PROLOGUE

6.5K 113 2
                                    


“NAAYOS mo na ba ang problema mo para sa exam natin next week?”

Matamlay na iling ang naging sagot ni Reggy sa tanong ng kaibigan niyang si Edgell.

“Uy, girl, okay ka lang? daig mo pa ang naluging tsekwa 'eh.” Naaawang sabi naman ni Jane at inakbayan siya.
Malalim na buntong hininga ang naging sagot niya saka nagsalita ulit.

“Una sa lahat, hindi ako mukhang tsekwa, pwede lang humabol sa size ng Buddha ang katawan ko pero hindi ako singkit.”

“Nagawa mo pa talagang magbiro?” singit naman ni Elissa at tinapik siya sa balikat. “Pasaway! Tsk!”

Nagkibit balikat siya. “Ganoon talaga, walang mangyayari kung iiyakan ko lang ang problema ko.”

“At hindi lang ikaw ang may problema sa mundo, girl! 'yung iba diyan mas mabigat pa nga 'di ba?” dagdag pa ni Andie.

“Korek!” magkakasabay na wika nilang apat at nagtawanan. Kahit paano ay gumaan na ang pakiramdam ni Reggy.

Kahit siguro mas maging mabigat pa ang problema niya ay alam niyang kakayanin niya dahil kasama niya ang mga kaibigan.
Sila Andie, Edgell, Elissa at Jane ay mga kaibigan at kaklase niya sa college, education ang course nilang lima. Parang totoong kapatid na ang turing niya sa mga ito at kung hindi dahil sa friendship nila ay siguradong boring na ang college life niya. Kompara kasi noong high school days na masaya at nag e-enjoy siya ay puro stress ang inabot niya ngayon na nasa college na siya.

Wala naman siyang reklamo sa pagiging college student niya. Pero hindi rin kasi biro ang nararanasan niya ngayon dahil working student din siya. Kung pwede nga lang na i-donate na niya ang eyebags niya na nakuha niya sa pagpupuyat ay ginawa na niya.

“Kung meron lang kami, hindi ka magdadalawang isip,” ani Edgell.

Agad na umiling si Reggy. “Ano ba kayo, girls? Problema ko ito, okay? Makakapagbayad din naman siguro ako ng tuition fee bago ang araw ng exam. Baka makahiram ako ng pera kay nanay.” Sabi niya.

Sa burger store na malapit sa university siya nagtatrabaho, maliit ang kita pero mas mabuti na iyon kaysa sa wala. Sapat lang ang sweldo niya para sa tuition fee at ang daily expenses niya ay sagot ng kaniyang ina. May maliit na sari-sari store sila at iyon ang nag iisang kabuhayan ng pamilya niya. Mula kasi nang mastroke ang tatay niya ay hindi na ito nakapagtrabaho.

“Ganyan talaga, mahirap ang buhay pero sabi ko nga palagi 'di ba? Laban lang! hindi iniiyakan ang problema, ginagawa 'yun ng paraan at inilalapit kay Lord.”

“Amen!” sabi ng mga kaibigan niya saka sila nagtawanan ulit.

“Meryenda na muna kayo!” alok niya. Habang binabagtas nila pababa ang mahabang hagdan sa Education building ay dinukot niya sa malaking backpack ang dala niyang pagkain at inabot iyon sa mga kaibigan.

“Wow burger! Baka maubos na ang sweldo mo sa kakalibre sa amin nito!” ani Andie.

“Hindi naman, palagi lang talagang may pa-free taste ang boss ko kapag may bagong labas kaming burger.”

“Ikaw ba ulit ang gumawa nito? Ang sarap!” ngumunguyang tanong ni Elissa.

“Yes! Ako nga, kain lang kayo.” Sabi niya.

Siya ang gumawa ng burger patty at nilagyan niya iyon ng secret recipe na naimbento lang niya habang breaktime niya sa trabaho. Mahilig siyang magluto at kung hindi lang siguro masyadong magastos ay culinary na ang kinuha niyang course.

“Oh my!!!!!” impit na tili ni Reggy. Napahawak siya sa handrail ng hagdan nang dumaan sa harapan nila ang campus heartthrob at ultimate crush nilang magkakaibigan na si Andrew Dixl.

“Napunta na yata sa burger ang puso ko! Kinikilig ako syet!”
Bigla ay parang naging hugis puso ang mga mata nilang lima. Bumilis ang mga hakbang nila at halos mag unahan na sa pagsunod kay Andrew. Nang makita ang napakagwapong British-Pakistan na crush niya ay bigla niyang nakalimutan ang problema. Kinikilig na kumapit siya sa balikat ni Edgell.

“Akin siya! Una siyang naging akin! Ako ang unang nakakita sa kaniya bago ninyo siya nadiscover.”

“Hoy!” angal ng mga kaibigan niya at matalim na tiningnan siya.

Pasalamat na lang sila at may nakasalpak na headphone sa magkabilang tenga ni Andrew kaya hindi nito maririnig ang pag uusap nila.

“Mas malalim ang pinagsamahan namin, twice niya akong tiningnan kahapon.” Ani Jane.

“Sa akin three,” pakikipagkompetensiya naman ni Andie.

“Hi, babe!”

Napalingon silang limang magkakaibigan kay Fatima na lumabas mula sa computer laboratory na kahilera lang ng lobby. Nanlumo sila nang makita kung gaano kasaya si Andrew nang salubungin nito ng yakap ang girlfriend nito. Daig pa nila ang na-budol budol at nanlulumong tumalikod na pabalik sa pinanggalingan nila kanina.

“Ano kayang nagustuhan ni Andrew sa isang 'yun? mukhang boxer 'eh.”

“Huwag kang ganyan, bad 'yan,” saway ni Edgell.

Napaismid si Reggy. Totoo naman kasi ang sinabi niya. Napakagwapo ni Andrew at sa totoo lang ay patataubin nito ang mga sikat na artista sa Hollywood man o local. Pero ang girlfriend nitong si Fatima ay hindi masasabing maganda, malayong malayo ito kung ikokompara kay Andrew.

Hindi rin naman siya kagandahan, pero hindi rin naman masasabi na pangit siya. Parang coke lang ang level ng beauty niya, sakto lang.

“Pero isa lang ang ibig sabihin nang nakita natin kanina, may pag asa pa tayong makatagpo ng expat na gwapo.” Sabi pa niya.

“Expat” o expatriate ang tawag sa mga foreigner na kagaya ni Andrew na naninirahan sa ibang bansa, maliban sa bansa na pinagmulan nito.

“Ako, matagal ko na talagang pangarap na tumira sa abroad at makapag asawa ng ibang lahi, alam naman ninyo na mahirap lang kami at saka sa lugar namin, marami akong kakilala na maganda na ang buhay ngayon dahil nakapag asawa sila ng foreigner.”

“Oo naman!” pagsang ayon nila Andie sa sinabi niya. Kagaya niya ay pangarap din ng mga kaibigan niya na makatagpo ng lalaking katulad ni Andrew. Hindi man nila makuha ang puso ng campus heartthrob ay umaasa sila na may gwapong expat ang darating sa buhay nila.

“Kaya dapat lang talaga na matupad ang promise nating lahat na kapag nagkaroon tayo ng reunion, years from now, kasama na natin ang mga expat boys natin.”

“Tama!” segunda ni Jane.

“Ipaglaban natin 'yan!” itinaas ni Reggy ang kanang kamao at parang sasabak sa rally na nagmartsa siya at sumigaw. “Para sa bayan!”

“Nakakahiya ka! Hoy!” saway ni Edgell sa kaniya nang tingnan siya ng ibang estudyanteng nasalubong nila. Balewalang nagpatuloy siya sa ginagawa.

“Ipaglaban natin ang mga karapatan natin na makatagpo ng gwapong foreigner na lalaki na—”

“Aalis na kami!”

Hinabol niya ang mga kaibigan nang lumiko ang mga ito sa right side ng lobby.

“Joke lang, kayo naman!”

Pinuno ng malakas na tawanan nila Andie ang buong paligid nang mapansin na hinihingal na siya dahil sa paghabol sa mga ito.

“Mag-diet ka na kasi!” pang aasar sa kaniya ng apat.

“Hmmmp!” ang tanging naisagot ni Reggy.



THE EXPAT HUNTRESS SERIES book 4: YO TE AMO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon