CHAPTER 9 PART 1

1.4K 63 5
                                    

PARANG gusto nang sumigaw ni Reggy sa sobrang inis sa dalawang kapatid niya habang nagtatalo ang mga ito sa mismong harapan niya. Isa lang naman ang dahilan nang pag aaway ng dalawang kuya niya, tungkol sa pera.

Gustong ibenta ng mga ito ang maliit na lote na ipinamana sa kanila ng tatay nila pero ayaw pumayag ni Marlon na fifty-fifty ang hatian. Ang katwiran nito ay ito ang panganay kaya dapat lang na mas malaki ang makuha nitong parte. Ang dalawa rin ang dahilan kung bakit naospital ang kanilang ina.

Ang kwento ni Amy ay naabutan ng mga ito na nag aaway sila Marlon at Jess, umawat ang kanilang ina at sa huli ay bigla na lang daw itong nahirapan huminga at nawalan ng malay.  Na-mild stroke ang nanay nila at kung hindi agad ito nadala sa ospital ay siguradong mas malala pa doon ang sasapitin nito. Walang mag aalaga sa kanilang ina dahil parehong busy sa pag aaral ang dalawang bunsong kapatid niya na sila Amy at Eime, sila Jess at Marlon naman ay parehong walang pakinabang at hindi maaasahan sa kahit anong bagay.

Mabuti na lang nga at napakiusapan niya ang hipag—asawa ni Jess—na bantayan na muna ang anak niyang si Paula habang nagbabantay siya sa ospital.

“Kung may dapat man na magbenta ng lupa, si ate Reggy 'yun, siya kaya ang tumubos ng lupa nang maisangla 'yun ni nanay.” Hindi na nakatiis na singit ni Eime habang patuloy sa pagtatalo ang dalawang kuya nila.

“Ano?” sikmat ni Marlon kay Eime.

“Huwag kang makikialam sa usapan ng matatanda, saka anong sinasabi mo na dapat lang na si Reggy ang magdesisyon sa lupa na ipinamana ni tatay? Dapat lang naman na siya ang tumubos sa pagkakasangla ng lupa dahil naisangla 'yun nang magkasakit ang anak niya.”

“Kuya!” nanggigil na saway niya sa kapatid at hinila ito sa braso. “Ano ba? Hanggang dito ba naman sa ospital, mag aaway kayo? Sana naman tumigil na kayo, hindi ba ninyo nakikita na natutulog si nanay?”

Tiningnan siya ng masama nila Marlon at Jess.

“Isa ka pa, nagawa mo pang dito ipadala sa private room si nanay, wala na nga tayong pera!”

“Anong walang pera?” galit na tanong niya kay Marlon at itinulak ito sa braso.

Kahit na ito ang pinakamatanda sa kanilang magkakapatid ay hindi siya magdadalawang isip na labanan ito lalo pa at nasa katwiran siya. Umalsa ang matinding galit sa dibdib niya at paulit ulit na itinulak ito.

“Mga putang ina ninyo!” nanggigigil na dinuro niya ang dalawa.

“Kasalanan ko ba na gusto kong mas maasikaso ng mga nurse at doktor si nanay? Kailangan talaga na sisihin ninyo ako? Ang kakapal ng mukha ninyong dalawa!”

“Ate!” nagsimula nang umiyak si Eime at niyakap siya para awatin.

Hindi nakapagsalita sila Marlon at Jess, halatang nabigla ang mga ito sa biglang pagsabog ng galit niya.

“Nagpapakahirap akong kumayod sa ibang bansa at malayo sa anak ko para mabigyan ko ng maayos na buhay sila nanay, ang tagal kong nagtiis sa pagiging makasarili ninyong dalawa. Hindi ba kayo nahihiya sa mga asawa at mga anak ninyo? Ultimo si nanay ay nagkakasakit na ng dahil sa inyo, mga wala kayong konsensiya!”

Mariing pinunasan niya ng palad ang mga luha sa magkabilang pisngi at tiningnan ang dalawa.

“Sa inyo na ang lupa na 'yun, wala akong pakialam kahit magbugbugan pa kayong dalawa sa pag aaway basta huwag na ninyong idamay pa si nanay. Sa oras na malaman ko na napahamak si nanay ng dahil sa mga kagaguhan ninyo, magkakasubukan tayong tatlo. Tandaan ninyo 'yan!” galit na banta niya.

Tinabig niya si Eime at nagmamadaling lumabas siya ng private room ng ina.

Nang makarating sa lobby ay panay ang iyak niya. Gusto na niyang sumigaw at magwala dahil sa matinding galit sa dalawang kapatid. Alam niyang hindi niya pwedeng basta itakwil na lang sila Marlon at Jess dahil kadugo pa rin niya ang mga ito. Pero bakit naman kasi nang magsabog ng katamaran at kamalasan ay tag-isang swimming pool na yata ang ipinangsalo ng dalawang kuya niya.

THE EXPAT HUNTRESS SERIES book 4: YO TE AMO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon