Bahay Katay

1.6K 55 22
                                    

WARNING: This story may contain strong language, offensive theme, adult content, depictions of sex, violence and elements that are not suitable for some audiences. Read at your own risk.

ANG larong iyon ay para lang daw sa malalakas ang loob. Walang nakalagay sa description kung anong klaseng laro ito. Ang sabi lang sa papel, nasa loob na ng bahay ang lahat ng kailangan nilang malaman.

Binabalik-balikan ni Froy ang pagbabasa sa hawak na poster. Nasa gitna siya ng biyahe patungo sa bahay kung saan gaganapin ang laro.

Iniaabot lang sa daan ang papel. Nagkataon na isa siya sa nabigyan kaya nalaman niya ang tungkol doon. Pagtanggap niya sa papel ay agad siyang ini-register at kinuhanan ng ilang detalye sa kanyang buhay. Napilitan siyang sumali dahil malaki ang premyo. Limang milyong piso, halaga na puwedeng makapagpabago sa buhay nila ng kanyang pamilya.

Madalas silang mag-away ng asawa niya nitong mga huling araw dahil sa pera. Dagdag pa ang madalas na pagsumpong ng hika ng nag-iisa nilang anak. Kung papalarin siya, malaking tulong iyon para sa pagbabagong-buhay nila.

Nagbakasakali siyang harapin ang isang laro na para lang daw sa matatapang na katulad niya. Kinatatakutan noon si Froy sa lugar nila noong binata pa siya. Hindi na mabilang ang mga gulo na pinasok niya. Sa dami ng nakarambulan niya sa daan, wala nang may gustong kumalaban sa kanya.

Kung para sa matitibay lang ang larong iyon, baka nga basic na lang sa kanya iyon. Sanay na siya sa bugbugan, paano pa kaya sa patayan? Lahat ng mahirap ay madali na lang sa kanya. Siya iyong tipo na walang inaatrasan.

Narating din ni Froy ang bahay. Sa labas pa lang ay wala na siyang nakita na kakaiba rito. Tipikal lang ang hitsura nito. May kalakihan pero walang pinagkaiba sa pangkaraniwang bahay.

Ang kakaiba lang ay ang mismong lugar. Napakatahimik sa bahagi ng nayon na iyon. Walang kahit anong gusali na makikita sa paligid. Walang puno. Walang sasakyan. Walang kahit ano, maliban sa bahay na iyon na nasa bandang dulo pa. Mistulang dead zone ang lugar. Para bang nalimot na ito ng panahon.

Sa gate pa lang ay nakita na niya ang isang lalaking naka-itim na uniporme. Nag-inquire siya rito at pinakita ang poster.

"Buo na ba ang loob mo?" makahulugang tanong sa kanya ng lalaking naka-shades at mahaba ang bigote.

"Hindi naman ako pupunta rito kung hindi ako handa," pilosopong sagot niya. Iba kasi ang dating sa kanya ng litanya nito. Parang nanghahamon. Iyon pa naman ang isa sa mga ayaw niya. Lalo siyang tumatapang kapag hinahamon.

"Lahat ng mga instructions ay makikita mo na sa loob. Good luck. Sana magtagumpay ka. Sayang ang limang milyon. Wala pang nakakakuha no'n."

Natawa si Froy. Hinahamon nga talaga siya ng lalaking ito. "Pwes, ako na ang makakakuha no'n." Dineretso na niya ang loob ng bahay.

Pagbukas ng pinto, bumungad ang malaking sala na walang gamit sa paligid. Bakbak na ang mga pintura sa dingding at balot na rin ng sapot ang mga kisame.

Umagaw sa atensyon niya ang isang pinto sa bandang dulo. May papel na nakadikit doon at binasa niya.

Maligayang pagdating sa Bahay-Katay. Ang larong ito ay susubok kung gaano kalakas ang iyong loob. Handa ka bang mabahiran ng dugo ang iyong kamay? Handa ka bang pumatay ng tao? Kung oo ang sagot mo, para sa iyo ang larong ito. Tandaan mo, sa oras na sumali ka rito, alam na namin ang lahat ng tungkol sa 'yo. Kung ano ang pinakamahalaga sa iyo, iyon ang magiging pinakamatinding pagsubok mo.

Napakunot siya ng noo sa nabasa. Seryoso ba ang bumuo sa larong ito? Literal na patayan ang gustong mangyari.

Oo, malakas sa patayan si Froy. Pero hindi sa totoong patayan. Kahit may dugong maton siya, hindi niya magagawang pumatay.

Shocker Files (Disturbing Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon