Chapter 03

12.1K 499 46
                                    

MARKIAN, ulit ni Marquine sa isip. Iyon ang binanggit ng babae sa fire exit kanina na siyang pangalan ng lalaking simula yata nang makita niya ay hindi na pinatahimik ang mundo niya.

Pinagmasdan niya ang kaharap na monitor ng computer. "Sino ba talaga ang lalaking 'yon?"

"Sino?"

Nang mag-angat si Marquine ng mukha ay ang ngiting-ngiti na si Flynn ang nakita niya. Nagtatrabaho rin ito as regular employee sa Accounting Department. Hindi lingid sa kanya na may pagtingin ito sa kanya dahil obvious ang pagpapansin nito at palipad hangin.

"W-Wala."

"Malapit na ang pasukan. May balak ka pa bang mag-continue dito sa company?"

Hindi rin niya sigurado. "Depende sa magiging schedule ko."

Tumango-tango ito. "Next week na ang anniversary ng company. Invited din kayong mga SA."

Alam naman niya ang bagay na iyon. Tipid niya itong nginitian. "Nasabi na 'yan ni Ma'am De Guzman," aniya bago nagyuko.

"Ah." Napakamot pa ito sa batok nito.

"Flynn, nagpapa-cute ka na naman kay Marquine," tudyo ni Steven na isang executive assistant ng kumpanya nang mapadaan ito sa kinaroroonan nila. Pero hindi ito nag-iisa.

Mabilis pa sa alas-kuwatro na tumayo ng tuwid si Flynn nang makita ang mga dumating.

"Good afternoon, Sir Steven, Sir Markian," mabilis na bati ni Flynn.

Nang mag-angat naman ng tingin si Marquine ay napigil pa niya ang paghinga nang makit si Markian. Nginitian niya ito. Pero hayon at seryoso pa rin ang mukha.

Saglit lang siya nitong tinapunan ng tingin at nagtuloy-tuloy sa paglalakad. Hindi pinansin ang pagbati rito ni Flynn.

"Bumalik ka na sa cubicle mo kung ayaw mong masesante," bulong pa rito ni Steven bago nagmamadaling sumunod kay Markian.

Saka lang tila nakahinga ng maluwag si Flynn. "Wew. Sige, Marquine, balik na muna ako sa trabaho ko," paalam pa nito bago umalis.

"Ang guwapo talaga ni Sir Markian," kinikilig pang wika ni LJ.

"Parang laging nagliliwanag ang paligid kapag nandiyan siya," segunda ni Mary Jhoy.

Sumang-ayon din si Hannielyn. "Baka kami ang destiny."

Napasandal si Marquine sa swivel chair. Mukhang kilalang-kilala si Markian sa kumpanya na iyon. Sa ibang pagkakataon ay magtatanong siya kay Flynn kung sino ba si Markian. Hindi kasi niya close ang ibang babae sa department na iyon. Lalo na ang mga kapwa niya SA o Student Assistant. Para pa ngang laging inis sa kanya kahit wala naman siyang ginagawang masama. Kaya ang ending ay palagi siyang mag-isa. Solo sa lunch at coffee break.

Ni wala siyang nakakakuwentuhan man lamang.

Pinagmasdan niya ang isang short bond paper na nasa ibabaw ng ukupado niyang lamesa. Kumuha siya ng ballpen at isinulat ang pangalan ni Markian. Sumunod naman ang pangalan niya. Bahagya pang nagsalubong ang mga kilay niya.

"Markian. Marquine. Hmmm, parehas ang simula ng pangalan namin," aniya mayamaya. "Mar," anas pa niya. Napangiti siya. "What in the world."

Awtomatiko ang pag-angat ng mukha ni Marquine nang may tumikhim. Nang makita si Markian na deretso ang tingin sa kanya ay nasulyapan pa niya ang papel na sinulatan ng pangalan nila. Mabilis niya iyong kinuyumos at itinapon sa trash bin na nasa may tabi niya. Abot langit na naman ang kaba sa dibdib niya.

"Sir," aniya na tumayo pa. Nginitian niya ito para hindi nito mahalata na kabado siya. "Yes?" dagdag pa niya.

"Alam mo ba na bawal ang chatting sa oras ng trabaho?"

Hindi nakaligtas sa kanya ang palitan ng ngisi nina LJ, Hannielyn at Mary Jhoy na tanaw niya sa kinaroroonan niya. Mga kapwa niya SA. Unti-unting nabura ang ngiti niya sa labi at bahagyang nagbaba ng tingin.

Tinutukoy siguro nito iyong naabutan nitong eksena nila ni Flynn kanina.

"I'm sorry, Sir."

Sa susunod nga hindi na niya kakausapin sa oras ng trabaho si Flynn. Kung bakit kasi hindi ito makalampas sa cubicle niya na hindi siya kinakausap.

Nang muli siyang mag-angat ng tingin ay abala naman si Markian sa cellphone nito. Tila may ka-chat. Minabuti na lang niya na bumalik sa pagkakaupo habang hindi inaalis ang tingin kay Markian.

Matapos magdudutdot sa cellphone nito ay muli siya nitong tiningnan. Seryoso pa rin ang mukha. What a gorgeous snob, she thought.

"Tingnan mo 'yong cellphone mo." Iyon lang at naglakad na ito palayo.

"Tingnan ang cellphone?" ulit pa niya sa sinabi nito. Napakurap-kurap siya bago mabilis na kinuha sa bag ang kanyang cellphone.

May isang text message mula sa unknown number. Mabilis niya iyong binuksan.

Mabalitaan ko pang nakikipag-usap ka sa lalaking 'yon kanina, matatanggal siya sa trabaho. Mark my word.

Ganoon na lang ang pag-awang ng labi niya sa nabasa. Siguradong kay Markian galing ang text na iyon. Nahilot niya ang noo.

At paano naman nalaman ng lalaking iyon ang cellphone number niya?

Nang maalala ang ipinasa niyang resume rito ay agad ding nasagot ang tanong niya.

"Pero bakit naman s-in-ave pa niya ang number ko?" Dahil ba alam nito na siya ang babaeng may atraso rito?

Kagat ang ibabang-labi na ipinatong niya ang cellphone sa lamesa.

Kung hindi pa siya bibigyan ng gagawin ni Ma'am Lauraida De Guzman ay hindi maibabaling sa iba ang isip na ginugulo lalo ni Markian.



A Love To Last A Lifetime | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon