Chapter Fifteen - Entertwined

9.7K 369 18
                                    

        Nagpalinga-linga ako sa paligid pero hindi ko na nakita si Ryu. Lumapit ako sa reception desk. Nagtanong kung may nag-check in na Ryuhei Otsuji sa hotel nila. Wala raw. Aalis na sana ako nang biglang may pahabol ang babae. Ang nandoon lang daw ay Ryu Santacruz.  Taga-Osaka raw siya.  Kasalukuyang naka-book sa room 305.

        Napaawang ang mga labi ko sa narinig. At di ko napigil ang mapangiti. Wala pala siyang pinagkaiba sa akin. Ganun din kasi ako. Mara Otsuji ang nakalagay sa mga notebooks ko sa school. Kung di nga lang ako nahiya kay Mama ay marahil ganun din ang isusulat ko nang mag-register kami sa hotel.

        Pinasalamatan ko ang babae at tumakbo na sa hagdan. Mabilis kong natunton ang nasabing silid. Nag-buzzer ako. Walang sumagot. Inulit ko at naghintay. Wala pa rin. Naku, baka hindi siya bumalik sa room pagkagaling sa restawran. Saan kaya nagpunta yon?

        "Wala pong tao dyan ngayon, Ma'am," narinig kong sabi ng isang lalaki sa likuran ko. Napalingon ako sa kanya. Naka-uniporme siya ng pang-bell boy.  "Kabababa lang po niya.  May dumating po kaninang artista at inimbitahan yata siya sa isang private party."

        Artista? Private party? Sinundan siya ng isang celebrity from Japan?

        "Sinong artista? Hapon rin ba?" tanong ko sa lalaki.

        "Ay hindi po, Ma'am. Hindi ko po sigurado pero parang dati po siyang PBB housemate."

        Napakunot-noo na ako sa narinig. Kararating lang ni Ryu ng Pilipinas tapos may nakilala na agad na artista? Ang bilis a! Kahit may kutob na akong babae ang nang-imbita, nagtanong pa rin ako.  At bigla akong inatake ng selos nang malaman na babae nga ang sinasabing PBB housemate. Sino naman kaya yon?

        "Nirentahan po yata nila ang ballroom nitong hotel, Ma'am. May fashion show daw ata or something. Kung gusto niyo po, itanong nyo na lang sa taga-reception."

        Ngumiti ako sa lalaki at nagpasalamat. Buti na lang at nandun siya nang mga oras na yon. Dali-dali akong bumaba. Bumalik uli ako sa reception desk at nagtanong.

        "Opo, Ma'am. Taga-ABS-CBN po. May show ata sila," sagot naman agad ng babae na napagtanungan ko rin kanina.

        Nagpasalamat ako sa kanya at tumalikod na para pumunta ng nasabing ballroom. Pero bago pa ako makalayo, nagsalita uli ang receptionist.

        "Bawal po pumasok ang outsider, Ma'am kahit hotel guest po dito. By invitation po kasi ang party. Strictly for invited guests lang."

        "Ganun ba?" Nanlumo ako. Pero humirit pa rin. Nagbakasakali. "Pwede kayang sabihin sa kanila na kakilala ko yong Ryu? Importante lang po kasi e. Kailangan ko po siyang makausap."

        "Hindi po talaga pwede, Ma'am. Mahigpit po ang bilin na bawal kaming magpapasok ng walang pahintulot nila. Pero kung may kakilala po kayo na staff ng ABS-CBN baka pwede po kayong makiusap sa kanila."

        Nanlupaypay ako. Ano kayang gagawin ko?

        "Sige po. Salamat na lang."

        Kahit alam kong hindi puwede, lumapit pa rin ako sa ballroom. May dalawang staff na nakabantay sa may bukana ng pintuan.  Ang bawat pumapasok na guest ay tsinitsek talaga kung nasa listahan. Nang nakapasok na ang mga bisita na sinundan ko, lumapit ako sa mga staff. Nagtanong ako kung nasa loob nga si Ryu. Tiningnan muna ako ng dalawa mula ulo hanggang paa and back.  Pagkatapos, tinanong nila ang pangalan ko. Mabilis na pinasadahan ng isa ang kanilang listahan.

        "Hindi po ako kasama sa mga invited guests pero boy-kaibigan ko po si Ryu. Importante lang po kasi na makausap ko siya," sabi ko. Halos nagsusumamo na ang tinig. 

YUUKI NO HANA BOOK 2 (FLOWER OF COURAGE - COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon