Chapter 8

531 21 0
                                    

Hindi ko alam saan kami pupunta pero lumabas kami ng school. Magulo ang takbo ng utak ko. Hindi ako makapag-isip nang maayos. Hindi ko alam kung anong uunahin. Ang bigat ng loob ko. Gusto ko na lang umiyak nang umiyak.

Biglang bumuhos ang ulan. Tila ba nagsasabing maaari akong umiyak at handa nilang itago iyon sa lahat. Hinayaan ko ang sarili kong mabasa. Wala na akong pakialam kung magkasakit ako. Mas masakit 'tong nararamdaman ko. Pinaramdam nila sa akin kung gaano ako kababang klase ng babae. Maging ang sarili ko'y nakukwestyon ko na.

"Nanginginig ang kamay mo," sambit ni Enzo kaya napatingin ako sa kaniya. Tama, muntikan ko nang makalimutan na kasama ko nga pala siya.

Hinaplos niya ang kamay ko. Doon ko napansin na puro dugo at sugat ang kamay niya dahil sa kasusuntok sa kaklase ko. "Natakot ba kita?"

Umiling ako. "Salamat, ipinagtanggol mo na naman ako sa kanila pero hindi mo kailangang-"

Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang magsalita siya. "I can't just act there na wala akong naririnig. Hindi ako bingi, Sunny."

Pinagmasdan ko siya. Nakakunot ang mga noo niya pero hindi ko alam bakit sa paningin ko, mas lalo siyang gumugwapo kapag galit siya. "Hindi ako manhid. May nararamdaman ako. Nakakaramdam ako ng galit. Hindi ko kayang maatim na pakinggan lang sila habang binabastos ka."

"Pero kung hindi kita pinigilan, baka mapatay mo na siya, Enzo."

"You think he doesn't deserve it? Mabuti, para mabawasan ang mga gago sa mundo. They don't know how to treat girls right. Kung hindi mo talaga ako pinigilan, papatayin ko talaga 'yon."

Hindi ko alam bakit natawa ako sa sinabi niya. Siguro'y alam kong hindi naman niya talaga iyon magagawa. Sa pagkakahawak palang niya sa akin, alam kong hindi niya kayang pumatay ng tao. Napansin kong napapapikit na siya. Nawala sa isip kong lasing nga pala siyang pumasok kanina. Kaya siguro hindi niya na rin napigilan ang sarili niyang magalit sa kaklase ko.

"Bakit ka tumatawa? Hindi ako nagbibiro."

Napahinga ako nang malalim. Lumalakas na ang ulan at nilalamig na rin ako. Kailangan na naming makahanap ng masisilungan dahil hula ko, hindi na magtatagal at babagsak na ang mokong na ito. Halatang inaantok na, eh.

"Shush. Halika na. Basang-basa na tayo ng ulan."

"Saan mo 'ko dadalhin?" tanong niya. Wow. Parang babae. Lasing na nga ang isang ito at kung umasta ay parang ako pa ang may kayang gumawa ng masama sa kaniya.

"Alam mo namang mahina kang uminom, umiinom ka pa," pagbubunganga ko habang inaakay ko siya sa paglalakad. Nagpalinga-linga ako para maghanap ng lugar kung saan pwede kaming tumambay. Hindi ko na rin alam kung bakit kami napadpad dito sa gubat. Alam ko lang dumaan kami sa second gate ng school sa likod. Naku, mukhang malayo pa ang lalakarin namin para makarating sa kalsada.

"Sinubukan ko lang baka sakaling tumaas ang tolerance ko," sagot niya. "Para kahit makipag-inuman ako sa 'yo, hindi ako babagsak," kuwento niya. Bakas sa pananalita niya ang pagkalasing dahil medyo lumiliit ang boses niya na para bang nagpapa-cute na bata.

Kung pwede lang siyang sikuhin, ginawa ko na.

Natanaw ko ang isang kubo malapit doon sa malaking puno ilang dipa mula sa amin. Nagkaroon ako ng pag-asa na baka may makatulong sa amin at magpatuloy kahit saglit kung pupuntahan namin iyon.

"Doon muna tayo. Lumalakas ang hangin at ulan," sambit ko saka ko kinuha ang kamay niyang muli. May bagyo ba?

"Hey, hey, hey. Distance yourself, I might kiss you."

Natawa naman ako sa sinabi niya. "Kung hindi ka kasi lasing, eh 'di sana hindi kita inaakay! Pahirap ka rin, eh! Halika na, huwag ka nang umarte d'yan!"

I Love You First (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon