CHAPTER 19

3.1K 91 15
                                    


NAALIMPUNGATAN SI Katrina nang makarinig ng kaluskos sa labas ng pinto. Bigla siyang naging alerto at hinanap si Travis. Nanatiling nakatayo si Travis at tulad niya ay alerto din ang mga mata.

Bigla ang pagdagsa ng takot sa dibdib niya nang maisip na baka bumalik na si Kevin dela Cerna.

Muli niyang sinubukang kalasin ang pagkakatali nang kamay niya pero masyado iyong mahigpit. Napatingin siya sa pinto ng bumukas iyon at pumasok ang isang lalaki. Nakatakip sa mukha nito ang hood ng suot na jacket.

Hindi nakaligtas sa kanya ang hawak nitong baril. Lumapit ito sa kanya at pumuwesto sa likod niya. Mariin niyang ipinikit ang mata at inisip na iyon na ang katapusan niya kaya ganoon na lang ang pagkagulat niya nang maramdaman ang pagkalas ng tali sa likod niya.

Binalingan niya ang estranghero at ganoon na lang ang panggigilalas niya nang mabistahang mabuti ang mukha nito.

"H-Harry?" hindi makapaniwalang bulalas niya nang makilala ang kapatid.

Tipid itong ngumiti at ang pagkakatali naman sa paa niya ang inalis nito gamit ang dalang kutsilyo. Nanatili lang siyang nakatitig dito. Iniisip niyang tuluyan na siyang namatay sa pagkakatulog dahil implosibleng nasa harap niya si Harry dahil matagal ng patay ang step brother niya.

"P-paanong-"

Tumayo ito at lumapit kay Travis. "Hindi ito ang tamang panahon para ipaliwanag sa iyo kung paano nangyaring nandito ako ngayon, Katrina." Itinutok nito ang dalang baril sa posas na nasa kamay ni Travis at binaril iyon. Naka-silencer ang dala nitong baril. "Ang kailangan nating gawin ay makaalis sa lugar na ito bago pa malaman ni Kevin dela Cerna ang nangyari dito."

Bigla siyang natauhan at lumapit sa mga ito. Tama si Harry, ang mahalaga sa mga oras na iyon ay ang makaalis sila sa lugar na iyon. Hinubad ni Harry ang suot na jacket at ipinasuot iyon kay Travis.

Muli niyang napagmasdan ang hitsura ni Harry. Sa mga lumipas na taon ay nagmature na ang hitsura nito pero tila hindi na ito ang kilala niyang Harry.

"Kaya mo pa bang maglakad?" tanong nito sa kanya nang isampay nito ang isang braso ni Travis sa balikat. Tumango siya. "Good." Inabot nito sa kanya ang isang baril. "Para maproteksiyonan mo ang sarili mo. Alam kong hindi mo pa nagagamit yan sa ibang tao pero kapag naramdaman mong kailangan mong iligtas ang sarili mo, iputok mo ang baril na 'yan, maliwanag?"

"Yes," aniya dito at nagmamadaling tumakbo papunta sa may pinto. Sumilip siya doon at nakita niyang nakabulagta sa sahig ang mga tauhan ni Kevin dela Cerna. Sinenyasan niya ang mga ito na maaari na silang lumabas.

Binalewala niya ang nararamdamang pananakit ng katawan at itinuon ang atensiyon sa dapat niyang gawin. Nasa likuran niya sina Harry at Travis.

Ganoon na lang ang kabog ng dibdib niya nang makita ang pintuan palabas. Sinalubong sila nang malamig na simoy ng hangin. Timulungan niya si Harry at isinampay ang kabilang braso ni Travis sa balikat niya.

"Kailangan nating makapunta sa kakahuyan. Sa dulo ay naghihintay ang sasakyan ko."

Tumango siya at tinakbo nila ang papunta sa kakahuyan. Ilang metro na lang ang layo nila nang pumailanlang ang putok ng baril. Marahas niyang nilingon si Harry ng marinig ang pag-igik nito.

Nabitawan nito si Travis at marahas na bumaling sa pinanggalingan nila at ipinutok ang hawak na baril.

"May tama ka!" aniya dito nang makita ang dugong dumadaloy sa binti nito.

"Huwag mo akong alalahanin, just keep on running," anito.

Sinunod niya ang utos nito at tumakbo papunta sa may kakahuyan. Narinig niya ang sunod-sunod na putok ng baril.

Katrina, The Fallen Angel (Published Under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon