CHAPTER FIFTEEN

312 63 20
                                    

CHAPTER FIFTEEN

Reading Date


Mahal kong Anna,

Kamusta? May sasabihin ako sa 'yo. Noong bandang Pebrero, may naging usapan tayo, 'di ba? Na kapag nakakuha ako ng passing score sa midterm exam sa college algebra, magde-date tayo. And when I passed the college algebra this semester, sasabihin mo sa akin ang nilalaman ng mga sulat na natatanggap mo. Kaso, hindi pa natatapos ang final exam ay nalaman ko na ang laman ng mga sulat dahil sa mga hindi sinasadyang pangyayari.

Now, I want to change our deal. Puwede bang mag-date na lang uli tayo kapag nakapasa na ako sa college algebra ngayong semester?

Nagmamahal,

Rafael


Hindi ko napigilang hindi mapangiti sa nabasa ko. Ano naman kayang pakulo ang gagawin niya sa susunod na date namin?

"Huy, besh! Ano 'yan?" rinig kong tanong ni Tine na nasa labas na ng bahay namin.

Ipinakita ko sa kanya ang sulat na hawak ko. "Sulat uli. Infairness, ang tagal ko nang 'di nakakatanggap ng sulat."

"Wait. May sulat ka na namang nakuha? Kanino galing? Don't tell me . . ." Napatakip siya ng bibig at nagtaka ako nang mag-sign of the cross siya. "Oh my gosh! Lolo Rafael, okay lang po sa aking pumasok sa historical fiction. Pero huwag naman po sa horror novel," sabi niya na parang nagdadasal.

Natawa naman ako. "Gagi! Hindi kay Lolo Rafael galing 'to. Do'n sa apo niya."

"Hay, salamat po! Akala ko kay Lolo Rafael na naman, e." Para siyang nakahinga nang maluwag dahil sa sinabi ko.

Naglakad na kami papunta sa university. Dalawang buwan na ang nakakalipas mula noong nalaman ko kung kanino galing ang mga sulat na nakukuha ko sa labas ng bahay namin. Natapos na rin ang second semester at papunta kami ni Tine sa university ngayon para kuhanin ang certificate of grades o COG namin.

Dalawang buwan na rin ang nakakalipas mula noong simulan akong ligawan ni Raffy. At hindi gaya ng mga magulang nina Lolo Rafael at Lola Anna, hindi tinutulan ng mga magulang namin ang panliligaw sa akin ni Raffy. Hangga't wala raw kaming ginagawang hindi maganda at hindi tama, walang problema sa kanila. Malalaki na raw kami, dapat daw ay matuto na kaming magdesisyon kung tama ba o mali ang isang gawain. Suportado rin naman nila ang kung anumang namamagitan sa amin.

"Oh my gosh! Manang-mana talaga si Raffy sa lolo niya! Kuhang-kuha ang pagpapakilig, e!" kilig na kilig na komento ni Tine pagkatapos niyang basahin ang sulat na ipinadala ni Raffy.

"Malamang, mag-lolo, e," natatawang sagot ko.

Nagkakilala rin sina Lolo Rafael at Tine. Tawa pa nga nang tawa si Lolo nang malamang kapangalan ni Tine ang asawa niya. In-interview pa ni Lolo ang kaibigan ko dahil baka raw kamag-anak ni Tine ang asawa niya kaya ganoon ang pangalan ng best friend ko, pero wala naman daw ipinakikilalang Ernestine Solomon ang mga magulang ni Tine. That's why we're assuming na nagkataon lang na magkapareho ng pangalan ang asawa ni Lolo Rafael at ang best friend ko.

Pagdating namin sa school ay dumiretso na kami sa classroom na pagkikitaan ng buong klase namin. Nang ibigay sa akin ng class president namin ang COG ko, kabadong-kabado akong tiningnan ang isang subject.

Earth Science – 2.50 (PASSED)

"Oh, yes!!!" Hindi ko napigilang hindi mapasigaw. Nagtinginan tuloy ang mga kaklase ko. Nag-peace sign na lang ako sa kanila at tinawanan na lang din nila ang biglaang pagsigaw ko.

Letters from The PastTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon