CHAPTER 6

3.5K 124 5
                                    

Six years ago…

IMINULAT NI Katrina ang mata ng maramdaman ang paghinto ng sinasakyan nila. Inalis niya ang earbuds sa magkabilang tainga at ipinatong iyon sa tabi niya.

“Nandito na po tayo, Miss Katrina,” imporma ni Chord na nasa driver’s seat katabi ni Spain. Binuksan niya ang inabot nitong folder at binasa ang nilalaman. May ideya na siya kung ano ang nilalaman niyon pero hindi pa din niya maiwasang mainis. Nakalagay doon ang ilang impormasyon tungkol sa mga patagong bentahan ng ilegal na droga sa ilalim ng Black Lotus.

Mapait siyang napangiti. Siya ang laging umaayos sa gulong pinapasok ni Harry. Utos iyon ng kanyang ama. Kailangang maayos niya ng tahimik ang gulong ginawa ni Harry bago pa iyon makarating sa leader ng Black Lotus na si Don Yvann Devanadera. Ayaw ni Don Yvann na ma-involve ang Black Lotus sa ilegal na droga at may mabigat na parusa ang sinumang mahuling lumalabag sa batas na iyon.

Naabutan niya ang ilang mga tauhan na nasa lupaing pag-aari ng pamilya niya.

“Pakawalan n’yo ako rito!”

Walang emosyong pinagmasdan ni Katrina ang lalaking nakaluhod sa harap niya. Nakapiring ang mata nito at nakatali ang dalawang braso sa likuran.  Ikiniling niya sa gilid ang ulo hudyat na tanggalin na ang piring ng lalaki.

Ilang beses pa itong napakurap bago ituon ang mata sa kanya. Namilog ang mata nito ng makilala siya. “M-miss Katrina.”

“Alam mo naman siguro kung bakit ka nandito ngayon, Sam,” aniya rito. “Gusto kong malaman kung totoo ang mga nakarating na balita sa akin na ninanakawan mo ang Black Lotus.”

“Wala po akong kinalaman sa mga ibinibintang ninyo sa akin, Miss Katrina.”

“Alam mo namang walang saysay pa ang magsinungaling, Sam. Paniguradong mas magiging mabigat pa ang parusa na matatanggap mo kapag nalaman ni Don Yvann ang mga ginawa mo.” Ang tinutukoy niya ay ang kasalukuyang pinuno ng Black Lotus. Don Yvann may be a very understanding man, pero hindi nito hinahayaan na may lalabag sa mga batas nito.

Napuno ng takot ang mata nito sa mga sinabi niya. Lumuhod ito sa harap niya at pinagsalikop ang mga kamay. “Wala po talaga akong kasalanan, Miss Katrina. Napag-utusan lang po ako. S-si Sir Harry ang nag-utos sa akin na doktorin ang mga financial statements ng kumpanya.”

Naningkit ang mga mata niya sa pagkumpirma nito sa mga balitang nakarating sa kanya. “Matagal ka ng naninilbihan sa kumpanya at sa pamilya namin, Sam. Paano mo nagawa ang lahat ng ito?” nanghihinayang siya dahil matagal na itong naninilbihan sa pamilya niya. Simula pa noong bata siya. Malaking kawalan ang isang tulad nito sa kumpanya at ang lahat ng ito ay dahil sa pagiging makasarili ng kapatid niya.

Tumulo ang luha nito. “Pinagbantaan niya ako, Miss Katrina, na kapag hindi ko ginawa ang ipinagagawa niya, papatayin niya ang pamilya ko.”

“Pero hindi pa rin iyon dahilan para traydurin mo ang Black Lotus. At alam mong ang lahat ng lumalabag sa patakaran ay may kaukulang parusa.”
Bumunot ng baril si Chord at itinutok iyon dito.

Malungkot itong ngumiti. “Tinatanggap ko ang parusa ko. Pero gusto kong ipangako po ninyo sa akin na walang mangyayaring masama sa pamilya ko. Kahit iyon man lang, Miss Katrina. Kahit iyon man lang ang babauin ko bago ako mamatay.” Sa nanginginig na mga kamay ay may binunot ito sa likod nito. Naalarma ang mga kasama niya kaya nagsibunutan din ng baril ang mga ito.

Itinaas niya ang kanang kamay para patigilin ang mga ito. Alam niyang hindi siya magagawang saktan ng lalaki. Inabot nito sa kanya ang wallet. “Nakikiusap ako, pakibigay iyan sa anak ko. At pakisabi sa kanya na mahal na mahal ko siya.”

Katrina, The Fallen Angel (Published Under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon