#11

19 0 0
                                    

Para sa nangangarap na ikaw,

Kumusta? Kumusta ang puso mo? Balita ko andami mo raw gustong gawin. Andami mo raw pangarap na nakabinbin.

Saglit, kalma lang.

Alam ko na minamadali mo na ang sarili mo, kasi pakiramdam mo kailangan mong may mapatunayan.

Naririnig mo na ang mga tanong nila, naririndi na rin ang iyong tainga. Alam ko. Kasama mo ako.

Pero saglit, kalma lang.

Sa sobrang dami mong gustong marating. Sa sobrang bilis nang pagdating ng mga oportunidad, akala mo kung makahabol ka, wala nang bukas.

Nakakalimutan mo na kasabay ng pangangarap mo, nakikita mo na ang sarili mong unti-unting nawawala. Ang ingay sa loob mo ay walang tigil sa pag-wawala. Unti-unting napapagod sa pag-gising sa umaga. Unti-unting dumadapo ang ideya ng pagsuko sa'yo.

Kalma. Kalma. Wala ka sa karera.

Nababagalan ka sa mga nangyayari sa'yo, na unti-unti mo nang naaagaw ang panulat Sa Kanya.

Andami mong pangarap, na sa sobrang dami, nakalimutan mo nang huminga.

Takbo, habol, pagkadapa, bangon-teka, nasaan ang paghinga? Nasaan ang pagiging malaya at masaya?

Hindi ako iba sa inyo. Bilang bata, punong-puno ako ng pangarap. Maganda, masaya at exciting ang pag-buo nito. Andami kong gustong mangyari sa buhay ko. Pero, habang tumatanda ka pala, nagiging isa na lang ang minimithi mo.

Na kahit sobrang daming bagay o titulo ang nakamit mo, iba pa rin kung meron kang puso. Puso na handang umakap sa mga taong nawawala. Puso na nakikita ang saya at tuwa para sa iba. Higit sa lahat, puso na matatag at buo.

Ako? Ngayon, isa lang ang gusto ko. Gusto kong sumaya. Gusto kong maging malaya katulad ng isang ibon. Malayang naipapahayag ang saloobin. Gusto kong maging malaya sa pagiging okay sa kahit na anong sasabihin ng iba. Na hindi ako makikinig sa mga taong, hinihiling ang aking pagkatalo. Gusto ko lang maging masaya. 'Yung saya na nagmumula sa tamang rason. 'Yung saya na tutulungan ang iba na makita silang nagiging buo at namamayagpag.

Kapag kasi nakikita mong parang walang kahihitnan ang mga pinaggagawa mo, madaling mapagod. Nakakainggit lang minsan  'yung mga taong kayang ilaban 'yung gusto o mahal nila, kahit sa isang mundong maramot.

Gusto kong sabihin sa'yo, huwag kang magmadali. Okay lang na hindi mo pa nakikita ang sarili mo sa tao na nakikita mo sa hinaharap.

Okay lang na mapagod, na madapa, na umiyak-pero hindi ito pagiging mahina. Hindi kailanman nagiging kahinaan ang mga ito, dahil sa mga negatibong mga pangyayari tayo nahuhulma.

Mula sa pagkadapa, babangon kang muli.

Sana, magkaroon ka ng puso sa bawat bagay na ginagawa mo.

Huwag mong hahayaan na ang mga pasaring ng iba ang gagawin mong basehan sa mga desisyon mo.

Hindi ka ginawang kalahati, ginawa kang buo at sapat.

Mangarap ka, maging masaya ka, basta ang mahalaga, wala kang aapakan o hihilahin pababa sa 'yong pag-angat.

Huwag kang bibitiw.

Kapit lang! Tuloy lang ang laban!

"For what does it profit a man to gain the whole world and forfeit his soul?"
Mark 8:36 ESV

One with your pain,

@cloakedlove

Letters to No OneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon