May humila sa akin patayo at dinala sa harapan ng pinuno ng mga taong iyon. Hinanap kaagad ng mga mata ko si Lorenzo at kaagad akong mariin na umiling sa kanya. May galit sa mga mata niya at alam kong kikilos siya katulad ni Ador kapag may ginawa sa akin ang mga dayuhan na ito at ayoko iyong mangyari. Hindi ko hahayaan na matulad siya sa sinapit ng kaibigan namin.
Marahas na hinawakan ng matabang lalaki ang pisngi ko nang sa ganoon ay mapatingin ako sa kanya. Matagal niyang sinuri ang aking mukha at kita ko sa mga mata niya ang pagnanasa sa akin.
"Maamo ang mukha. Maganda."
Pinaikot ako ng nasa tabi kong lalaki at nang matapos akong suriin ng tingin ng pinuno nila ay tinulak niya ako sa kanyang kanan kung saan nandoon si Luzviminda at ang lima pang babae na taga rito rin sa aming bayan. Ang ibang mga babae na hindi magustuhan ng pinuno nila ay binabalik sa kinauupuan at ang matatanda ay sa kabilang grupo. Hindi ko pa rin makita ang pamilya ko.
Niyakap kaagad ako ng nanginginig ang katawan na si Luzviminda. Alam kong takot na takot siya sa mga nangyayari tulad ng lahat na nandirito. Si Ana ay nakaupo sa gilid, tumigil na siya sa pag-iyak ngunit tulala at hindi makausap. Lubos ang pag-aalala ko sa kanya.
Nang matapos hatiin kaming mga babae ay pinatayo na rin ang mga kalalakihan ngunit pinapila lamang sila. Ganoon din sa mga babaeng nasa kabilang grupo. Ang grupo namin nila Luz ay higit nasa tatlumpu. Dinala sa amin si Ana at kaagad ko siyang hinawakan sa braso dahil wala siya sa huwisyo. Hindi siya umiimik.
"S-Saan tayo pupunta, ate?" tanong sa akin ni Luzviminda ng nagkakagulo na ang lahat para pumila. Umiling lamang ako. Wala akong ideya kung saan nila kami dadalhin.
Napapitlag ako ng may humawak sa aking braso. "Ako ito, mahal. Ako ito..." mahinahong salita ni Lorenzo na nakatayo sa aking gilid. Kaagad ko siyang niyakap ng sobrang higpit.
Hinaplos ko ang duguan niyang mukha. Napaluha ako. "A-Ano bang nangyayari, Lorenzo?"
"Hindi ko alam, mahal ko. Hindi ko alam pero mangako kang lalaban ka." Tumingin siya sa paligid at hinawakan ang magkabila kong pisngi. "Hahanapin kita kahit saan ka nila dalhin. Gagawa ako ng paraan para magkasama tayong muli. Babalik ako. Mahal na mahal kita, Faustina."
Napapikit ako sa pag-iyak.
"Babalik ako sa iyo, mahal ko. Pangako." bulong pa niya habang pinupunasan ang mga luha sa pisngi ko. Ayoko ng ganito! Bakit nangyayari sa amin ito?
"Mahal na mahal kita." Iyon ang huli kong narinig sa kanya at pumila na siya bago pa man may makapansin sa aming dalawa. Iyak ako ng iyak. Ayokong magkahiwalay kaming dalawa ngunit kailangan para sa aming kaligtasan. Para sa buhay naming dalawa.
Nang kami na lamang ang natitirang grupo ay pinalakad na rin kami habang nakapaligid sa amin ang anim na armadong dayuhan. Nag-iiyakan ang mga kasamahan ko habang ako ay tahimik lamang na nakamasid sa nangyayari. Wala kaming nagawa kundi sumunod na lamang dahil papatayin nila kami kapag may ginawa kaming hindi nila gusto. Kitang-kita namin iyon sa nangyari kanina.
Isang maling galaw ay katumbas ng aming buhay.
Si Ana ay tulala lamang habang naglalakad. Nilapitan ko siya at hinawakan sa braso para gabayan. Ang dating payapang bayan ng Anyatam ay napalitan ng kaguluhan. Malalakas na pagsabog at putok ng mga baril ang naririnig sa paligid.
Matagal din ang aming nilakad hanggang sa sumalubong sa amin ang pulang bahay ng pamilya Ilusorio.
Malaking lupain ang mayroon sila at ang nakatayo roon ngayon ay mga tolda. Napakaraming tolda na tinutulugan ng mga sundalong dayuhan. May mga ilan sa mga sundalo ang gising at kumakain ng almusal.
BINABASA MO ANG
Gunita
Fiction HistoriquePaano nga ba mabuhay sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Ano nga ba ang kinahinatnan ng mga kababaihan sa panahon ng digmaan?