigil na sagot niya.
"Huwag mo na problemahin iyan. Inalok ni Charlie ang resthouse niya sa Tagaytay," sagot ni Keith.
Sa kuwarto niya ay naririnig na niyang hinahalughog ng mga kaibigan niya ang cabinet niya. Nag-uusap pa ang mga ito kung ano ang mga dadalhin at iiwan. Malapit na mapasigaw sa inis si Art. "Hindi niyo man lang ba hihingin ang opinyon ko kung payag akong magpunta doon o hindi?"
Muli siyang tinapik ni Ross sa magkabilang balikat. "No need. Alam naming hindi ka papayag. But you need this, man. Kaibigan ka namin. Tama nang si Maki at Keith lang ang ermitanyo sa Bachelor's Pad. Hindi namin gusto na dumagdag ka pa. Magpapasalamat ka rin sa pangingielam namin balang araw." Saka ito lumayo kay Art at mukhang nakisali sa pag-eempake sa gamit niya.
"Hindi lang kami ang nag-aalala sa iyo," biglang sabi ni Keith. Napalingon siya sa lalaki na matamang nakatingin sa kaniya. "Don't hurt the people that care for you."
Biglang sumungaw sa isip ni Art ang mukha ni Charlene. Kinutkot siya ng guilt na sa totoo lang ay kahapon pa niya nararamdaman. Noong kumalma na ang galit niya at naalala ang sakit na kumislap sa mga mata ng dalaga bago niya ito pagsarhan ng pinto. Para kasi siya nitong sinaksak sa dibdib sa mga sinabi nito sa kaniya kahapon. Masakit dahil alam niya na tama ang assistant niya. Pero mas madaling sabihin kaysa gawin ang bumangon at bumalik sa dating siya.
"Paano siya nakapasok dito in the first place?" natanong ni Art.
Napabuntong hininga si Keith. "Nakagawa siya ng paraan. Mabuti na lang at ako lang ang nakakita sa kaniya. Sinabi niya sa akin na hindi siya titigil na subukang pumasok sa Bachelor's Pad hangga't hindi ka lumalabas ng unit mo. Kapag may ibang nakakita sa kaniya ay ikaw ang magiging responsible doon dahil ikaw ang ipinupunta niya rito. Kaya para hindi na maulit iyon, dapat kang magbakasyon muna Art." Pagkasabi nito niyon ay may narinig silang ingay sa kuwarto niya. Lumingon siya at nakitang inilabas na nila Derek at Montes ang malaki niyang maleta. Mukhang may laman na.
Napahugot na lang si Art ng malalim na paghinga. Saka hirap na umupo sa sofa dahil masakit na ang mga kilikili niya sa pagkaka-angkla sa saklay niya. "Ano pang magagawa ko, naka-empake na ang mga gamit ko?" sikmat niya.
Himbis na makaramdam na inis na talaga siya ay nagsipang-ngisian pa ang mga kaibigan niya. "Para sa iyo din ito, pare. Hindi ka puwedeng magmukmok dito habambuhay," sabi ni Ross.
"Tama siya. At maniwala ka sa akin, akala mo lang masakit sa simula, pero malalampasan mo rin iyan," sabi naman ni Derek.
"Kung magsalita ka para namang naka-move on ka na when we know that you are still not over her," parungit ni Montes kay Derek.
"Bakit ikaw ba naka-move on na kay Jesilyn?" ganting asar ni Derek kay Montes na naningkit ang mga mata at mukhang may isasagot pa.
"Okay. Tama na," singit ni Art bago pa mag-away ang dalawa. "Naiintindihan ko na ang gusto ninyong sabihin. Alam ko na hindi lang ako ang iniwan ng fiancée dito pero heto ako at nagmumukmok habang kayo ay nagpapatuloy sa buhay niyo. Pero hindi kayo lumpo na katulad ko."
Natahimik ang mga lalaki at napatitig sa kaniya. Sumeryoso ang mga anyo. "Hindi ka lumpo. Makakalakad ka pa ng maayos kung gugustuhin mo Art," sabi ni Montes.
Mapait siyang napangiti at umiling. "Pero hindi katulad ng dati. Mas mabagal. Hindi katulad ng nakasanayan ko."
"Pero mas mabuti na iyon kaysa nakakulong ka dito. Walking slowly is better than not walking at all. Step forward, Art. Kahit paunti-unti, makakausad ka pa rin. Hindi mo alam pero may taong siguradong hinihintay na bumalik ka," seryosong sabi ni Keith.
Hindi nakapagsalita si Art pero tumatak sa kaniya ang mga sinabi ni Keith. Napayuko siya, mariing pumikit at umasa na sana ay tama ang kaibigan niya. Na may naghihintay sa kaniya. Mga magulang nga niya ni hindi naisip magpunta sa Pilipinas para tingnan siya kahit tiyak namang alam ng mga ito na naaksidente siya. Si Mylene nga na pakakasalan na niya at akala niya mahal na mahal siya ay inabandona siya nang malaman na hindi na siya magiging tulad ng dati. Sino pa ang naghihintay sa kaniya? Sino pa maliban sa mga kaibigan niya ang puwede niyang mapagkatiwalaan na hindi siya iiwan kahit may kapansanan siya?
Sa kung anong dahilan ay may mukhang lumitaw sa isip niya; ang determinado at nakikiusap na mukha ni Charlene nang kausapin siya nito kahapon. Napadilat si Art at marahas na napailing.
"So, let's go. Ihahatid kita papunta sa resthouse," sabi ni Ross.
Napahugot siya ng malalim na paghinga at pabagsak na sumandal sa sofa. "Fine," pasukong pagpayag niya. Hindi bale, sa resthouse na titirhan niya ay tiyak na walang Keith na binubuksan ang pinto kahit hindi pinapapasok. Magkakaroon siya ng katahimikan doon dahil mag-isa lang siya. Makakapagmukmok siya ng matiwasay.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 8: REVIVING THE CHARMER (Art Mendez)
RomantikMay manipis na linya sa pagitan ng unconditional love at katangahan. Sa loob ng dalawang taong pagiging assistant ni Charlene kay Art Mendez, isang sikat na film director, buo ang paniwala niya na unconditional love ang nagtutulak sa kanya na gawin...