Sa Pagtanda

2 0 0
                                    

Kung tatanungin ako
Kung anong gusto ko
Wala akong ibang sasabihin
Kundi ang makasama ka

Hindi kapani-paniwala
Pero totoo
Ito ang nararamdaman ko sa'yo
Hindi nagbabago

Nakilala kita
Sa panahon na parang wala na
Wala na ako
Wala na ang lahat ng nasa paligid ko

Hangin lang ang nasa tabi ko
Pero nang magtama ang mata nating dalawa
Lahat sa akin ay nag-iba
Pakiramdam ko noon, nakilala na kita

Nakilala kita
Hindi sa pangalan
Hindi rin sa payak mong kagandahan
Ang tanging nakita ko ay ang iyong katauhan

Walang basehan
Walang dahilan
Pero ang puso ko ay hindi pihikan
Nahulog ito sa iyo nang walang alinlangan

Ginawa ko ang lahat para magpakilala
Sa pag-asang sa susunod ay hindi lamang mata mo ang makikita
Na baka mabigyan rin ako ng pagkakataon
Na masilayan ang ngiti mo sa labi

Gusto kita
Alam ko iyon buhat ng makita ka
Ang bawat aspeto ng iyong pagkatao
Ay minimithi kong makilala

Gusto kita
At gusto kong dumating sa punto na
Gusto pa rin kita
At sa mga susunod na araw ay pipiliin kong gustuhin pa rin kita

Gusto ko ang lahat sa'yo
Ngunit ang pinakapaborito ko
Ay ang pagkislap ng iyong mga mata
Sa gitna ng unos at kawalang kasiguraduhan kung masisilayan pa ba ang umaga

Sa tuwing maiisip ko ang araw na wala ka
Natutuliro ako sapagkat naging kabahagi kita
Ng bawat minuto at segundo
Sa tinutuntungang entablado

Hindi ako manhid para hindi makaramdam ng kaba
Hindi ako bayani para sabihing ang takot ay kahiya-hiya
Kaya ipinaparating ko sa iyo at sa madla
Na ako'y isang duwag na pipiliing magtago sa likod ng tula

Tulang walang bahid ng pagkasawa
Sa pagpupuri sa'yo
Sa pagpapakilala na parang ako'y sing lapit na ng anino mo
Sa pagtatapat ng di mawaring pagkahumaling sa'yo

Nais kong bitawan ang lahat ng salita
Ngunit ayaw kong bitawan ka
Ayaw kong dumating sa punto na
Hindi na kita makikilala pa

Takot akong dumating sa punto na
Hindi na kita makikita
Sapagkat sa bawat pagusbong ng araw
Ay ang desisyon mong ibaling ang tingin sa nanginginig kong mga kamay

Kalat ang pulang tinta
Hindi dahil sa sakit ng nga salita
O sa higpit ng pagkapit sa panulat
Kung di dahil mismo sa pag-agos ng dugo na inialay ko sa iyo

Sa bawat patak ng likido
Ay ang pagsibol ng pag-asang
Masisilayan ka ng mundo
Hanggang sa pagkulubot ng balat mo

Ang unti-unti kong panghihina
Ang magbibigay sa'yo ng lakas
Upang muling gumising sa umaga
At imulat ang matagal nang hindi nagniningning na iyong mga mata

Gusto kita
Pero mas gusto ko ang iyong ngiti
Na namumutawi
Sa naniningkad mo na ngayong mga labi

Gusto kita
At gusto kitang makasama
Hanggang sa pagtanda
Kahit dumating sa puntong...

hindi na kita makikita.

ScribblesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon