Ikalabing Isang Pahina: Malaya Ka

103 3 0
                                    

Ang ginawa naming pagtakas kay Luz at Dulce ay naging matagumpay. Hindi napansin ng mga nagbabantay na Hapon na ibang tao ang nilibing namin sa likod ng bahay dahil lango sila sa pinainom na alak ni Menandro.

Ilang araw din ang lumipas nang malaman namin sa pamilya ni Menandro na nakarating sa kanila si Luz at Dulce. Si Dulce ay bumalik na sa kanyang pamilya habang si Luz ay kinupkop ng pamilya ni Menandro dahil inako niya ang bata.

Matagal din bago nakabalik ng San Ildefonso sina Yamamoto. Nang makabalik sila ay mga bago siyang dalang mga sundalo. Karamihan na roon ay puro kapwa namin Pilipino na pinipilit nilang makipaglaban sa mga Amerikano.

Napuno ng ingay at gyera ang buong lugar. Napakagulo ng bayan ng San Ildenfonso. 

Umaga, hapon at kahit gabi ay may naririnig kaming mga putukan ng baril, malakas na pagsabog at mga lumilipad na eroplanong naglalabas ng bomba. Hindi kami makatulog ng maayos sa pangamba at takot na baka bigla na lang may malaglag na bomba at sumabog ang buong kabahayan. Hindi na rin kami pinalalabas ng bahay at si Rodora ay pinaalis na dahil hindi na siya kailangan. Mula ng araw na umalis si Rodora sa bahay ay wala na kaming balita sa kanya.

Nang mga panahon na iyon ay napuno na lamang kami ng pagdarasal na sana matapos na ang kaguluhan.

At isang araw ay pinakinggan nga kami ng Panginoon, nagising kami hindi sa ingay ng mga pagsabog na nakasanayan namin ng matagal na panahon kundi sa sigawan ng mga taong nagsasaya sa labas.

"Anong nangyayari?" tanong ni Tala, katulad naming lahat ay nagtataka. Bumaba kami sa ibaba at binuksan ang iisang bintana na walang nakaharang na tabla. Nagsasaya ang mga tao sa labas. Ang ilan sa kanila ay inakyat ang bakod ng bahay at inalis ang mga bandera ng Hapon na nakasabit. Pinagsisira nila ang mga ito at pinagtatapakan sa lupa.

"Akala ko ay hindi na natin ito mararanasan!"

"Tapos na! Tapos na ang paghihirap natin!" nasambit ni Anita.

Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib. Napatingin ako sa itaas. "Salamat po. Maraming salamat."

"Malaya na tayo, Tina."

Napatango ako kay Dolores. Niyakap niya ako ng mahigpit. Nag-iyakan kaming apat sa kasiyahan.

Hindi nagtagal ay may nakakita sa amin at kaagad kaming humingi ng saklolo. Binuksan nila ng pwersahan ang malaking pinto sa bakuran at pagkaraan noon ay inalis ang pagkakandado ng pinto ng bahay.

"Kinulong ba kayo rito?"

"Ligtas na kayo."

"Natalo na sila ng mga Amerikano!"

Pagkausap ng mga tao sa amin nang makalabas kami sa bakuran ng bahay ng mga Ilusorio. Ang bahay na saksi sa lahat ng paghihirap at pagdurusa namin ng ilang taon.

"Sa tagal ng nilagi natin sa bahay na iyan ay hindi ko na alam kung paano makakabalik sa amin." salita ni Tala ng maiwan kaming apat na nakatayo sa harap ng bahay nang makaalis ang mga tao na nagsasaya kanina. Sa oras na ito ay dapat na nagtatakbo na kami palayo sa bahay ngunit nanatili kaming nandoon at hindi maigalaw ang mga paa.

"Sinusumpa ko ang mga nangyari sa atin ngunit hindi ko maaakila na may magaganda ring nangyari sa loob ng bahay na iyan at iyon ay ang pagkakaibigan natin." madamdaming salita ni Dolores. Napatingin kami sa kanya.

Si Tala ay sinalat ang kanyang noo. "Ikaw ba talaga ang nagsasabi niyan, Dolores? May dinaramdam ka ba?"

Nagkatawanan kaming apat at nagyakapan.

"Hahanap-hanapin ko kayo panigurado." ani Anita. "Lalo na sila Ana at Maria."

"Nangungulila rin ako sa kanila..." komento ni Tala. Napatingin ako noon sa likod ng bahay na pula. Nakalabas na kami, Ana. Malaya na ako.

GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon