t u l d o k

10 0 0
                                        

Nagsimula sa ponema,

Mga pangunahing yunit ng tunog

Na sa sama-samang pagbigkas

Ay lilikha ng mga makahulugang salita.

Sa ganto rin tayo nagsimula,

Sa mga malalabong pagsulyap ng mga mata,

Sa pagpapalitan ng mensahe na tila isinulat sa tala

Sa pakikinig ng iyong tinig na musika sa aking tainga.

Masaya.

Masaya tayo sa simula.

Walang problema.

Nakakasabik ang bawat umagang makakasama ka.

Bawat salita,

Ikaw ang naaalala,

Bawat titik,

Napapakaba mo ang aking dibdib

Mahalimuyak,

Puno ng paru-paro.

Lahat ng pang-uring positibo,

Ganto ang paligid sa t'wing magkasama tayo.

Naipon ang mga salita,

Nakalikha ng parilala,

Kasabay ng pagdami ng pagkakataong magkasama.

Ay ang pag-usbong ng mga ala-ala

Lumalim ang pagkakaintindihan natin.

Naiisip mo pa lang ay alam ko na rin,

Ikaw ang mundo, at ako ang iyong bituin.

Ang kalawakan ay kaisa natin.

Ngunit nagbago ang iyong pakikitungo.

Pinaramdam mong walang patutunguhan ito,

Na bata pa tayo; hindi pa dapat nagseseryoso.

Hanggang pakilig lang dahil mag-MU lang naman tayo.

Walang pinanghahawakan at walang titulo.

Parang wika, sabi mo

Na kung hindi lalago,

Ay unti-unting maglalaho.

Sayang ang oras, atensyon, lahat ng load na inubos ko para sayo.

Nawala ang ponema na tuluyan nang naging ala-ala.

Nabalewala ang ilang salita, pangungusap, at ang buong tulang inialay ko sa iyo.

Nagtapos ang lahat... sa tuldok na ito.

ScribblesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon