Ikatlong Pahina: Simula ng Bangungot

151 7 0
                                    

Paalala: May mga dialogues kayong makikita na naka-italic at ang ibig sabihin po noon ay Japanese words dapat iyon pero sa kadahilanang:

1.) hindi ako marunong ng japanese
2.) Wala akong tiwala sa google translate (sorry)
3.) Wala akong kakilala na pwedeng mag-translate for me
4.) At HIGIT sa lahat, mas okay para sa akin ang direct Filipino na rin ang gamitin para maiintindihan kaagad, hindi na maha-hassle mag-translate or mag-ol para tignan sa comment ang translation dahil ayoko ring japanese tas may katabing ganito: japanese word(translation). Pangit sa tingin ko kaya Filipino na lang din iyon. Isipin nyo na lang japanese ang pagkakasabi.

Salamat!

"***"

Isang buwan na namanhikan si Lorenzo sa aking pamilya. Palagi siyang may dalang regalo kapag bumibisita sa aming bahay at palagi na rin siyang kasalo sa hapagkainan. Natutuwa naman ako dahil tanggap na siya ng lubusan nila Amang.

Ikalawang araw ng Agosto ng mapagpasyahan naming ikasal sa simbahan ng San Ildelfonso. Lahat ng mga kaibigan at pamilya namin ay naging saksi sa pag-iisang dibdib naming dalawa.

Hinding-hindi ko makalimutan ang ngiti ni Lorenzo ng araw na iyon nang sumagot ako ng oo sa pari at tinanggap ko siya bilang aking kabiyak. Laking pasalamat ko sa Panginoon na nagkaroon ako ng isang katulad niya na mabuting tao at mabuting asawa.

"Mahal, may uwi akong paborito mo!"

Pumasok sa loob ng aming bahay si Lorenzo at may dala siyang mangga. Hinalikan niya ako sa ulo at kaagad siyang nagtungo sa kusina upang hugasahan at talupan ang manggang dala niya.

"Ako na, Lorenzo. Pagod ka. Magpahinga ka na lamang."

"Hindi na, mahal. Napakagaan lang ng ginagawa ko na ito para sa iyo." Pinagpatuloy niya ang pagtatalop ng mangga. Nang matapos siya ay binigay sa akin ng hati-hati na sa maliliit na piraso.

"Salamat, mahal."

"Kain lang ng kain." Tumango lamang ako at pinagmasdan niyang kumain ng dire-diretso. Paborito ko kasi talaga ngayon ang manggang hilaw. Palagi akong nagpapauwi sa kanya noon dahil gustong-gusto ko ang lasa.

"Hindi ka ba nangangasim?" Umiling lamang ako sa tanong niya. "Madalas mong gustuhin kumain ng mangga, hindi kaya naglilihi ka?" May kagalakan sa boses ni Lorenzo.

Apat na buwan na rin kaming kasal at hindi malabo na nagdadalang-tao nga ako. May posibilidad iyon dahil hindi pa ako dinadatnan ngayong buwan. Ang isiping magkakaanak na kaagad kami ni Lorenzo ay isang malaking kasiyahan sa aming mag-asawa dahil umpisa pa lamang ay gusto na namin iyon.

Kung tutuusin ay anak na lamang ang kulang sa pagsasama naming dalawa.

Ilang araw na masayang-masaya si Lorenzo kahit hindi pa naman sigurado na nagdadalang-tao nga ako. Halos hindi niya ako pakilusin at siya lahat ang gumagawa ng mga gawaing bahay.

"Mahal," pagtawag ko lamang sa kanya ng nakahiga na kaming dalawa sa papag upang matulog. Maagap naman siyang naupo at tinignan ako.

"May gusto ka ba? May masakit?"

Nangiti lamang ako at pinahiga siyang muli sa aking tabi. Hinalikan ko siya ng mariin sa labi. "Paano kung wala pa talaga? Hindi ka ba magagalit?"

"Bakit naman ako magagalit?"

"Kitang-kita ko sa mga mata mo ang kagustuhan na magkaroon ng anak. Nais ko rin naman pero hindi pa tayo binibiyayaan." malungkot at may panghihinayang kong sinabi dahil dinatnan ako kanina.

Hinaplos ni Lorenzo ang braso ko.

"Marami pa naman tayong pagkakataon, Faustina. Paghusayan na lamang natin sa susunod, mahal. Siguro ay hindi pa ito ang tamang panahon para magkaroon tayo ng supling." Hinalikan niya ang aking noo at pinahiga sa kanyang braso.

GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon