Chapter 11

11K 446 16
                                    

MATAPOS kumain ay naglakad-lakad muna si Marquine at Markian sa Mall. May naraanan pa silang machine na hinuhulugan ng token. Ganoon na lang ang pagningning ng mga mata ni Marquine nang makita si Doraemon.

"Doraemon!" tuwang-tuwa niyang bulalas nang lapitan ang naturang machine. Malaki ang stuff toy at sigurado siyang masarap iyong yakapin. Maging ang collection niya ng Doraemon ay naalala rin niya. Pati ang mga iyon ay naiwan sa dati nilang bahay.

Habang engross na engross siya sa pagtitig kay Doraemon ay pumwesto naman si Markian sa tabi niya. Walang imik na naghulog ito ng token. Saka lang napabaling si Marquine dito nang gumalaw ang pangkuha ng stuff toy sa loob ng machine.

Pero nakalima na ito ng hulog ay hindi pa rin nito makuha-kuha si Doraemon.

"Pahingi ng token. Baka kapag ako ang naglaro ay manalo ako."

"Manood ka na lang diyan," sa halip ay sabi nito.

Nagpatuloy si Markian sa paglalaro. At sa ikasampu nga nitong try ay nakakuha rin ito ng isang Doraemon. Ganoon na lang ang palirit niya dahil sa tuwa. Nagtatalon pa siya.

"Ang galing mo."

Pagkakuha ni Markian kay Doraemon ay nakangiti pa ito na ipinakita iyon sa kanya. "Tiyagaan lang. Tara na."

Napamaang si Marquine noong maglakad palayo si Markian. Hindi ba nito iyon ibibigay sa kanya? Todo cheer pa siya rito kanina. Nakasimangot tuloy ng sundan niya ito.

Nakapatong pa sa hita ni Markian si Doraemon habang nagmamaneho ito. Patay malisya sa pagmumukmok niya.

Nang ihinto nito sa tapat ng apartment ang kotse nito ay mabilis niyang tinanggal ang nakakabit na seat belt sa kanya. Akmang bubuksan na niya ang pinto sa gilid niya ng hawakan naman ni Markian ang braso niya.

Mula sa kamay nitong nakahawak sa kanya ay unti-unting umangat ang tingin niya sa mukha nito na bahagyang nangingiti. Hindi rin maikakaila ang mga mata nitong nakangiti. He look even more gorgeous.

"May kailangan ka pa?" hindi ngumingiting tanong niya.

Tumango ito. Pagkuwan ay ipinatong sa may kandungan niya si Doraemon. "Puwede ka ng ngumiti. Kanina ka pa nakasimangot. Para sa iyo talaga 'yan."

Ganoon na lang ang tuwang bumangon sa puso niya. Nahampas pa niya sa braso si Markian. "Kainis ka. Akala ko pinaasa mo lang ako dito kay Doraemon." Niyakap niya nang mahigpit si Doraemon. Bukod sa unan na gamit niya sa apartment ay may mayayakap na siya sa pagtulog niya. Lalo na sa panahong nalulungkot siya. Napangiti siyang lalo. "Doraemon," bigkas pa niya.

"Gustong-gusto mo talaga 'yan."

"Favorite character ko si Doraemon." Nakangiti pa rin siya ng sulyapan si Markian. "Salamat. May yayakapin na ako sa pagtulog."

"Ang babaw talaga ng mga babae," naiiling na lang nitong wika.

"May Doraemon din ako sa totoong buhay. At masaya rin ako kapag nakakasama ko siya." Lumawak pang lalo ang ngiti niya sa labi habang nakatitig sa guwapong mukha ni Markian.

Sumeryoso bigla ang mukha ni Markian. Nawala ang ngiti sa mga mata habang mataman siyang tinitigan. "Sino 'yon?" tukoy nito sa real-life Doraemon ng buhay niya.

Mas gugustuhin pa niyang magpalamon sa lupa kaysa ang aminin dito na ito ang tinutukoy niya. Sa isip ay tinampal-tampal niya ang bibig. Kung bakit kasi nabanggit-banggit pa niya iyon?

"Hindi mo kilala. Ingat sa pag-uwi," sabi na lang niya.

Seryoso pa rin si Markian. Hindi tuloy makakilos si Marquine para buksan ang pinto sa gilid niya. At nang muling magtama ang mga mata nila ay hindi niya magawang iiwas ang tingin dito.

A Love To Last A Lifetime | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon