Nang matapos kumain ng kakarampot na piraso ng tinapay ay napagpasyahan nang magsitulog ng aking mga kasama. Ni hindi man lang kami binigyan ng kahit isang patak ng tubig na maiinom. Yumuko na lamang ako at pinilit matulog tulad ng iba ngunit gising na gising ang diwa ko.
Pagod na pagod ang kaluluwa at katawan ko ngunit hindi ako makatulog. Ang daming tanong ang nasa isipan ko at wala akong nagawa kundi magdasal na lamang sa Panginoon na iligtas Niya sa kapahamakan ang mga mahal ko sa buhay.
Kalagitnaan ng pagdarasal ko ng rosaryo ng may malamig na kamay ang humawak sa aking braso kasabay ng mahinang pag-iyak. Inangat ko ang aking ulo at nakita ko si Ana na umiiyak sa aking harapan. "B-Buhay ka?"
Napatango siya at niyakap ako ng mahigpit. Hindi pa man din siya nagsasalita ay alam ko nang may mali sa nangyari. Nag-iyakan kaming dalawa.
"Ate Ana?" Napabangon sa pagkakahiga si Luzviminda at kaagad na lumapit. Magang-maga ang mga mata niya sa pag-iyak ng walang tigil. "Patawarin mo ako sa nangyari, ate! Kasalanan ko ang nangyari... N-Namatay sila ate nang dahil sa akin..."
"Huwag mong sisihin ang sarili mo, Luz! Malaya na sila Tonya ngayon. M mlas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa mapunta sa mga kamay ng mga demonyo."
"Ano bang nangyari? Saan ka nila dinala kanina?" Tinignan ko si Ana mula ulo hanggang paa. Magulo ang kanyang buhok at may dugo sa may laylayan ng suot niyang manipis na puting bestida. Hindi iyon ang suot niya kanina.
"Hindi nila ako pinatay pero inalisan naman nila ako ng dignidad, Tina. Niyurakan nila ang pagkatao ko..." Kinagat niya ang labi niya para pigilan ang pag-iyak ngunit nabigo siya at napahagulgol. Hindi ko alam ang gagawin kong pag-alo sa kanya.
Niyakap ko siya ng mahigpit.
"Sana pinatay na lang nila ako! Mas mabuti pang namatay na lang ako tulad nila Tonya at Ador!"
Kaagad akong umiling sa kanya. Hinawakan ko si Ana sa magkabilang balikat upang tignan ng diretso sa mga mata. "Huwag mong sabihin iyan, Ana! Palaban ka. Isa ka sa mga pinakamatapang na tao na nakilala ko."
"Pero wala ang tapang ko laban sa kanila, Tina. Wala akong laban..." salita niya pa. Umiling ako at pinakatitigan siya sa kanyang mga mata.
"Aalis tayo rito ng magkakasama, Ana. Matatapos din ito maniwala kayo..." pangungumbinsi ko at niyakap silang dalawa ni Luz. Hindi ako naniniwala na magtatagal kami rito. Alam akong may katapusan din ang bangungot na ito at ang tanging kailangan namin ay maniwala.
"***"
Nang mag-umaga ay inutusan kaming gumawa ng gawaing bahay. Hinati kami nila Rodora sa tatlong grupo: tagaluto, tagalaba at tagalinis ng bahay.
Kami nila Ana at Dolores ay napunta sa paglalaba sa likod bahay kung saan may nakabantay sa aming sundalo. Kami pa ang nag-igib ng tubig sa poso at walang kahit sino roon ang tumulong sa amin. May iilan pang Hapon na lumapit upang ihagis sa mukha ng kasamahan namin ang marurumi nilang damit. Napaiyak na lamang ang kasama ko noon.
Si Dolores ay pinagtanggol ang kaibigan niya ngunit nakatanggap lamang siya ng sabunot at isang sampal sa mukha. "Mga hayop kayo!" turan pa niya. Pinagtawanan lamang siya ng dalawang Hapon at umalis na parang walang nangyari.
Napatingin ako kay Ana na tahimik lamang na naglalaba. Kahit natigil na siya sa pag-iyak ay alam kong hindi pa siya maayos sa nangyari kagabi. Kita ko ang galit at pagkasuklam niya sa mga Hapon na dumadaan sa harapan namin.
Nang magtanghalian ay hindi pa rin kami tapos sa paglalaba ng sangkatutak na damit. Sila Luz na nakatoka sa pagluluto ay lumabas ng bahay at namigay ng makakain sa mga sundalo na nasa harapan ng bahay. Nang matapos ang mga hayop na iyon sa pagkain ay saka pa lamang kami nakakain at kulang na kulang ang nakain namin. Hindi iyon sasapat sa maghapon naming pagtratrabaho.

BINABASA MO ANG
Gunita
Historical FictionPaano nga ba mabuhay sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Ano nga ba ang kinahinatnan ng mga kababaihan sa panahon ng digmaan?