"Binigyan nga tayo ng isang araw upang magpahinga pero sa tingin ba nila ay pahinga ito? Kalokohan!" Sinipa ni Dolores ang banyera na nasa kanyang harapan.
Napailing na lamang ako. Mainitin talaga ang kanyang ulo.
"Ako na ang bahala rito, Dolores." Kinuha ko ang huling banyera sa kanya at sinampay ang mga nilabhang damit. Katulad ng dati ay umaabot kami ng hapon sa dami ng nilalabhan. Sumunod pa rin naman siya upang tumulong.
"Mabuti pa si Maria ay nakalabas na sa bahay." aniya na para bang naiingit pa sa kaibigan namin.
Napakunot noo ako at nilingon siya sa aking gilid. "Seryoso ka ba sa sinasabi mo? Nakalabas nga siya ngunit delikado naman ang kanyang lagay."
"Kung sa bagay ay totoo iyon." Napabuntong hininga na lamang siya.
Sana ay umigi na ang sitwasyon ni Maria. Hindi ko na yata kakayanin pa kung may mawala sa aking mga kaibigan. Napatingin ako sa pinaglibingan namin kay Ana. Matagal na rin mula ng mawala siya sa amin. Hindi ko na mabilang ang mga araw na naglalagi kami rito sa bahay pero alam kong matagal na. Sobrang tagal.
Mula sa tatlumpung kababaihan ng una kaming dalhin dito ay naging anim na lamang kaming natitira. Marami ang namatay sa sakit at bugbog na natatamo namin sa mga Hapon. Ang iba ay sa kawalan ng pag-asa ay tinapos na lamang ang kanilang sariling paghihirap. Madalas iyong mangyari ngunit napakabigat pa rin sa aming damdamin kapag nababawasan kami rito.
Ang isa sa malapit sa amin na si Maria ay pinaalis na sa bahay nung nakaraang buwan dahil tuluyan nang bumagsak ang katawan at nasa banig na siya ng karamdaman. Ang sabi ni Rodora sa amin ay dinala ito sa kanyang mga tiyuhin sa Pampanga upang ipagamot.
"Mga ate, nabigyan na namin ng makakain ang mga alaga nating hayop! Tara na't kakain na!" sigaw ni Luz na nakatayo sa likuran ng bahay. Napatingin sa kanya ang ilang mga sundalo na kumakain sa gilid.
Tumawa ng malakas si Dolores sa winika ni Luz. "Wala rin talagang kinatatakutan ang batang iyan. Sinigaw pa!"
"Hindi naman tayo naiintindihan ng mga iyan." Kinuha ko ang banyera at naglakad kami papasok sa loob ng bahay ng tumatawa.
Nagtungo kami sa kusina at nakahain na nga sa hapag ang luto nilang gulay. Bukod sa paglalaba at pagluluto ay may iba na rin kaming pinagkakaabalahan, ang pagtatanim ng mga gulay at prutas sa likod bahay. Galing kay Dr. Asahi ang mga bunhi noon.
"Bago kumain ay magdasal na muna." wika ni Anita nang magsiupo kaming lahat. Pinangungahan ni Dulce ang panalangin. Nagkwentuhan kami tungkol sa aming mga kanya-kanyang buhay habang kumakain.
"Sana hindi na matapos ang araw ng linggo." malungkot na salita ni Luz ng matapos kaming kumain. Nawala ang mga tawa at ngiti sa aming mga labi.
Bumalik kaming lahat sa reyalidad na hindi kami namumuhay ng normal. Hindi ito normal.
Nagsalita si Tala habang nagliligpit ng pinagkainan. "Balik na naman tayo bukas sa pagiging parausan. Para na nga talaga tayong bayarang babae kung tutuusin."
"Isang puta na walang nakukuhang kahit isang singkong duling sa binabayad nila. Lintek na buhay ito!" iritang sagot ni Dolores. Napahinga na lamang ako ng malalim.
Iyon ang bagong sistema ngayon sa bahay na ito galing kay Kolonel Akinaga. Kung dati ay kung kailan at kung saan lang nila gustuhin na kuhanin kami ay pupwede, ngayon ay bawal na iyon. Dapat nang magbayad ang mga sundalo kung gusto nilang makuha ang tinatawag nilang “serbisyo” namin. Para kaming mga bayarang babae, o sabihin na nating iyon ang pinaparating nila sa labas ngayong nasa bansang Hapon na ang kapangyarihan sa buong bayan.

BINABASA MO ANG
Gunita
Historical FictionPaano nga ba mabuhay sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Ano nga ba ang kinahinatnan ng mga kababaihan sa panahon ng digmaan?