Chapter 18

9.5K 414 24
                                    

NIYAKAP ng mahigpit ni Marquine ang dalang libro habang nakatuon ang tingin sa hindi kalayuan. Natanawan niya ang bulto ni Markian. Pero hindi ito nag-iisang naglalakad papunta sa building ng Physics Department. Kasama nito si Germaine.

"Palagi na lang bang nakadikit ang babaeng 'yon kay Markian?"

Kasama niya si Meah nang mga sandaling iyon. May kukunin ito sa Kuya Chase nito kaya papunta sila sa Department nina Markian. Gusto rin sana niyang makita si Markian kaya siya sumama kay Meah.

But seeing him again with Germaine... dumarating sa punto na gusto na niyang putulin ang kung ano mang mayroon sila ni Markian. Ano nga ba ang mayroon sila?

Wala!

Isang malaking, WALA!

Malungkot siyang napangiti sa isiping iyon. Hindi pa alam ni Markian ang plano niyang pag-alis sa apartment at trabaho niya. Siguro ay mas mabuti na huwag na niyang ipaalam pa. Papalitan na rin niya ang cellphone number niya para hindi na siya nito ma-track pa. Tama. Iyon na lang siguro ang gagawin niya.

Para hindi na siya mas mahulog pa sa binata at ng maputol na rin ang ugnayan nila. Hindi na sila nito magkikita pa. Kung sa Mori High, madali lang naman niya itong maiiwasan.

Pero pesteng feeling ito, reklamo niya sa isip. Mabuti na lamang at nasa unahan niya si Meah kaya hindi nito nakita ang mabilis niyang pagpahid sa luha niyang tumulo. Pinaplano pa lang niya na lumayo pero bakit ang sakit-sakit?

"Meah," pigil niya sa kaibigan nang papasok na ito sa entrance ng Physics Department Building. "Hihintayin na lang kita dito sa labas. Ayokong pumasok sa loob."

"Bakit?"

"Basta hihintayin na lang kita dito sa labas."

Para hindi na ito makakontra pa kaya tinalikuran na niya ito at naglakad palayo. Naupo siya sa isang bench. Hindi pa siya nakakatagal sa pagkakaupo nang mag-ingay ang cellphone niya.

Nang makuha niya iyon sa bag ay tinitigan lang niya ang screen habang patuloy sa pag-ring. Nakatitig sa pangalang naka-register sa contact niya.

Doraemon...

Sasagutin ba niya? Nagtatalo ang isip niya. Sa huli ay hinayaan lang niya iyong tumunog. Pero sa pangalawang pag-ring ay sinagot na rin niya.

"Hello?" sa abot ng kanyang makakaya ay kaswal niyang bungad.

"Ano'ng ginagawa mo diyan sa labas?"

Automatic ang paghayon ng tingin niya sa Physics Department. Nakita niya si Markian sa tabi ng glass wall malapit sa may entrance door. Nakatingin sa kinaroroonan niya.

Nakagat niya ang ibabang-labi habang nakatitig kay Markian. "Nandiyan sa loob si Meah. Pinuntahan ang Kuya Chase niya. Hindi na ako sumama sa loob."

"Ah, I see. Late na kaming uuwi mamaya dahil sa research kaya baka hindi kita masundo."

"Okay lang."

"Mag-text ka sa akin kapag nakauwi ka na mamayang gabi."

Hindi agad siya nakapagsalita. Paano ba iwasan ang taong sobra kung magpakita ng concern sa iyo? Mariin siyang pumikit. "Sige."

"Kailangan ko ng bumalik sa lab," paalam na ni Markian.

Nang muli niya itong tingnan ay nasa tabi na nito si Germaine. Parang may sinasabi sa binata pero ang atensiyon naman nito ay nasa kinaroroonan niya.

"Bye," sabi na lang niya bago pinutol na ang tawag na iyon.


NANDITO na ako sa bahay.

A Love To Last A Lifetime | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon