CHAPTER 11

2.9K 78 3
                                    

I MISS you.

Napangiti si Katrina matapos mabasa ang text message na nangggaling kay Travis. Dalawang linggo na ang nakakaraan nang biglaan itong umuwi sa Palawan dahil sa nangyari sa kapatid nito. Sa mga araw na magkalayo sila ay hindi pumapalya ang palitan nila ng mga text messages at mga tawag.

“Ano naman kaya ang dahilan ng pagngiti mo?” Biglang nawala ang ngiti ni Katrina at marahas na nilingon ang nagsalita. Nabungaran niya ang nakangising mukha ni Harry. Nawala sa isip niya na nasa Warehouse siya nang mga oras na iyon. Hindi niya namalayan ang pagdating ni Harry. “Ay sorry, mali ako ng tanong. Sino kaya ang dahilan ng pagngiti mo?”

“It’s none of your damn business, Harry. So shut the fuck up.” Nakakailang hakbang pa lang siya nang muli itong magsalita.

“Sinabi mo na ba sa kanya ang tungkol sa koneksiyon mo sa Black Lotus?” Mariin niyang naikuyom ang kamay para pigilan ang sarili na pumihit at saktan ito. Hindi niya ipapakita dito na naaapektuhan siya sa mga sinasabi nito. Halos kaladkarin niya ang mga paa para makalabas sa kuwartong iyon.

Nahahapong isinandal niya ang likod sa pintuan. Mariin niyang ipinikit ang mata. Isa iyon sa iniiwasan niya. Ang malaman ni Travis ang tungkol sa kaugnayan niya sa Black Lotus.

EXCITED NA nagpunta si Travis sa classroom ni Katrina. Pero nakalabas na ang lahat ng estudyante ay hindi niya nakita ni anino nito. Napakunot-noo siya. Iyon ang unang pagkakataon na hindi pumasok si Katrina.

Sa halos dalawang linggo niyang pagkawala ay hindi naputol ang komunikasyon nilang dalawa. Mariin niyang naikuyom ang kamay ng maalala ang nangyari sa bunsong kapatid. Mga kalaban nila sa negosyo ang may kagagawan kung bakit nasaktan ito. She was kidnapped at iniwan ito sa loob ng nasusunog na kubo. Mabuti na lang at kaagad na nalaman ng mga kapatid ang kinaroroonan ng mga ito at nailigtas ang bunsong kapatid. Nagtamo ito ng third degree burn sa likod. Maayos na ang pakiramdam nito.

Wala pa sana siyang balak bumalik sa Maynila kung hindi lang siya pinilit ng mga kapatid para tapusin ang pag-aaral niya. Isa pa gusto niyang bumalik kay Katrina dahil once and for all ay gusto na din niyang ipagtapat dito ang tungkol sa tunay niyang pagkatao. Inihanda na niya ang sarili sa galit nito sa pagsisinungaling niya.

Kinuha niya ang cellphone sa bulsa para tawagan ito, pero out of coverage pa din ang cellphone nito.

“Nasaan ka ba, Kat?” tanong niya sa sarili. 

“Travis Vasquez?”

Napahinto siya sa paglalakad nang marinig ang pagtawag sa kanya. Nalingunan niya ang isang lalaki na prenteng nakasandal sa gilid ng sasakyan nito. Nakasuksok ang kamay nito sa magkabilang bulsa ng pantalon.

Hinarap niya ito. “Ako nga. Sino ka?”

Paano nito nalaman ang pangalan niya? Iyon ang unang pagkakataon na nakita niya ito. Matandain siya sa mukha ng mga taong nakakasalamuha niya at hindi pamilyar sa kanya ang mukha nito.

Tumuwid ito ng tayo at naglakad palapit sa kanya at inilahad ang kamay sa kanya. “Ako nga pala si Harry Navarro, Katrina’s brother.

Alanganin niyang tinanggap ang kamay nito. “Ano ang kailangan mo sa akin?”

“I just want to meet my little sister’s boyfriend,” nakangiting sabi nito. “Masyado kasing malihim ang isang iyon kaya kailangan ko pang mag-research para lang makilala ka.” Bumakas ang lungkot sa mga mata nito. “Alam kong masamang tao ang tingin sa akin ni Katrina. You see, hindi ako showy na tao but I love her as my sister. Gusto din kitang makilala ng lubusan para makita ko kung karapatdapat ka ba para sa kapatid ko. Obligasyon ko bilang nakatatanda niyang kapatid na siguraduhing hindi siya mapapahamak. So, sasama ka ba sa akin?”

Katrina, The Fallen Angel (Published Under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon