Eleventh Pull

16K 466 24
                                    

CHAPTER ELEVEN

SIRA-ULONG Yñigo iyon. Sa isang isla naman pala sila pupunta ni Jai at hindi sa langit. Tutuktukan talaga niya ito pagbalik nila.

Parang batang tumakbo sa dalampasigan si Nari at ibinuka ang mga palad niya. Tumama sa kanyang mukha ang malakas na hangin.

"Ang ganda!" bulalas niya habang nakatanaw sa asul na asul na dagat. Nakikita rin niya mula sa kinaroroonan ang mga katabing isla na berdeng-berde.

Sulit na sulit ang biyahe nila ni Jai. Magtatanghali na silang nakarating sa private island nito at gutom na gutom na siya, pero nakalimutan niya iyon nang makita na niya ang parteng iyon ng isla.

"Ang sarap tumira rito habang-buhay!" Ibinuka niya ang mga kamay at tumingala sa kalangitan.

Hindi ito ang langit pero para na ring paraiso. Hindi na rin masama.

"Sabi mo, gutom ka na?"

Napalingon siya kay Jai na nakatayo na pala sa likuran niya. Nasa malilim na parte ito. Maraming tanim na niyog doon at iba pang kahoy. Nakapamulsa ito at merong amused na ngiti sa mga labi.

"Ang ganda rito. Nakita mo? Ang ganda rito!" napabungisngis na sabi niya. Napahagikhik pa si Nari nang maabot ng humampas na tubig ang mga paa niya.

Natatawang nilapitan naman siya ni Jai.

"Alam ko. Kaya nga nagdala pa 'ko ng isang maganda rito."

Hinawi ni Nari ang ilang hiblang kumawala sa pagkakatali na nilipad ng hangin nang humarap siya kay Jai. Hindi niya maitago ang mga ngiti niya. Pakiramdam niya, lalo lang itong gumugwapo sa kanyang paningin.

"Thank you, ha?" Tinawid niya ang distansiya nila at iniyakap ang mga braso niya sa baywang nito.

"PARA sa 'tin lang lahat 'to? Ang dami naman!"

Hindi napigilang matakam ni Nari nang makita ang mga nakahandang pananghalian sa harap nila. Merong rellenong bangus, nilagang baka, adobong manok, malalaking sugpo at alimango, hinog na mangga at papaya, malamig na iced tea, at mainit na kanin. Muling kumalam ang sikmura niya dahil sa nakakatakam na nakahain sa harap nila.

Nasa balkonahe sila ng resthouse ni Jai. Semi-concrete iyon. Gawa sa kawayan at nipa ang balcony at tanaw na tanaw ang dagat sa hindi kalayuan.

"Alam kong gutom na gutom kayo mula sa biyahe," sabi ng caretaker na si Aling Belen. Nasa midsixties na ito pati ang asawa nitong si Mang Julio. "Kain na kayo!"

"Kain ho tayo, Aling Belen," yaya ni Nari.

"Naku, Neng, tapos na kaming kumain. Para sa inyo talaga 'tong mga 'to. Kumain kayo nang marami."

Napamaang si Nari. Seryoso ba ito?

"Magugulat na lang kayo, Aling Belen. Ubos lahat ng 'to kay Nari," sabi naman ni Jai.

"Dapat lang. Masarap yata akong magluto," proud na sabi ni Aling Belen. "Tawagin n'yo na lang ako kung meron pa kayong kailangan. Doon na muna ako sa loob. Magsisimula na 'yong paborito kong drama sa umaga, e. Sige, ha?"

Nagpasalamat sila ni Jai rito bago ito pumasok sa loob ng bahay. Naupo naman silang pareho. Sa tabi niya naupo si Jai. Para nga naman makita rin nito ang magandang view sa harap. Naghugas ng kamay si Nari sa maliit na palangganang merong tubig.

"Diet ka, 'di ba?"

Winisikan niya ng tubig ang mukha nito.

"Hey!" napangiwing reklamo nito at natawa rin.

Sleeping With The Bachelor (Pull Me Closer) [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon