Third Pull

20.6K 587 64
                                    


CHAPTER THREE

MARIING napahilamos sa kanyang mukha si Nari nang makapasok na siya sa ng bahay nila. Hinihingal siya at ang bilis ng tibok ng puso niya.

"Ano'ng ginawa mo, Nari?"

Nasapo niya ang kanyang noo habang inaalala ang mukha ng lalaking 'yon. Siguradong galit na galit ito ngayon. Sino ba ang gustong nabubugahan ng beer sa mukha?

Hindi pa nga niya tuluyang nakakalimutan ang nangyari noong birthday niya, 'tapos heto na naman?

Ano bang gustong mangyari ng universe?

Napangawa siya nang walang luha. Hindi naman siya naglasing. Gusto lang naman niyang uminom. Pero minalas pa rin siya! Bakit naman gano'n?

Huwag na lang kaya akong lumabas ng bahay?

"SIR, nakausap ko na si Maggie."

Si Maggie ang assistant ng kuya niya. Napaangat ng tingin mula sa pagbabasa sa report si Jai.

"What about it?" tanong niya kay Mike.

"Nalaman kasi niya na mula sa HR na naghahanap kayo ng pansamantalang papalit sa 'kin at meron daw siyang kilala. Galing sa ibang kompanya at nag-resign na sa trabaho. Kakausapin daw po niya ngayon. Sasabihan daw niya ako bago matapos ang araw na 'to."

Napatango si Jai. Magandang balita, kahit papaano.

"Thank you, Mike."

"Babalik na po ako sa trabaho, Sir."

Akmang tatalikod na ang assistant niya nang tawagin niya uli ito.

"Mike, may tanong ako."

"Ano po 'yon, Sir?"

Napahimas si Jai sa baba niya at mariing naglapat ang mga labi niya.

"Pangit ba 'ko?"

Napamaang ang assistant niya. "Ho?"

"Kabuga-buga ba ng beer ang mukha ko?"

Nahihiwagaang umiling si Mike. "Ang gwapo n'yo kaya, Sir. Lamang lang kayo ng isang ahit sa 'kin."

"Then why?"

Ang lakas ng loob ng babaeng 'yon para bugahan siya ng beer sa mukha. Kukumustahin lang naman niya ito matapos nang munti nilang engkwentro sa labas ng CR ng Chuck's Pasta. Nakonsensiya siya dahil bigla na lang niya itong binitiwan at mahulog sa sahig. Sinubukan niyang gisingin ang babaeng 'yon pero hindi naman ito nagising. Kaya kinumutan na lang niya ito ng coat niya bago umalis.

Sinabihan ba naman siyang siya raw ang ipinadala ng universe para maging tatay ng mga anak nito? Bumilis ang tibok ng puso niya, nabitiwan tuloy niya ito nang hindi sinasadya. Simula nang gabing 'yon, aaminin niyang hindi na nawala sa isip niya ang babaeng 'yon.

"Ay, Sir," si Mike. "Nalipasan na naman kayo ng gutom. Sinasabi ko na nga ba. Ano'ng gusto n'yong kainin?"

"BLUEBERRY cheesecake at oreo brownies. Ililista ko na ang mga ingredients pati mga ibang gagamitin," sabi ni Yvonne at naglista sa maliit niyang notebook.

"Okay," sabi naman ni Jonie na pinagdikit ang mga palad. "Sino'ng hahawak ng pera? Ikaw na, Nari. Mukhang marami ka namang pang-abuno kung sakali, e."

"Ano'ng akala mo sa 'kin? May pork barrel?" pakli naman ni Nari. "Sige. Pero sasamahan ako ni Yvonne. Hindi ko kaya kung ako lang mag-isa, 'no."

Nasa isang sulok sila ng Chuck's Pasta nang hapong 'yon para pag-usapan ang papasukin nilang negosyong magpipinsan. Dahil Italian food ang iniaalok ng restaurant ni Uncle Chuck, naisip nilang magdagdag ng mga dessert. Susubukan lang muna nila. Kapag pumatok sa mga suking customer, itutuloy-tuloy na nila.

Sleeping With The Bachelor (Pull Me Closer) [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon