Jaze Kyle's POV
"Mom, paano po ako nakauwi kagabi? Anong oras?" tanong ko nang makababa ako ng hagdan.
"Gabon-gabi ka nang nakauwi. May naghatid sayo dahil lasing na lasing ka."
"Si Tim po?" tanong ko.
"Hindi," nakangiting sabi niya at nagtaka naman ako. "Grabe ka, Kyle. Nakahihiya na babae pa ang naghatid sa 'yo. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para mapasalamatan si Lyn Pascual. Kung hindi ng dahil sa kaniya ay ewan ko na lang kung anong nangyari sayo kagabi."
Laglag ang panga kong napatitig sa kaniya. Parang hindi ako makapaniwala sa pangalan na binanggit niya. Pakiramdam ko tuloy ay nagkamali lang ako ng pagkakarinig.
"S-Sino po ulit?" tanong ko. Gusto kong kumpirmahin ng maiigi.
"Lyn Pascual," agad niyang sagot.
Napangiwi ako. Sa lahat pa ng inaasahan kong maghahatid sa akin ay siya pa talaga? Nakahihiya!
Napahawak ako sa sarili kong noo. Pakiramdam ko ay nadagdagan ang sakit ng ulo ko.
"Aish!" iritang singhal ko at basta na lang naglakad palapit sa pinto.
"Oh, saan ka pupunta?!" sigaw ni mom nang makalabas na ako.
"Papasok na po ako, Mom!" sigaw ko pabalik. Gusto kong tanungin ang mga kaibigan ko kung bakit si Lyn pa talaga ang naghatid sa akin.
Napipikon kong isinara ang pinto ng kotse nang makasakay ako at basta na lang inihagis ang bag sa likod. Halos sabunutan ko na rin ang sarili ko.
"Damn it!" Pinausad ko na ang sasakyan. Sa sobrang bilis ay tila may hinahabol ako. Pero hindi pa ako nakakalayo ay halos manlaki ang mga mata ko at inapakan ang preno. Napansin ko na hindi daan papuntang LJU ang tinatahak ko kundi daan papunta sa tinitirahan nina Lyn at Kiana!
Nanlulumo akong tumingala. Umagang-umaga pa lang ay ang dami ko ng iniisip, nakikisabay pa talaga sa hangover ko! Bumuntong-hininga na lang ako at diretsong tumingin sa daan. Naguguluhan ako kung ano ba ang dapat kong gawin. Hindi ko alam kung bakit meron sa pagkatao ko ang gustong puntahan siya. Pero kung ginawa ko man 'yon, hindi ko alam kung kaya ko ba siyang harapin!
"Bahala na!" sigaw ko at pinagpatuloy na ang pagmamaneho. Ayaw kong magkaroon ng utang na loob sa kaniya pero kahit ganoon ay kailangan ko siyang pasalamatan. Hindi ko talaga alam kung pinaglalaruan ba ako ng tadhana dahil sa tuwing may nangyayari na hindi maganda sa akin ay si Lyn ang parating naro'n para samahan ako.
Nang makarating ako ay agad kong inihinto ang sasakyan sa tapat mismo ng gate. Mahigpit ang hawak ko sa manibela habang iniisip kung tutuloy pa ako o hindi. Kanina lang ay ang lakas ng loob ko pero ngayon ay parang tinatambol ang puso ko sa kaba.
Umiling ako. Nandito na ako kaya dapat ay panindigan ko. Sayang naman 'yung gasolina ko papunta dito. Saka hindi ako makakarating sa tamang oras kung babalik pa ako.
"Nandito pa kaya sila?" mahinang bulong ko habang nakatingin sa pintuan ng bahay.
Bumuntong-hininga ako at lumabas na. Napansin ko na wala na ang sasakyan ni Kiana pero naro'n pa rin ang sasakyan ni Lyn. Ngumuso ako. Baka magkasabay silang umalis kaya hindi ginamit ni Lyn ang sasakyan niya.
BINABASA MO ANG
I'M IN LOVE WITH MY ENEMY (On-going)
ActionI'M IN LOVE WITH MY ENEMY (On-going) Being close to Jaze Kyle Lim and his four friends is one of the biggest dreams of all LJU students, especially women. But knowing Jaze Kyle and his friends, they are not easy to get along with because they know...