"Tina! Tina! Faustina!"
Kaagad akong lumabas ng aming bahay nang marinig ko ang boses ng aking matalik na kaibigan na tumatawag sa aking pangalan. Naabutan ko si Ana sa aming terasa na naghahabol ng hininga. Mukha yatang tumakbo siya mula sa kanila papunta rito sa amin.
"Bakit? Anong nangyari?"
Hinayaan ko siyang maupo sa tumba-tumba ni Amang at hinintay siyang magsalita. Mula sa pagkakahingal ay napatingin siya sa akin ng ngiting-ngiti ang labi!
"Inaya ako ni Ador! Ako ang makakasayaw niya mamayang gabi!" Halos magtitili siya sa tuwa sa pagkakasabi noon.
"Talaga?"
Maraming beses siyang tumango. Napangiti na rin ako at kaagad ko siyang niyakap. Matagal na naming hinihintay ang pagdating ng gabing ito, ang gabi ng indakan, kung saan lahat ng mga binata at dalaga ng bayan ng San Ildefonso sa edad na bente dos pataas ay nagtitipon sa plaza upang magsayaw at magsaya buong gabi. Isang beses lamang itong mangyari sa isang taon kung kaya't lahat ay naghahanda lalo na ang mga kababaihan.
Ang sabi pa ng matatanda ay maraming nakakahanap sa gabing iyon ng mapapangasawa. Isang katunayan na roon ang aking amang at inang na nauwi sa kasalan at malauna ay nagbunga ng tatlong anak. Ganoon na rin ang aking ditse na inalok ng kasal sa gabi ng indakan.
Nang marinig namin iyon ni Ana sa aking inang ay tuwang-tuwa siya at mula noon umaasa na siyang mahahanap niya ang lalaking mapapangasawa niya sa gabing ito.
"Masaya ako para sa'yo, Ana!"
"Maraming salamat! Hindi ko talaga akalain na ako ang yayayain niya, Tina! Sa daming nagkakagusto kay Ador ako pa ang napili niya. Hindi ako makapaniwala."
"Maganda ka. Matapang. Marunong sa gawaing bahay. Bakit hindi ka niya magugustuhan? Isa pa, matagal na natin siyang kaibigan kaya kilala ka niya ng lubusan. Alam niyang mabuti kang tao."
"Salamat, Tina. Palagi mo na lang pinapagaan ang aking kalooban."
"Ganoon ka rin naman sa akin." sagot ko at nagkatawanan kaming dalawa.
"Si Lorenzo ba? Inaya ka na ba niya?" Umiling ako. "Ano? Bakit hindi ka pa niya niyayaya? Gusto mo bang sugurin ko ang isang iyon? Nasaan ba siya't kakausapin ko--"
"Huwag, Ana! Naiintindihan ko naman. Papunta siya sa kabilang barrio para bisitahin ang kapatid niya."
"Ganoon ba?"
Tumango ako.
"Hindi ka naman ba nanghihinayang? Isang beses lamang ito mangyari sa isang taon at ito ang unang beses nating pagpunta."
"May mga susunod pa namang taon, Ana. Ayos lamang iyon sa akin." Nangiti na lamang ako.
Napalabi si Ana. "Ngunit ito ang gabing pinakahihintay natin!"
"Mas mahalaga na mabisita niya ang kanyang kapatid sa Malolos, Ana."
"Kahit na ba! Sa dami ng araw ngayon pa talaga niya naisipang dumalaw sa kanyang pinsan. Sumama ka na lamang sa amin!" pag-anyaya pa niya na kinagulat ko.
"Hindi ba ako makakasagabal sa inyo ni Ador?"
"Ano bang pinagsasabi mo, Faustina? Paano ka naman makakaabala sa amin? Sumama ka! Susunduin ka namin mamaya." dire-diretso niyang salita
Hindi ako sumagot kaya kaagad niyang hinawakan ang aking kanang kamay.
"Sasama ka, Faustina! Magagalit ako kapag hindi ka sumama!" pagpupumilit pa niya. Wala akong nagawa kundi tumango dahil mapilit siya. Matigas talaga ang kanyang ulo.

BINABASA MO ANG
Gunita
Fiksi SejarahPaano nga ba mabuhay sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Ano nga ba ang kinahinatnan ng mga kababaihan sa panahon ng digmaan?