Ninth Pull

16K 454 24
                                    


CHAPTER NINE

"ANO'NG sasabihin ng mayor dahil umalis ka?" tanong ni Nari.

Hindi siya makapaniwalang pinuntahan nga siya ni Jai sa lagoon.

"Patapos na rin naman 'yong media conference at hindi na 'ko kailangan. Ang mayor naman ang sumasagot sa mga tanong. Mukhang gustong-gusto niya ang atensiyon mula sa media kaya ibinigay ko na sa kanya. At mukhang sanay na sanay rin siya sa nakakasilaw na mga camera. Makakasama rin nga pala natin siya sa dinner mamaya sa hotel. Ano ba 'yang ginagawa mo? Masaya ba 'yan?"

Mula sa paghagis ng popcorn sa tubig ay napabaling siya kay Jai.

"Subukan mo kaya, Sir." Kinuha niya ang kamay nito at nilagyan ng popcorn. "Pakainin mo rin sila para matuwa naman sila sa'yo."

"Ayoko." Inilagay ni Jai sa bibig nito ang popcorn. "Gutom pa 'ko para magpakain ng mga isda riyan."

"Gusto mong kumain uli tayo? Ako rin, nabitin sa kinain ko." Itinuro niya ang kabilang bahagi ng high way kung saan naroon ang tatlong magkakatabing fastfood chain. "Ilibre mo ko ro'n, Sir. Gusto kong kumain ng burger at spaghetti."

"Great idea."

Nauna nang humakbang si Nari habang ibinubuhos ang natitirang laman ng popcorn. Hindi niya mapigilan ang matawa dahil parang sumusunod ang mga tilapia sa kanya.

"Para kang bata."

Napalingon siya kay Jai. Nakapamulsa ito habang pinapanood siya.

"Sabi sa'yo, masaya 'to, e."

Itinapon niya ang supot ng popcorn sa basurahang nadaanan niya. Walang ano-ano ay matalim na kumislap ang kalangitan at kasunod n'on ang malakas na kulog. Malakas na napasinghap si Nari at napatakip sa kanyang tainga.

Pagkatapos ay naramdaman niya ang malakas na pwersang humapit sa kanyang baywang. Sa isang iglap ay natagpuan niya ang sariling nakakulong sa mga bisig ni Jai. Ang isang kamay nito ay nakahawak sa likuran ng kanyang ulo at nakasubsob ang kanyang mukha sa malapad na dibdib nito.

Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Hindi niya alam kung dahil pa rin ba iyon sa pagkabigla dahil sa pagkulog at kidlat o sa pagkakadikit nang husto ng kanilang mga katawan. Narinig niya ang tibok ng puso nito. Malakas iyon at mabilis.

Lumipas muna ang ilang sandali bago matauhan si Nari. Mabilis siyang kumalas sa pagkakayakap ni Jai. Napakurap siya nang mapatitig sa mukha nito. Kagaya niya, parang hindi rin alam ni Jai ang sasabihin. Nakatitig lang din ito sa kanya.

Spell 'awkward'.

"Okay ka lang?" mayamaya ay tanong ni Jai sa kaswal na tono.

Wala sa sariling napatango si Nari.

"Gawin uli natin 'yon kahit maganda ang panahon." Jai tidied his tux and grabbed her by the hand. "Halika na. Baka maabutan pa tayo ng ulan."

Himalang nagpatianod lang si Nari.

"SIR? READY ka na?" tanong ni Nari matapos kumatok sa labas ng pinto ng hotel room ni Jai.

Ilang sandali pa ay bumukas ang pinto. Nakita niya si Jai na ibinubutones pa lang ang gray long-sleeved polo nito. She was met by his familiar muscular scent.

"Patapos na." Nakangiting niluwangan nito ang pinto. "Dito ka na lang maghintay sa loob."

"Okay. Tumawag na nga pala ang secretary ni Mayor Concepcion. On the way na raw sila." Hinawakan niya ang isang braso nito. "Itiklop natin 'to para mas magandang tingnan," nakangiti pang sabi niya.

Sleeping With The Bachelor (Pull Me Closer) [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon