"Faustina, kanina pa kita hinahanap sa loob. Nandito ka lamang pala." salita ni
Doktor Asahi nang makarating sa kinaroroonan ko. Hindi ako umimik. Gusto kong mapag-isa."Anong problema? Dalawang araw ka nang hindi nakakausap. Nag-alala na kaming lahat sa iyo." aniya't naupo sa aking tabi sa ilalim ng puno. Malapit kung saan nilibing sila Ana... "Magkaibigan tayo, hindi ba?"
Tumango lamang ako ng tipid.
"Ang magkaibigan ay nagsasa..." Napatingin ako kay Doktor Asahi dahil hirap na hirap siya sa kanyang sinasabi. "Nagsasabihan ng problema! Ang magkaibigan ay nagsasabihan ng problema. Tama, hindi ba?"
"Oo, tama."
"Puwede kang magsabi sa akin, Faustina. Handa akong makinig palagi."
Nangiti na lamang ako ng malungkot sa sinabi ni Doktor Asahi. Niyakap ko ang aking mga tuhod at pinatong ang baba ko roon. Hanggang sakong ang suot kong palda kung kaya't hindi ako makikitaan. Hindi ako nagsalita at hindi rin naman siya namilit na magsabi ako. Sinamahan lamang niya ako roon ng matagal hanggang sa nakaya ko nang magsabi ng problema ko.
"Dumating ang kapatid ng asawa ko rito sa bahay nung isang araw." Nilingon ko si Doktor Asahi at nakatingin lamang siya sa akin. Nakikinig ng mabuti sa aking sinasabi.
"Ang sabi niya ay patay na si Lorenzo." Pagkasabi ko pa lamang ay napaiyak na ako. Bumibigat ang aking kalooban kapag sinasabi iyon. Naniniwala akong buhay pa siya, alam kong buhay pa siya pero masakit pa rin sabihin ang kataga na iyon. Hindi ko maiwasang mag-alala at matakot para sa sitwasyon niya. Nasaan na kaya siya ngayon? May tumulong ba sa kanya?
Ang isipin na naiwan siya sa daan na duguan at walang malay ay sobra-sobra ang pasakit sa akin. Parang ako na rin ang binaril nila ng dalawang beses sa ginawa nila sa asawa ko.
"Anong nangyari?" tanong niya ng nag-aalala. Nikuwento ko sa kanya ang detalye ng sinabi ni Alonzo.
"Kung may makakakita kaagad at tutulong sa asawa mo ay maaari siyang maligtas."
Tumango ako. Malaking bagay sa akin na marinig iyon sa isang doktor. "Alam kong hindi siya papabayaan ng Panginoon. Nangako si Lorenzo sa akin na parehas kaming lalaban, panghahawakan ko iyon hanggang sa huli."
Tinapik ni Doktor Asahi ang aking balikat.
"Kung sakaling mapunta ako roon kinabukasan ay magtatanong ako sa mga kakilala ko tungkol sa asawa mo."
"Maraming salamat, Doktor Asahi. Malaking tulong iyan sa akin."
"Walang anuman. Para na rin mabawasan ang pag-aalala mo. Kaibigan kita. Ang magkaibigan ay nag... Ano nga ulit ang salitang iyon?"
"Nagtutulungan." pagtutuloy ko sa kanyang sinasabi.
"Iyan! Tama!"
Nangiti na lamang ako kahit papaano. Napansin naman niya iyon kaya nagsalita siya.
"Ngingiti ka kahit may problema. Madilim ang mundo kapag malungkot ka, Faustina." Umiling pa siya sa akin. "Pangit."
Hindi ko napigilang tumawa. Laking pasalamat ko na rin at nakahanap ako ng isa pang kaibigan sa katauhan ni Doktor Asahi Sato. Para bang nilagay siya sa landas ko upang punan ang pagkawala ng matalik kong kaibigan na si Ana.
"***"
Nakaramdam ako ng pagyugyog sa aking balikat sa gitna ng pagkakatulog. Akala ko ay si Rodora na naman iyon para papuntahin ako sa silid ni Yamamoto ngunit boses iyon ni Anita na humahangos. "Gising! Tina, gumising ka!"
BINABASA MO ANG
Gunita
Historical FictionPaano nga ba mabuhay sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Ano nga ba ang kinahinatnan ng mga kababaihan sa panahon ng digmaan?