Pasmado kasi ang kamay ko

5 0 0
                                    

Butil-butil na likido sa palad
Tagaktak na pawis na walang humpay sa pag-usad
Tila lagpas isang galon kung ang pawis ay iipunin sa paglalakad
Tubig na walang balak humupa saanman mapadpad.

Kapagdaka'y kamay ko ay nanginginig
Kahit pa sa presensya mo'y hindi na kinikilig
Sa gabutil na tubig na namumuo sa aking kamay
Paulit-ulit ko mang punasan, ito'y di pa din humihinto sa paghimlay.

Daig ko pa ang isang gripo sa pagtagas
Kaya minsan sa sarili ko ako ay nababanas
Bakit ba kasi hindi ako nakinig noon at kahit pagod kamay ko'y wala paring tigil sa paghugas
Di inaasahang matindi pala ang kapalit sa pagsapit ng bukas.

Sa tuwing hahawak ng selpon, screen nito'y laging kawawa
Maging sa pagsusulat ,papel ko din ay basang-basa
Anong nangyari sa kamay ko at mistulang sinumpa
Pilit hinihiling na balang-araw pagtutubig nito'y tuluyan nang humupa.

Sa tuwing magsasapatos nama'y di mapakali aking mga paa
'Pagkat di naiiwasang ito'y mabahiran ng amoy at manggitata
Sa tuwing tsinelas naman ang susuutin ito'y narurumihan
Daig ko pa ang nakapaa na binabagtas ang maputik na palayan.

Kapag pumapasok sa eskwela ang pagkalimot sa panyo ay totoong nakakabahala
'Pagkat wala akong magawa kundi ang ipahid ang umuulang kamay sa aking puting blusa
Ang pagkawala ng panyo para sa akin ay isang malaking abala
Yung tipong mawala na ang lahat huwag lang ito sapagkat kamay ko'y mapapariwara.

Ako'y nahihiya ring makipag-apir
Sa tuwing maglalaro ng "Nanay Tatay" noong nasa elementarya ay hindi kinakarir
Kahit pa nga sa larong "Doctor Kwak Kwak " na hawakan ng kamay
Apir dis apir at bilug-bilugan ako'y di nakakasama sa hanay.

Kapag sasayaw nama'y ayaw na ayaw ko ang may katambal
Sa tuwing Cha Cha , Rumba  o kaya Ball room ako'y napapatigalgal
Sapagkat nakakahiyang idampi ang palad sa kamay ng iba
Tamang panyo lamang sa kamay sa tuwing sasayaw ng Cha Cha.

Minsan tuloy napapaisip ako
Normal pa ba akong tao ?
Nakikita ko naman kasing masaya ang iba sa mga buhay nila
Samantalang ako naguguluhan kung anong maaaring gawin upang malunasan ang aking pasma.

Ang panginiginig ng aking kamay ay lumulubha na
Maging ang pagtagas ng di mabilang na butil ng likido sa kamay kong maputla
Minsan iniisip kong nalulungkot din pala sila
Ang aking mga kamay pagkat bukod sa mata , sila rin pala'y lumuluha .

Maaari na yata akong maging refilling station
Pagkat supply ng pawis sa aking kamay ay tunay na out of control
Sa tuwing makikipagkamay ito'y isang malaking distraksyon
Isang hadlang sa pagbuo ng komunikasyon.

Kaya tama na, hindi ko na kailangan pang marinig ang paliwanag mong kayhaba
Kung bakit ako'y iniwan mo na lamang bigla
Pagkat dahilan , dahilan mo ay akin nang nakuha
Dahil sa Pasmado kong kamay , ang kumapit ay hindi mo na makaya.

Pasmado kasi kamay ko ,tunay ito at totoo
Ngunit alam mo bang ako'y patuloy na kumapit sa mga pangako mo?
Ang buong akala ko kasi'y makakaya mong ako ay hawakan
Iyon pala kagaya ng iba , ako'y iyong bibitawan.

Sa iyong pagbitaw, pasmado kong kamay ay naiwan sa kawalan
Kasabay ng pagtangis ko ang pagbuhos ng di mabilang na pawis sa aking katawan
Pawis , pawis pala sa kamay ang naging dahilan
Kung bakit sa kabila ng pagkapit ko ako'y iyong nilisan.

Pinahid, patuloy na pinahid ang kamay kong lumuluha sa malungkot na mukha
"May darating pa kaya?" Laman ng isip ko sa tuwina
Ako'y tinakasan na ng sigla at tila nawawalan na ng pag-asa
Na may darating pang magmamahal ng lubos sa kabila ng aking pasma.

Sana. Sana nga ang taong iyon ay dumating na
Nang sa gayon damdamin ko'y di na mabahala
Balang-araw , aasang may taong sa pagkapit ay hindi kailanman susuko at lalayo
Bagkus kamay ko'y kaniyang hahawakan ng mahigpit at ako'y patuloy na mamahalin kahit na ako'y pasmado.

The Best Of Binus (Mga Mapanakit At Mapang-akit Na Tula At Prosa)Where stories live. Discover now