Ikalawang Pahina: Alaala

115 7 0
                                    

"Faustina!" 

Boses ni inang at sunod-sunod na pagkatok sa pinto ang una kong narinig sa umaga. Napakusot ako ng mga mata.

"Faustina, natutulog ka pa ba?"

"Gising na po! Sandali lamang!" salita ko habang tumatayo sa aking higaan. Nag-unat pa ako ng braso bago pagbuksan si inang ng pintuan.

"Bakit po, inang?"

"Nandito ang mapapangasawa mo, anak."

"Po?" Kaagad akong napasilip sa aming bintana ngunit wala naman sa harap ng bahay si Lorenzo.

"Nasa likod bahay siya kasama ng mga kuya mo at amang mo."

"Ano po? Kanina pa?" Parang nawala ang antok sa aking buong katawan dahil sa narinig ko. Kinatatakutan ko ang araw na ito mula ng alukin ako ni Lorenzo ng kasal!

"Oo. Alas sais pa lang ay nandito na siya."

"Hala siya!" Kaagad akong nagtungo sa kusina at naabutan ko roon si ditse. Hinarangan niya akong makalabas.

"Ditse!"

"Lalabas ka ng ganyan ang itsura? Baka gusto mong lalong pahirapan ni Amang si Lorenzo kapag natitigan ka niya sa ganyang itsura!" paninita ni ditse. Napatingin kaagad ako sa aking suot na manipis na bestida at nagtatakbo ako papasok ng kwarto upang magbihis ng disente. Sinuklay ko rin ang aking buhok ng ilang beses at kaagad na dumiretso sa kusina upang magmumog sa lababo.

"Tarantang-taranta naman, bunso! Hindi papatayin ng ama mo ang mapapangasawa mo." salita pa ni inang sa akin ng nagpunas ako ng bibig sa kanyang hawak na panyo. Tawa naman ng tawa si ditse.

"Kasi naman inang! Sobra sila kuya sa asawa ni ditse! Paano pa kaya sa aking bunso?"

"Pinakaiingatan ka lamang ng kuya mo, bunso." Niyakap ako ni inang at hinagod ang aking braso para makalma ako. "Sinusubukan lamang nila ang mga lalaking gustong kumuha sa inyo kung tatagal ba sila at karapat-dapat na maging inyong asawa."

"Tama si inang!" Lumapit si ditse sa akin at inayos ang buhok ko. "Halika na nga! Mamamatay ka yata kapag hindi mo nakita kaagad si Lorenzo, ay."

Lumabas kami ni ditse sa labas at naabutan ko sila amang at ang asawa ni ditse na nakaupo lamang na pinagmamasdan magsibak ng kahoy si Lorenzo. Nagkakape pa talaga sila samantalang naghihirap iyong isa!

Dumating si Kuya Andres na may dalang matabang sanga ng kahoy. Nilapag niya iyon sa harapan ni Lorenzo.

"Kuya! Huwag mong sabihin na ipapasibak mo pa iyan?" Hindi ko napigilang magsalita dahil pawis na pawis si Lorenzo at kita ko na ang pagod sa pagsisibak niya. 

"Faustina, gising ka na pala." Natatawang sagot ni kuya at hindi sinagot ang tanong ko. Sinamaan ko ng tingin ang kapatid ko dahil hindi ko siya masita ng sobra dahil nakamasid si amang!

Nilapitan ko si Lorenzo upang punasan ang pawis sa kanyang noo. Marami na siyang nasibak na kahoy. Kung tutuusin at aabot na iyon ng pang isang linggo pero ayaw pa siyang patigilin! "Ayos ka pa ba?"

"Ayos pa ako, mahal. Huwag kang mag-alala." Nagawa pa niya akong nginitian ng hawakan niya ako sa aking braso.

"Faustina, pumasok kayo sa loob." maawtoridad na salita ni Amang. Nginitian akong muli ni Lorenzo at nagpatuloy siya sa pagsisibak ng kahoy.

Wala akong nagawa kundi sumunod kay ditse papasok sa kusina kahit masama ang loob ko. Tinulungan namin si Inang na ihanda ang mesa. Pritong itlog, tuyo at sinangag ang aming agahan. May kasama pa iyong hiniwang kamatis.

GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon