PROLOGUE

10.2K 141 24
                                    

LUMUHOD ANG anim na taong gulang na si Katrina sa may paanan ng kama niya. Isiningit niya ang kanang kamay sa pagitan ng mattress at ng bed frame para kunin ang story book na ibinigay sa kanya ng dati niyang yaya. Doon niya itinatago ang story book dahil paniguradong parurusahan siya ng Papa niya kapag nalaman nitong nagbabasa siya ng mga ganoong libro.

Sa edad kasi niya ay puro business books na ang ipinapabasa sa kanilang dalawa ng half-brother niya na si Harry kahit na hindi naman nila maintindihan ang mga nakasulat doon. Ang sabi kasi ng ama niyang si Jordan Navarro ay mas magandang sa murang edad nila ay maintindihan nila kung paano ang magpatakbo ng isang negosyo.

Napatayo siya ng hindi makapa doon ang libro. Sinubukan pa niyang buhatin ang mattress para masilip ang ilalim niyon pero wala doon ang libro. Nagsimula na siyang kabahan. Alam niyang doon lang niya iyon nilagay matapos niyang basahin ang kuwento ng Little Mermaid.

“Looking for this?”

Marahas niyang nilingon ang nagsalita. Hindi niya namalayang bumukas ang pintuan ng kuwarto niya. Nanlaki ang mata niya ng makitang hawak ni Harry ang story book niya.

“Ibalik mo sa akin 'yan.” Matalim niya itong tiningnan.

Mas lalong lumawak ang pagkakangisi nito. “Ayoko nga. Isusumbong pa kita kay Daddy.” Binelatan pa siya nito bago tumakbo palayo.

Tumakbo din siya para habulin ito. Kailangan niyang makuha dito ang story book niya. Ilang beses pa siyang muntik-muntikang mahulog sa grand staircase. Naabutan niya ito sa may ibaba ng hagdan. Mas binilisan pa niya ang takbo nang makitang malapit na ito sa may study room kung nasaan ang ama.

Dinamba niya ang likod ni Harry kaya nasubsob ito sa marmol na sahig. Tumilapon ang libro niya ng mabitawan nito iyon. Umalingawngaw ang sigaw ni Harry at sinubukang makawala sa kanya pero hindi niya ito binibitawan. Kailangan niyang makuha ang libro niya.

Sinubukan niya iyong abutin para lang tumigil nang makita ang isang pares ng pamilyar na sapatos na nakatayo sa harapan niya. Unti-unti siyang tumingala. Natakot siya ng makita ang amang si Jordan Navarro na matalim ang pagkakatingin sa kanila ni Harry.

“Anong kaguluhan ang nangyayari dito, Katrina? Harry?”

Wala ni isa man sa kanila ang makasagot. Tumitiklop silang dalawa kapag ganoon na ang tono ng ama. Nanlamig siya nang damputin nito ang story book niya.

“At ano ang basurang ito, Katrina?”
Ibinuka niya ang bibig pero walang lumabas na salita sa bibig niya.

“She wanted to be a princess, Dad,” pagsusumbong ni Harry. Kahit hindi niya ito nakikita ay alam niyang nakangisi ito.

Napalunok siya ng balingan siya nito. “Is it true, Katrina?” kalmadong tanong ng ama. Pero alam niyang galit na ito.

Pakiramdam niya ay may pumiga sa puso niya ng punitin ng ama sa dalawa ang libro niya at inihagis iyon sa harapan niya.

“Fairytales are for sissies, Katrina. Princesses are weaklings. Huwag mong kalilimutan na isa kang Navarro. I raised you to be a fighter and not a damsel in distress. I want you to be tough and strong. I don’t want this to happen again. Do you understand me?” Hindi na nito hinintay pa ang sagot niya at naglakad na palabas ng mansiyon kasama ang mga bodyguards nito.

Sa nanginginig na mga kamay ay pinulot niya ang mga pahina ng libro niya na nagkalat sa sahig.
Pinipigilan niya ang pagtulo ng mga luha. Mapaparusahan siya kapag nakita siyang umiiyak.

Natigilan siya ng may dalawang pares ng kamay ang tumulong sa kanya na magpulot ng story book niya na pinunit ng ama. Pagtingala niya ay nakita niya ang dalawang batang lalaki. Iyon ang unang beses na nakita niya ang mga  ito. Sa tingin niya ay halos magkaedad lang silang tatlo.

“Hi, Miss Katrina, my name is Chord,” anang batang singkit ang mata.

“And I am Spain,” sabat ng isa na malapad ang pagkakangiti.

“At simula sa araw na ito, kami na ang magtatanggol sa iyo,” sabay na sabi ng mga ito.

Napangiti siya at bigla niyang nakalimutan ang nangyari kanina. Sa wakas, magkakaroon na din siya ng kaibigan

----------------------------------
M.A.: Hi, guys! I'm back! Sa mga naghahanap ng story ni Katrina. Andito na po siya. :) tulad ng ibang stories ng Black Lotus. Sana po ay magustuhan din ninyo ang story niya. ;)

Katrina, The Fallen Angel (Published Under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon