CHAPTER 11

1.9K 67 5
                                    


“ESTAS bien?”

“Yes, I’m fine.” Matamlay na sagot ni Alejandro sa tanong ng fiancee niyang si Samantha.

Nakangiting lumapit ito sa kaniya at masuyong pinisil ang magkabilang balikat niya. Napapikit siya nang maramdaman ang ginawa ng babae.

Kung ibang lalaki siguro ang nasa sitwasyon niya ngayon ay malamang na magpipiyesta sa tuwa. Napakaganda ni Samantha at kahit sinong lalaki ay hindi magdadalawang isip na pakasalan ito.
Siya lang naman ang may problema. Siya lang ang hindi interesado sa magiging pagbabago ng buhay niya.

Palaging nasa malayo ang isip niya at alam niyang nahahalata iyon ni Samantha kapag magkasama sila. Sa ilang beses na kumain sila sa labas ay ilang beses siyang nakagawa ng kapalpakan. Kung hindi late sa date nila ay kailangan naman niyang umalis ng maaga para sa meeting niya. Mga simpleng bagay lang naman iyon na kung tutuusin ay madaling gawin.

“Gusto ko ang mga pamangkin mo, Alejandro, mabait na bata sila Elias at Rebecca.”

Tumango siya at hinawakan ang palad ni Samantha para patigilin ito sa ginagawang pagmamasahe sa balikat niya. Umayos naman ito ng upo sa tabi niya sa long couch at sinalubong siya ng tingin.

“Walang magiging problema kung magiging mommy nila ako, mabait ang mga pamangkin mo.” dagdag pa nito.

Tumango siya at malalim na napabuntong hininga. Dalawang buwan na lang ay ikakasal na sila at pinag uusapan na iyon ng lahat dahil isa iyon sa pinakamalaking kasalan na magaganap sa buong Spain.

Ngayon pa lang ay excited na ang mga tao sa paligid niya. Siya lang ang hindi natutuwa sa lahat nang nangyayari. Pinagmasdan niya si Samantha. Hindi niya alam kung pareho sila nang nararamdaman pero kung tama ang hinala niya ay kagaya rin niya ito na sumusunod lang sa utos ng mga magulang.

Maimpluwensiyang tao ang mga magulang nito sa buong Europe at kung makagawa man ito nang pagkakamali at maging dahilan iyon para itakwil ito ng pamilya ay malaking kawalan iyon para sa dalaga. Kahit sabihin na unti unti ng nakikilala bilang  wedding gown designer si Samantha ay siguradong mahihirapan ito ng walang suporta ng mga magulang.

May dalawang buwan pa siya para pag isipan ang mga plano niya. Pero habang wala pa siyang nabubuong plano kung paano siya makakawala sa arranged marriage na iyon ay kailangan niyang makipagkita madalas kay Samantha.

Iyon lang ang tanging paraan para tigilan siya ng ama sa mga panenermon nito at mas makapag isip siya ng maayos.

Pero ano nga ba ang plano niya? Makakaya ba niyang banggain ang sariling ama? Kung magbabago ba ang buhay niya dahil sa magiging desisyon niya na huwag magpakasal kay Samantha ay handa ba siyang tanggapin ang matinding galit nito?

Desperadong napailing si Alejandro. Kahit siya ay hindi alam kung ano ang sagot sa mga tanong na nabuo sa utak niya.

“Why are you doing this?” hindi na nakatiis na tanong niya kay Samantha.

Pagod na isinandal niya ang likod sa backrest ng couch. Katatapos lang ng dinner date nila at hinatid niya ito sa mismong bahay nito. Hindi na siya nakatanggi kanina nang alukin siya nitong magkape na muna bago umalis.

“Ang alin?” nalilitong tanong ni Samantha.

“Lahat ng ito,” mabilis na sagot niya.

“Hindi ako manhid para hindi malaman na sinusunod mo lang ang parents mo sa gusto nila. Pareho nating alam na ang mga magulang natin ang mas makikinabang sa kasalan na ito.”

Maliban sa gusto ng kaniyang ama na mabigyan ng kompletong pamilya ang mga pamangkin niya ay may kinalaman rin sa negosyo ang pagpapakasal nila ni Samantha.

THE EXPAT HUNTRESS SERIES book 4: YO TE AMO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon