Hindi Ako Marunong Lumangoy

6 0 0
                                    

Tulong! Tulungan mo ako!
Sana, sana naman naisip mong isisigaw ko ito
Tulong! Tulong!
Mga katagang iyong maaaring marinig sa kalagitnaan ng laot
Oo. Laot na may bahid ng takot at lungkot
Laot na iyong pinagdalhan sa aking munting isipang hindi makalimot.

Ako'y inaya mo!
Inaya mong tumungo sa pinakamalalim na bahagi hawak-hawak ang kamay ko
Inakalang masaya doon sapagkat tayo'y kapwa nakangiti habang ika'y nakatingin sa mga mata ko
Ngunit ako'y niloko mo , huli na nang malaman kong iiwan mo pala ako.

Ako'y napaibig mo!
Napaibig ng iyong mga salitang simputi ng buhangin sa karagatan ang intensyon
Napaibig mo gamit ang kamay mong pinanghila sa akin patungo sa pinakamalalim na bahagi ng aking emosyon
Napaibig mo ako gamit ang iyong kakaibang kapangyarihan
Kapangyarihang unti-unting pumapatay sa aking kalamnan.

Ako'y nadala mo!
Nadala ng iyong mapanlinlang na mga salita
Na naghatid sa akin sa kakila-kilabot na kapahamakan
Ako'y kinain ng tubig alat na unti-unting humihila sa aking katawan
Tubig alat na walang iba kundi ang sariling luha dahil sa sakit na nararamdaman.

Ako'y binitawan mo!
Binitawan mo ang kamay kong kapit na kapit sa iyo
Hinabol , sinubukan kitang habulin
Ngunit alon ng kalungkutan ay pinilit akong kunin
Kaawa-awang ako , hindi mo man lamang nagawang lingunin.

Ako'y hinayaan mo!
Hinayaan mong malunod sa sakit at kapighatian
Paano? Paano mo nagagawang pagmasdan ako sa malayuan habang ako'y nalulunod na sa kalungkutan
Akala ko ba'y kapayapaan ang naghihintay
Iyon pala'y kamatayan dahil sa iyong paglisan ang nakabantay.

Inaya, Pinaibig, Dinala, Binitawan at ngayo'y Hinayaan
Hinayaan na lamang na magdusa ng labis sa gitna ng karagatan
Hinayaang lamunin ng alon dala ang samu't saring emosyon
Tulong! Tulong! Aking sinisigaw ang iyong pangalan
Ngunit ika'y tila bingi na ayaw akong pakinggan.

Sa aking pagpikit ay ikaw pa rin ang nais na mahagip
Ramdam ang panlalamig, panlalamig ng tubig maging ng ihip
Hinihintay na sana ika'y muling sumilip at ako'y muli mong maisip
Hinihiling na ako'y iyong lapitan at masagip.

Ngunit hindi pala, huli na sapagkat tanaw kong may iba nang hawak ang iyong mga kamay
Kamay na nagdala sa akin patungo sa aking kinalalagyan , walang katapusang lungkot na sa puso ko'y pumapatay
Kamay na akala ko'y sa akin ay inaalay
Ngunit mali pala , ito pala ang mismong tatapos sa aking buhay.

Tama na! Pakiusap sa agresibong alon na tila ba walang balak na ako'y tantanan
Kamay ko'y hindi sumusuko gayundin ang mga paa't talampakan
Patuloy na umaasang sa bawat pagkumpas ng kamay ako'y iyong babalikan
Ngunit naisip na para saan pa? Gayong ika'y masaya na sa iba.

Ako'y iniwan mong mag-isa
Mag-isang humihingi ng tulong sa isang tahimik na isla
Iniwang mag-isa sa gitna ng karagatang walang kasiguraduhan ang kaligtasan
Iniwang mag-isang nalulunod sa dagat ng kapaitan.

Alat, alat na lamang ng karagatan at luhang pinaghalo ang naaamoy
Kahit na anong sigaw , walang makaririnig ng aking panaghoy
Sinta, kung inaakala mong ako'y kasintatag ng punongkahoy
Nagkakamali ka
Maling mali ka
Sapagkat  kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon ay nais ko lamang sa iyong ipaalam na
Hindi ako marunong lumangoy !

Na kahit kailan sa kalungkutang ito'y hindi na makakaahon.

The Best Of Binus (Mga Mapanakit At Mapang-akit Na Tula At Prosa)Where stories live. Discover now