Chapter 1

22 0 0
                                    

"Ilabas niyo ang Mahal na Prinsesa Ariadne...ngayon din!!! Nandito ako para sunduin siya at iuwi pabalik ng Kaharian ng Hermania!"

Dumadagundong ang boses ni Prinsepe Paris sa buong bulwagan ng palasyo. Si Paris ay ang matalik kong kaibigan na nakatira sa karatig naming kaharian.

Tahimik lamang na nakaupo si Zephyr sa kanyang trono.

"Ipagpaumanhin po ninyo Mahal na Prinsepe subalit gaya nga po ng paulit-ulit naming sinabi sainyo... Hindi po nakarating sa aming palasyo ang Mahal na Prinsesang Ariadne. Wala rin pong impormasyong nakarating sa amin na pupunta po dito sa Armania ang Mahal na Prinsesa para magpakasal sa yumaong Hari." Mahinahong paliwanag ni Artemius.

"Kasinungalingan!" Nakikita kong namumula na sa galit si Paris. "Isa itong malaking pang-iinsulto sa Kaharian ng Hermania! May nakarating sa aming mensahe na mapayapa siyang nakarating at maayos na tinanggap ng Kaharian ninyo. Kapag hindi ninyo siya inilabas ay magdedeklara ng digmaan, hindi lamang ang kanilang kaharian kundi maging ang aming kaharian!"

"Isa kang pangahas!", sigaw ng isa sa mga pantas. "Anong karapatan mong pumunta dito at kami'y insultuhin? Baka nakakalimutan mong nandito ka sa loob ng aming kaharian? Hindi ka ba natatakot na baka hindi ka na makalabas?"

"Ikaw ang pangahas! Isa pa, hindi ikaw ang kausap ko! Kung hindi ang duwag niyong Hari!"

Nabigla ako nang bumunot si Paris ng espada at akmang susugurin si Zephyr. Di ko namalayang hinarangan ko na pala ito at ibinato sa lupa.

Gulat na gulat ang lahat. Nakapako ang tingin nang lahat sa akin. Mahigpit na pinagbabawal na kalabanin ang mga dugong maharlika ng mga karaniwang tao lamang, kahit ng mga kawal. Tanging dugong maharlika lamang ang maaring kalabanin ang kapwa nito dugong maharlika. Kamatayan ang parusa sa mga lumalabag nito.

Hindi makapaniwalang natulala si Paris habang nakatingin sa akin.

Naramdaman kong hinaltak ni Zephyr ang kamay ko at itinago ako sa kaniyang likuran.

Natakot ako sa nakitang ekspresyon sa mukha ni Zephyr. Naglalagablab sa galit ang mga mata nito.

Subalit mas natakot ako nang makitang tumayo pa si Paris at tinangkang lumapit sa akin. Mabuti na lamang at hinarang na ito ng mga kasama nitong kawal.

Paris...  Parang awa mo na... Huwag mo na lalong galitin pa si Zephyr. Gusto mo na ba talagang mamatay?

"Ariadne!!" Sigaw nito.

Natulala ako. Paano niya nalaman? Balot na balot ang katawan ko ng baluti. Hindi rin ako nagsalita.

"Anong kalokohan ang sinasabi mo? Hindi mo ba nakikitang siya ang aking Kanang Kamay at Heneral ng aking Hukbo?  Sa totoo lang...kanina pa maraming pumapasok sa isip kong paraan para patayin ka! Subukan mo pang lumapit!" Bakas na ang galit sa mukha ni Zephyr.

"Alam kong ikaw yan Ariadne! Ikaw lang ang may kakayahang itapon ako sa lupa nang ganun kadali." Seryoso ang mukha ni Paris.

Madalas ko nga palang gawin yun kay Paris kapag binibiro ko siya.

"Halika na, Ariadne." Inaabot ni Paris ang kamay nito sa akin. "Umuwi na tayo sa inyong kaharian. May malubhang sakit ang iyong Amang Hari at nais ka niyang makita bago siya malagutan ng hininga."

Nabagsak ko ang espada ko sa narinig.
May sakit ang Amang Hari??
Nanlambot ang mga tuhod ko. Mabuti na lamang at nasalo ako ni Zephyr.

"A-anong sakit ng Amang Hari??", nanginginig kong tanong.

Napatingin si Zephyr sa akin. Nagtatanong ang mga mata nito.

Sinubukan uling lumapit ni Paris sakin subalit hinarang lamang siya ng espada ni Zephyr.

Kung Di Rin Lang IkawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon