CHAPTER 17

2.7K 75 2
                                    


PAGLABAS NIYA nang banyo ay siya namang pagtunog ng cellphone niya na nakatago sa aparador. Ginagamit lang niya ang cellphone in case of emergency at iilang tao lang ang nakaalam ng numero niya kaya kung sino man ang tumatawag ay nasisiguro niyang importante ang sadya sa kanya.

Sinalakay ng kaba ang dibdib niya nang makita ang pamilyar na pangalan na nakaregister sa cellphone niya.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan niya bago kunin ang cellphone at pumuwesto sa may nakabukas na bintana para makakuha ng magandang signal.

"Kailangan ko ang tulong mo," bungad kaagad ng nasa kabilang linya.

"Nakikinig ako," seryosong sabi niya dito. Matagal na simula noong huling beses niyang narinig ang boses na iyon.

Napahigpit ang hawak niya sa cellphone matapos marinig ang mga sinabi nito. Ilang sandali din siyang natahimik at nag-isip kung kaya ba niyang gawin ang pakiusap nito pero sa huli ay nanaig ang munting tinig sa isip niya.

"Maaasahan ko ba ang tulong mo?"

Isang malalim na hininga ang pinakawalan niya. "Tutulong ako."

"Mabuti naman kung ganoon. Maraming salamat sa tulong mo."

Kahit nang matapos ang tawag ay nanatili siyang nakatingin sa tahimik na paligid na nasisinagan ng liwanag ng buwan.

Maaliwalas ang kalangitan at napakaganda ng panahon, mga tanda ng paparating na bagyo. Bagyo na sana ay malampasan nila.


"THAT'S BULLSHIT!" hindi mapigilang sigaw ni Xavier habang kausap niya sa kabilang linya si General Mariano na may dalang masamang balita. "Paanong nangyari na nakalaya si Kevin dela Cerna sa kulungan na nasa maximum security?"

Narinig niya ang pagpakawala nito ng malalim na hininga. "Iniimbestigahan pa ang nangyari, del Rio. Pinapahanap ko na din sa mga tauhan ko si Kevin dela Cerna."

Malakas niyang naihampas ang kamao sa mahogany desk niya. Hindi na niya napigilan ang paglabas ng galit. "Tutulong ang Black Lotus sa paghahanap kay Kevin dela Cerna."

"Maraming salamat, del Rio," anang heneral.

"Alam na ba ni San Diego na nakatakas sa kulungan si dela Cerna?"

"Hindi ko pa nasasabi sa kanila ang nangyari."

"Mas mabuti kung isikreto mo na muna sa kanila ang mga nangyari." Nahahapo siyang sumandal sa swivel chair. Biglang sumagi sa isip niya ang masayang mukha ni Katrina. Iyon ang unang beses na nakita niya ang totoong ngiti sa mga labi nito at hanggat maaari ay gusto niya itong lumigaya. "Magpapadala na lang ako ng mga tauhan para bantayan sila. Nasisiguro kong gaganti si Kevin dela Cerna sa nangyari sa kanya at sina Travis ang Katrina ang uunahin niya."

"Maraming salamat sa tulong, del Rio."

"Walang anuman, general."

Niluwagan niya ang suot na neck tie at mariing ipinikit ang mga mata. Makalipas ang ilang minuto ay muli siyang nagmulat at tinawagan ang assistant na si Margarette. "Margarette, magpadala ka ng mga magbabantay kina Katrina at Travis sa Palawan." Matapos niyang magbigay pa ng ilan pang instructions ay muli niyang ipinikit ang mata.

Katatapos lang ng meeting niya kasama ang mga elders ng Black Lotus at nang makauwi siya ay ang masamang balita pa na iyon ang bubungad sa kanya.

"Xavier?"

Pagmulat niya ay ang mukha ng asawang si Jane ang nabungaran niya. Suot nito ang isang T-shirt niya na ginawa nitong pantulog na umabot lang hanggang sa kalahati ng hita nito.

Inilahad niya ang kamay dito na tinanggap naman nito. Pinaupo niya ito sa hita niya at niyakap sa tiyan. Idinikit niya ang ulo sa dibdib nito at pinakinggan ang bawat tibok ng puso nito. Sa bawat pagtibok ng puso ni Jane ay nababawasan ang mga isipin niya lalo na at nasa malapit lang ito. Ang pamilya niya ang pinagkukunan niya ng lakas.

"May gumugulo ba sa iyo?" masuyong tanong nito at masuyong hinaplos ang buhok niya. It somehow calmed him.

Wala siyang anumang inililihim sa asawa. Ikinuwento niya ang nangyari. "I just want her to have the happiness that we have right now."

"Don't worry, Xavier, maaayos din ang lahat."

"Sana nga."

Katrina, The Fallen Angel (Published Under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon