Ikasiyam na Pahina: Naniniwala

98 4 0
                                    

"May mga bago na namang dala si Yamamoto." salita ni Tala pagkapasok sa kusina.

"Para namang may bago pa roon, ate Tala." sagot ni Dulce habang nakaupo sa bangko. Pinagmamasdan niyang magtahi si Dolores. Nang matapos sa ginagawa ay inabot sa akin ang uniporme ni Kolonel Yamamoto.

"Pakiabot nga ito, Tina. Ayokong nakikita ang pagmumuka ni Yamamoto. Makapal din ang pagmumukha na magpatahi sa akin. Bibig niya ang tatahiin ko kapag naubusan ako ng pasensya." Natawa kami ni Dulce sa sinabi ni Dolores. Mainit na naman ang ulo niya.

Lumabas ako ng bahay hawak ang uniporme ni Kolonel Yamamoto. Hinanap ko siya sa harapan ng bahay ngunit wala siya roon. Umikot ako sa kabilang gilid ng bahay kung saan nandoon ang mga bagong sundalo. Napatingin kaagad sila sa akin at natigilan ako nang makilala ko ang ilan sa kanila.

"Berting at Menandro," napahinto ako sa lupon nila at pati sila ay nagulat na makita ako rito. Mga kaibigan sila ng asawa ko at katulong sa gawain sa bukid. "Bakit kayo nandito? Nakita nyo ba ang asawa ko? Nasaan si Lorenzo?"

"Magkakasama kami sa kabilang barrio ng ilang buwan hanggang sa paghiwalay-hiwalayin kami sa dalawang grupo dahil mas nangangailangan ng sundalo sa Malolos." pagkwento ni Berting. 

"Nasa Malolos siya ngayon?"

"Malamang ay naroon na sila." sagot ni Menandro sa akin. "Hinahanap ka niya. Palagi ka niyang binabanggit sa amin. Nag-aalala siya kung saan ka dinala."

"Matutuwa iyong malaman na buhay at ligtas ka, Tina!"

Nangiti ako. "Masaya rin akong malaman kung nasaan siya. Wala akong balita mula noon-"

"Faustina!"

Napalingon ako sa tumawag sa akin.

Si Dr. Asahi iyon hawak ang lalagyan niya ng mga instrumento niya sa panggagamot. Tulad ng mga pagdalaw niya dati ay maayos at pormal ang kanyang postura. 

Nilingon ko sila Menandro at Berting. "Pakiabot naman kay Yamamoto ang damit niya kapag dumating siya rito."

Tinanggap nila ang damit at nagpasalamat ako bago sumunod kay Dr. Asahi sa loob ng bahay.

"Kilala mo sila?"

"Kaibigan sila ng asawa ko."

Napatango na lamang si Dr. Asahi at pinagbuksan ako ng pintuan. Pinauna niya akong pumasok sa silid-tanggapan. Nandoon na ang lahat pati si Rodora.

"Anong mayroon? May plano na ba para kay Luz?" tanong ni Dolores. Katabi niya si Luz, Anita at Dulce sa silya. Si Rodora at Tala ay nakatayo lamang sa may bintana.

"Mayroon na akong nahanap na pagkakataon ngunit may mas importante akong kailangan ipaalam sa inyo."

Napahawak ako sa aking dibdib dahil hindi ko gusto ang timpla ng mukha ni Dr. Asahi.

"Ano iyon, Dr. Asahi?" ani Tala.

"Nabalitaan ko sa mga tiyuhin ni Maria na namaalam na siya kagabi. Wala na siya."

Napuno ng katahimikan ang buong silid. Napaupo si Dolores sa silya at napatakip ng mukha gamit ang kanang kamay. Kaagad ko siyang nilapitan at pinatong ang aking kamay sa kanyang umaalog na balikat. Hinawakan niya ang kamay ko ng mahigpit. Alam kong napakahirap sa kanya nito.

Siya ang pinakamalapit sa batang iyon.

"Ang dami pa niyang gustong gawin sa buhay..." ani Dolores at kinalma ang sarili. Huminga siya ng malalim at pinunasan ang luha sa mga mata. "Anong plano kay Luz? Hindi na pupwedeng may mangyari pa ulit na ganito, Dr. Asahi. Isa-isa kaming namamatay dahil sa isang bagay na hindi namin ginusto."

GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon