Ikalabing Dalawang Pahina: Naghihintay

89 5 3
                                    

"Ibigay mo ito kay Amang, Tina."

Napailing kaagad ako sa utos ni Kuya Andres nang pumunta ako sa kusina. Si Amang ay nakaupo sa kanyang tumba-tumba sa terasa. "Hindi niya iinumin iyan kapag ako ang nagbigay."

"Ako pa bang pilay ang papupuntahin mo roon?"

Napasimangot akong tinanggap ang tasa na naglalaman ng kape ni Amang. Hindi ako makapagreklamo.

"Dalian mo! Magagalit na iyon!" utos pa niya at tinulak ako palakad. Muntik tumapon sa sahig ang kape mabuti na lamang ay naagapan ko.

Napabuntong hininga na lamang ako. Si Kuya Andres ay naririnig ko lamang na natatawa sa aking likuran. Ang hirap maging bunso sa pamilya!

"Amang, kape po."

Napatingin sa akin si Amang at abot-abot ang aking kaba. Matagal niya lamang akong tinitigan hanggang sa kuhanin niya ang tasa sa kamay ko. Wala siyang sinabi makaraan ang segundo kaya kaagad akong umalis sa kanyang harapan.

Bumalik ako sa kusina kung saan nandoon na rin si ditse at kumakain ng tinapay habang si kuya ay nagkakape. "Tinanggap naman, hindi ba?"

Napatango ako at naupo sa katapat na bangko ni kuya.

"Hindi na galit iyon."

"Paano mo nasabi?"

"Kung binuhos sa iyong mukha ang kape ay galit pa rin iyon pero hindi naman, hindi ba?" tanong ni kuya sabay inom sa kanyang kape. Napasimangot na lamang ako. Hinampas ni ditse sa braso si kuya. "Masakit! Biro lang naman iyon, bunso."

Napailing na lamang ako.

"Andres."

Napatingin kaming magkakapatid kay A
amang na nilapag ang tasa sa mesa. "Pupunta lamang ako saglit sa bukid."

"Huwag na kayo papagabi, tay. Paparating na rin sila Inang." Tumango si amang kay kuya Andres at tinapik ang balikat nito.

"Ingat kayo, amang."

Tumango siya kay ditse. Napatingin siya sa akin saglit pero kaagad niya iyong iniwas at umalis ng bahay. Napahinga ako ng malalim.

Tatlong araw na akong nandito sa bahay pero hindi pa rin ako kinakausap ni amang. Nagpunta rin kami ni ditse at ng asawa niya ng ilang beses sa Malolos para hanapin si Lorenzo ngunit hindi namin siya mahanap. Kahit si Alonzo ay walang ideya kung saan napunta ang kapatid niya.  Napahinga ako ng malalim.

"Inubos ang kape mo." Pinakita sa akin ni kuya ang tasa na walang laman. Siguro ay para pagaanin na rin ang loob ko pero hindi naman iyon nakakatulong.

"Hindi naman ako ang nagtimpla niyan."

"Kahit na." sagot niya at tumayo upang ilagay iyon sa lababo. Kaagad namin siyang pinigilan ni ditse.

"Huwag kang masyadong naglalalakad para gumaling na ang paa mo."

"Tama! Makinig ka kay ditse." komento ko at kinuha ang dalawang tasa para hugasan. Narinig ko lamang ang "ha" niya at binalot kami ng katahimikan.

Nang matapos ako sa pag-uurong ay nagpunas ako ng kamay sa basahan. Nakatingin silang dalawa sa akin at may gustong sabihin.

"Bakit?"

Nagtinginan sila ni ditse at sa huli ay si kuya ang nagsalita.

"Alam mo namang naging bilanggo ako sa isang kampo sa kabilang barrio."

Tumango ako. Naikuwento niya sa akin ang pagkakakuha sa kanya ng mga sundalong Hapon sa bukid at dinala sila sa kabilang barrio upang ikulong at pagmalupitan. Nakatakas lamang si kuya Andres pagkaraan ng isang taon.

GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon