Chapter 01

19K 566 33
                                    

MALAPAD ang gumuhit na ngiti sa labi ni Marquine. Sa wakas ay natapos din niyang ayusin ang tinutuluyan na apartment na nasa Middle Town ng Pagbilao City.

Bayad na ang tatlong buwan niyang pananatili roon para hindi na makahindi pa ang may-ari sa kanya. Ang dati kasi nilang bahay sa Golden Meadows Subdivision ay ipinagbili na ng Daddy Andrew niya kaya wala na siyang ibang choice kundi ang tumira sa apartment. Hindi iyon kalakihan katulad ng nakasanayan niyang bahay. May maliit na kuwarto, tamang laki ng sala, kusina at banyo.

"Twenty ka na, Marquine Del Fierro. At dito na magsisimula ang totoong kuwento ng buhay mo," kausap pa niya sa sarili habang nakatingin sa isang full length mirror sa may sala.

Wala siyang nakakapang kahit na katiting na pagsisisi dahil sa ginawang pagtakas sa mga magulang niya. Alam niyang mali na suwayin ang kanyang mga magulang lalo na ang kanyang ina pero ayaw pa niyang iwan ang bansa. Kung ang kapalit niyon ay ang pagtayo niya sa sariling mga paa, then be it. Sisiguraduhin niyang kakayanin niya.

Third year college na siya sa darating na pasukan sa kursong Accountancy. Iyon ang gusto ng kanyang ina na tapusin niya. Kahit na ang gusto sana niya na kurso ay Journalism para mas magamit niya sa kanyang talento sa pagsusulat.

Isa siyang hopeless romantic na romance writer. Bagay na tinututulan ng kanyang ina. Wala raw kasing yumayaman na writer. Kaya bakit pa niya papagurin ang sarili niya roon? Hindi nito maintindihan na iyon ang passion niya. Iyon ang talento na pinagkaloob sa kanya ng Diyos. Lahat ng tao ay may Gods gift na tinatawag at alam niya na iyon ang bigay sa kanya ng Diyos.

At naniniwala siya na balang araw, isa ang akda niya sa kikilalanin ng maraming mambabasa. Na makikita rin niya iyon sa mga kilalang bookstore sa bansa.

"Tiwala lang," nakangiti pa rin niyang sabi.

Umupo siya sa sofa na iniwan na roon ng dating nakatira doon. Ilan sa gamit sa apartment niya ay nadatnan na niya roon. May kama na rin kaya kutson na lang ang binili niya. Mabuti at mabait si Inang Violeta na ipinagamit sa kanya ang mga naroong gamit. Naawa sa kanya dahil solo lang siya sa buhay ngayon.

May savings pa naman siya na nakalaan para sa pag-aaral niya. Nahilot niya ang sentido nang maisip ang papasukan na Unibersidad. Ang Mori High University. Isang exclusive University sa bansa na nasa Pagbilao City rin. Sapat naman ang savings niya para sa pagpapatuloy sa dating eskuwelahan. Ang problema lang niya ngayon ay ang gagamitin niyang pera para sa pang-araw-araw na gastusin.

"Kailangan ko ng maghanap ng trabaho."

Dahil hindi siya maaaring makasigurado na padadalhan siya ng pera ng kanyang ina. Baka tiisin siya nito para magtanda siya. And worst, iyon pa ang gamiting alas ng kanyang ina para sumunod siya sa Italy. Ni hindi pa nga ito nag-re-reply sa napakahaba niyang paliwanag kung bakit siya tumakas.

Bumuntong-hininga siya. Ngayon pa lang ay kailangan na niyang maghanap ng trabaho.

"PASENSIYA na, Miss, pero may required kaming height para sa mga aplikante na tatanggapin. At least 5'3 sana. Pero 5 flat ka."

Inis na lumabas ng gusali si Marquine nang maalala ang sinabing iyon ng HR na pinag-apply-an niya. Walk-in applicant siya.

"Pati ba sa height may descrimination? Puwede naman akong magsuot kahit five inches na high heels para ma-meet ang standard nila. My God!"

Nagpatuloy siya sa paglalakad. Nasa Pagbilao Avenue siya nang mga sandaling iyon. Kailangan bago siya umuwi ay may siguradong trabaho na ang naghihintay sa kanya.

Naisip niya ang kaibigang si Meah. Mabilis siyang umiling. Hindi puwedeng malaman nito ang kalagayan niya ngayon. Lalo na at nasa bakasyon ito kasama ang pamilya nito.

A Love To Last A Lifetime | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon