Chapter 14

9.4K 479 35
                                    

"ILANG araw ka ng mukhang matamlay, Marquine. May sakit ka ba?" isang araw ay pansin sa kanya ni Meah.

"Okay lang ako."

"Sigurado ka?"

Tinanguan niya ang kaibigan. Tahimik na itinuon ni Marquine sa pagkain ang atensiyon.

"Abi! My God!" impit na bulalas ni Meah kaya napasulyap dito si Marquine. Kausap nito sa cellphone nito si Abi. "You won't believe this. Narito sa cafeteria si MV. Mga classmate siguro niya ang kasama niya."

MV? aniya sa isip. Si Markian Vega kaya ang tinutukoy ni Meah?

Kinuha niya ang baso ng tubig at uminom. Abala pa rin si Meah sa pakikipag-usap kay Abi. Binilisan na niya ang pagkain dahil ayaw niyang makita ni dulo ng buhok ni Markian. Naiinis siyang lalo kapag naiisip ito.

"Tapos ka na?" gulat pang tanong ni Meah noong tumayo na si Marquine.

"Oo. May kailangan pa akong puntahan kaya mauna na ako sa iyo." Pagkasukbit sa kanyang bag ay hindi na niya hinintay pa ang apila ni Meah. Mabilis na niyang hinayon ang kinaroroonan ng pinto para makalayo na roon.

Para pa siyang nakahinga ng maluwag ng makalabas sa cafeteria.

"Hanggang kailan ko ba dapat maramdaman ito? Ang bigat-bigat sa dibdib," reklamo niya na bahagya pang kumibot ang labi.

Apektado pa rin siya sa nangyari noong lunes sa Physics Department... sa pagtanggi sa kanya ni Markian. Sa tuwing naaalala niya iyon ay palagi siyang naluluha. Ganoon ang impact niyon sa kanya.

Naupo si Marquine sa isang bench. Doon ay ininom niya ang gamot para sa lagnat. Ang totoo niyan ay hindi talaga siya okay. Sa sobrang pagdaramdam niya ay heto ang inabot niya. Sumama ang pakiramdam niya. Kaunting oras na lang naman ay maaari na siyang umuwi. Makakapagpahinga na siya sa apartment niya.

Kaya naman nakasuot siya ng jacket ng araw na iyon ay dahil lamig na lamig ang pakiramdam niya. Inayos niya sa mata ang suot na salamin na walang grado. Ginamit niya iyon para hindi halata ang medyo pagluluha ng kanyang mga mata.

Tiningnan niya ang oras sa kanyang cellphone. Vacant naman siya sa first period sa hapong iyon kaya may ilang oras pa siya para matulog. In-alarm niya ang kanyang cellphone para magising siya. Pagkuwan ay ipinatong niya sa may arm rest ng bench ang kanyang bag at doon ay isinandig ang ulo. Malilong sa puwesto niya dahil sa mataas na puno ng narra. Presko rin ang hangin.

Ipinikit na niya ang mga mata at sinikap makatulog. Hiling lang niya na sana ay maging maayos na ang kundisyon niya.


UNTI-UNTING iminulat ni Marquine ang mga mata. Puting kisame ang nakikita ng mga mata niya. Muli siyang pumikit. Ang pagkakaalam niya ay nasa bench siya sa ilalim ng punong narra. Muli siyang nagmulat. Kisame pa rin ang nakikita niya.

Nasaan siya?

Marahan niyang inilibot ang tingin. Mukhang nasa clinic siya. Hawak ang noo na napabangon siya. Paano siyang nakarating doon? Sinalat niya ang leeg. Hindi na rin ganoon kainit ang pakiramdam niya. Mabilis niyang tiningnan ang oras sa relo niya. Ala sais na ng gabi. Ganoon na lang ang pagsinghap niya nang makita ang oras.

Ibig sabihin ay absent siya sa dalawang subject niya kanina? Nasapo niya ng dalawang kamay ang noo. Kung bakit kasi natulog pa siya kanina.

Nasa ganoon siyang tagpo nang bumukas ang pinto ng silid na iyon. Ibinaling niya ang tingin doon para lang mabilis na magbawi nang makitang pumasok si Markian.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?"

Hindi siya nagsalita kaya naglakad ito palapit sa kanya. May kinuha ito sa ibabaw ng side table at itinapat sa tainga niya. Nang makita na normal na ang temperature niya ay muli nito iyong ibinalik sa side table.

"Normal na ang temperature mo. Puwede ka na ring umuwi."

Huminga siya ng malalim bago tumango. Hindi pa rin niya tinapunan ng tingin si Markian. Bakit ba ito naroon?

Nang bumaba siya sa clinic bed ay mabilis niyang isinuot ang sapatos niya. Gusto sana niyang usisain kung paano siya nakarating doon pero hayon at nanatiling tikom ang bibig niya.

Pagkadampot niya sa kanyang bag ay siya namang pasok ng residence nurse ng Mori High.

"Mabuti naman at gising ka na. Kumusta na ang pakiramdam mo?"

"Okay na po," magalang niyang sagot dito.

"Masuwerte ka dahil nakita ka nitong si Mr. Vega. Siya ang nagdala sa iyo rito kanina. Bumuhos kasi ang malakas na ulan. Kung naulanan ka pa, eh, mas lalala 'yang lagnat mo."

Magkakautang na naman yata siya sa lalaking ito. Huminga siya ng malalim bago pormal ang hitsura na hinarap si Markian. "Salamat," aniya bago ito muling tinalikuran. Hinarap naman niya ang nurse. "Puwede na po ba akong umuwi?"

Tumango ito bago inabot ang puting papel sa kanya. Reseta iyon ng gamot. Kailangan daw niya iyong inumin para hindi na bumalik ang lagnat niya.

Nang makalabas sa clinic ay ramdam niya na nakasunod sa kanya si Markian. Muli niyang tiningnan ang reseta ng gamot. Dagdag na naman sa gastusin niya. Napabuntong-hininga siya.

Napahinto siya sa paglalakad nang kunin sa kanya ni Markian ang hawak niyang papel. Pumikit muna siya ng mariin bago ito lakas loob na hinarap.

"Bakit ba ang hilig mong mag-aksaya ng oras mo sa akin? Binalikan mo pa ako sa clinic. Eh, puwede naman na iwanan mo na lang ako doon. Pero sige, salamat sa pagmamalasakit. Pero sana last na ito, Markian. Hindi mo naman ako obligasyon."

Akmang kukunin niya ang reseta ng gamot dito nang ibulsa naman nito iyon. Mukha ring hindi ito apektado sa mga sinabi niya. Naiinis siyang lalo. At mas naiinis siyang lalo sa sarili niya dahil sobrang apektado pa rin siya sa presensiya nito.

"Gusto kong isipin na nagagalit ka dahil sa sinabi ko noong nakaraan."

Mapait niya itong nginitian. "Ah, hindi. Actually, tuwang-tuwa nga ako, eh. Imagine, matapos ng lahat-lahat ni minsan pala hindi mo ako c-in-onsider na kaibigan. Ano'ng gusto mong maramdam ko? Harap-harapan mo akong itinanggi sa harap ng ibang tao. Ilang araw kong dinamdam iyon kaya ang ending? Kita mo naman kung saan ako humantong ngayon. Pero 'wag kang mag-alala kasi okay na ako." Sana nga maging okay na siya ng tuluyan... emotionally.

Tinalikuran na niya ito. Mabilis niyang pinalis ang namumuong luha sa mga mata niya bago nagpatuloy sa paglalakad.

Pero hindi pa siya nakakalayo nang pigilan siya ni Markian sa braso niya. Pinihit siya nito paharap dito at walang sabi-sabi na hinalikan siya sa labi niya. Ilang segundo lang na naglapat ang mga labi nila pero niyanig niyon ang buong mundo niya.

"Now tell me, Marquine," halos habol pa ni Markian ang paghinga nito habang titig na titig sa mga mata niya. "May kaibigan ba na gustong halikan ang kaibigan niya?"



A Love To Last A Lifetime | Published Under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon