Tuwang-tuwa si Nando habang papauwi na sa kanilang bahay. Sa wakas, pagkatapos ng ilang taon, may kumuha uli sa kanilang banda para tumugtog sa isang okasyon. Naisip niya, matutuwa ang kanyang mga kasamahan kapag sinabi na niya ang magandang balita. Dati ay sila ang pinakasikat na banda dito sa kanilang lugar. Halos lahat ng piyesta sa mga bayan ay imbitado sila para tumugtog at halos wala silang pahinga sa pagtugtog lalo na sa buwan ng Mayo kung saan kabi-kabila ang piyesta. Hindi banda ang tawag sa kanila noon kundi combo at ang specialty nila ay mga kanta ng Beatles at ni Elvis Presley. Siya ang bokalista ng banda at kapag kinanta na niya ang Blue Suede Shoes ni Elvis Presley ay halos umusok ang lugar sa alikabok dahil sa dami ng mga sumasayaw sa hindi pa sementadong plaza o kaya ay biglang tatahimik ang mga tao kapag inawit na niya ang Imagine ni John Lennon habang yakap-yakap ang kanilang mga kapareha.
Napabuntung-hininga si Nando. Kaysarap alalahanin ang kanilang kabataan, akala niya noon ay wala ng katapusan ang kanilang kasikatan. Akala nila noon ay makakarating sila sa Maynila para tumugtog ngunit hindi iyon nangyari. Sa paglipas ng panahon ay pabawas ng pabawas ang nag-iimbita sa kanilang grupo hanggang sa tuluyan ng nawala. Ngayon ay tumutugtog na lang sila tuwing linggo ng hapon kapag nagkakasama silang lahat sa inuman. Nagbago na ang panahon, iba na ang takbo ng musika ngayon. May naririnig siyang mga lumang awitin pero iba na ang tono. Malalakas na ang tugtog at halos puro lagabog na lang ang maririnig mo. Meron namang kanta na galing sa ibang bansa na hindi mo maintindihan ang lyrics pero tinatangkilik ng mga kabataan. Meron pa nga na nagsalita lang ng mabilis ay kumakanta na pala. Napanood din niya ang mga banda ngayon ng minsang manood ang mga apo niya sa tv, puro sigawan ang nakita niya at walang ginawa ang bokalista kundi magtatakbo at magtatalon sa entablado habang sumisigaw. Wala na ang mga combo na gaya ng grupo niya. at hindi niya inisip pa na makakatugtog siya ulit sa entablado gaya ng dati.
Nagkamali pala siya.Kanina habang nagaararo sa bukid ay nilapitan siya ng isang lalaki upang alukin na tumugtog sa isang okasyon. Akala niya ay binibiro lang siya nito kaya nung tanungin siya kung magkano ay pabiro niyang sinabi na limang libo ang singil nila para sa isang gabing pagtugtog. Halos hindi siya makapaniwala ng binayaran siya ng lalaki ng limang libo at sinabing susunduin na lang sila ng isang sasakyan sa bukana ng baryo at pagkatapos noon ay tumalikod na ito. Hindi niya maintindihan kung dahil ba sa sobrang pagkabigla o sa sobrang tuwa kaya hindi niya namalayan na wala na pala ang lalaki. Dali-dali siyang umahon sa bukid upang ibalita sa mga kasamahan ang dumating na suwerte. Sa kanyang pagmamadali ay hindi niya napansin na tanging ang mga bakas lang ng kanyang paa ang makikita sa malambot na lupa at wala ng iba pa.
Wala ang bakas ng paa ng lalaking lumapit sa kanya!
Alas tres pa lang ng hapon ay nag-aabang na ang magkakaibigan sa bukana ng baryo sa sasakyan na susundo sa kanila.
" Sigurado ka ba Nando na dito tayo susunduin? " ang naiinip nang sabi ni Oca, ang bahista ng grupo. " Baka naman nakalimutan na tayo. "
" Oo, dito ang usapan namin. Huwag kayong mainip. Alas singko ang usapan namin, alas tres pa lang naman." natatawang sabi ni Nando.
" Oo nga, parang hindi halatang atat na tayong tumugtog. Ang aga natin dito." sabi naman ni Bernie, ang drummer ng grupo.
" Ano gagawin natin kapag hindi tayo sinundo dito?" tanong naman ni Kulas, ang kanilang lead guitarist at ang pinakabata sa grupo.
" Mag-iinuman tayo at tutugtog uli sa tambayan natin ng nakabihis pang banda. Tayo pa ba ang matatakot e bayad na tayo." sabi naman ni Nando.
" Yun nga ang kinakatakot ko. Gustong gusto ko nang tumugtog uli sa isang okasyon. Kahit walang bayad okey lang. Kahit ibalik natin bayad basta siguradong tutugtog tayo masaya na ako dun. " sagot ni Oca.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it (Book II)
AdventureHanggang saan ang kaya mong gawin para matulungan ang isang kaibigan? Tunghayan ang pakikipagsapalaran ni Joshua alyas " Lagalag " sa bundok ng mga naglalabanang engkanto para mailigtas ang kanyang kaibigan. Pinaghalong adventure, fantasy at suspens...