Chapter 04

11.8K 463 12
                                    

"NAPAPADALAS yata ngayon dito sa HFV si Sir Markian. Nakakapanibago lang naman."

"Baka naman dahil bakasyon pa?"

"Siguro nga. Pero noong nakaraang bakasyon naman ay bilang lang sa isang kamay na napadpad dito sa kumpanya si Sir Markian."

"Ano ba kayo? Mamaya may makarinig sa inyo na pinagtsitsismisan ninyo ang anak ng Presidente, lagot kayo."

Nahinto sa pagnguya si Marquine na kanina pa lihim na nakikinig sa usapan sa kabilang lamesa. "Anak ng Presidente?" mahina niyang anas. Nalunok niya ang kinakain nang ma-absorb ang narinig.

Anak ni President Hans Vega si Markian?

Bigla-bigla ay sumingit sa alaala niya iyong araw na nag-apply siya. Nasa office ng HR Manager si Markian nang araw na iyon. Ito pa ang nag-hire sa kanya at inakala talaga niyang si Mr. Tiongco. Pero ang totoong Mr. Tiongco ay ang lalaking pinagpasahan niya ng mga requirements niya. Wala na ring interview na nangyari. H-in-ire agad siya ni Markian. At maging si Mr. Tiongco ay tikom ang bibig sa ginawa ni Markian.

Unti-unting bumagal ang pagnguya ni Marquine sa sinubong karne.

Kung kanina ay medyo maingay sa pantry. Kabaligtaran naman ngayon na animo may dumaang anghel dahil sa katahimikan. Parang walang gustong magsalita.

Nag-angat siya ng mukha para lamang muling mapayuko nang makitang papalapit si Markian. Halos kasabay nito sa paglalakad si Flynn na may dala ring tray na may lamang pagkain.

Nahinto siya sa pagnguya nang may maglapag ng tray sa harapan niya. Hiniling niya na sana ay si Flynn iyon ngunit nang muli siyang mag-angat ng mukha ay ang guwapong mukha ni Markian ang nasilayan niya.

Hindi niya magawang tapunan ng tingin si Flynn na dumiretso na lang sa paglalakad at humanap ng ibang bakanteng lamesa.

"What?" tanong ni Markian nang tingnan siya. Hindi niya inaalis ang tingin dito.

"Bakit dito ka pa umupo?" aniya na sapat lang upang marinig nito.

"Do I owe you an explanation?"

Sa isip ay inirapan na niya ito. Hindi na lang siya nagsalita at itinuon na sa pagkain ang tingin. Binilisan din niya para mabilis matapos. Sinikap din niyang ignorahin ang maya't mayang pagsulyap sa kanya ng grupo nina LJ. Sigurado siya na pagtsitsismisan na naman siya ng mga ito.

Pagkainom ng tubig ay isinukbit na niya ang sling bag niya at kinuha ang tray para ilagay sa lagayan niyon. Ni hindi niya sinulyapan si Markian ng lisanin niya ang lamesa.

Sa pagmamadali niya ay hindi niya napansin ang paa ni LJ na sadyang iniharang sa daraanan niya.

Umalingawngaw sa apat na sulok ng pantry ang pagkakalaglag ng tray sa sahig. Halos masubsob naman siya ng madama siya. Ni isa sa grupo nina LJ ay walang tumulong sa kanya. Imbes ay lihim pang nagpalitan ng ngisi ang mga ito.

Ramdam niya ang pagsigid ng kirot sa may siko niya na ipinangsangga niya sa pagbagsak niya. Maging sa may tuhod ay nangingirot iyon. Nanghihinang bumangon siya. Pero bago pa siya makabangon ng tuluyan ay may mga kamay ng umalalay sa kanya.

Inalalayan siya niyong makaupo. Mukha ni Markian ang bumungad sa kanya. Walang salitang lumabas sa bibig nito habang nakatitig sa kanya. Wala ring imik na pinangko siya nito.

"I-Ibaba mo ako," apila niya.

"As if, you can walk?"

"'Yong mga tao-"

"Ikaw na 'yong nasaktan, sila pa rin ang iisipin mo?" pakli pa nito sa sasabihin niya. Naglakad na si Markian. Nakisuyo pa ito sa tauhan ng pantry na linisin ang kalat. Pagkuwan ay hinayon na nito ang palabas ng pantry.

A Love To Last A Lifetime | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon