100,000 Death

873 31 2
                                    

Isang negosyanteng Tsino ang dumayo sa Pilipinas para magtayo ng negosyo. Isa na rito ang pinagawa niyang Hēilóng Mall na naging pinakamalaking mall sa buong Pilipinas. Dinaig pa nito ang ilan sa malalaking mall sa naturang bansa.

Naging maunlad ang takbo ng Hēilóng Mall sa mga sumunod na taon. Ito na palagi ang dinadagsa ng mga tao. Holiday man o normal na araw ay palagi itong napupuno. Naging tourist attraction na rin dahil sa kakaibang disenyo ng gusali na mala-Chinese style.

Isa si Benjie sa mga namasyal sa Hēilóng Mall. Doon niya naisipang ipagdiwang ang kaarawan niya. Kasama niya ang buong pamilya at kumain sila sa isang mamahaling restaurant sa loob. Ipinasyal niya ang dalawang anak sa Children's Zone, at namili naman siya ng mga damit para sa sarili niya.

Pasadong alas-otso ng gabi nang matapos magdiwang ng kaarawan si Benjie kasama ang pamilya. Halos nalibot na nila ang kabuuan ng Mall. Sa lawak nito ay naligaw pa nga sila at nagpabalik-balik ng lakad mahanap lang ang daan kung saan sila pumasok kanina.

Palabas na sila ng mall nang mapansing nagkakagulo ang mga tao sa paligid. Pilit na nakipagsiksikan si Benjie para alamin ang nagaganap. Doon niya nalaman na sarado ang lahat ng mga pinto palabas. Wala na ring mga security guard sa paligid na puwede nilang mapagtanungan. Misteryosong naglaho rin ang lahat ng mga empleyado, salesladies, at iba pang nagtatrabaho sa mall.

Nagtaka ang lahat ng mga tao. Paano sila makakalabas doon? Ni wala na ngang mga guard o mga empleyado na puwede nilang lapitan.

Nagtanong-tanong si Benjie sa ilang mga nakasalubong. Ayon sa mga ito, nakakandado raw lahat ng mga pintong puwede nilang labasan. Pati ang mga emergency exit ay kataka-takang sarado at hindi mabuksan kahit ano'ng gawin ng mga tao.

Nagdaan ang mahigit tatlong oras ay nanatiling ganoon ang sitwasyon. Hindi na nakatiis ang iba at sinubukan nilang wasakin ang mga pinto. Ngunit nagtaka silang lahat dahil hindi man lang ito nabahiran ng gasgas.

Pambihira ang tibay ng mga pinto ng mall. Kahit anong mabibigat na bagay ang itapat nila rito ay hindi nawawasak at nasisira.

Nagsimula nang mag-isip ng hindi maganda si Benjie. Sinadya ba ito? Kung oo, ano naman kaya ang dahilan?

"Paano na kaya tayo makakalabas dito?" nag-aalala na ang asawa niyang si Mercy habang hawak ang dalawang anak nila.

"Nawala raw lahat ng mga nagtatrabaho rito pati mga sikyu! Wala tuloy mapagtanungan ang mga tao," sagot ni Benjie.

Napakamot ng ulo si Mercy. "Bakit naman kaya gano'n? Grabe 'tong ginagawa nila!"

Biglang namatay ang ilaw sa buong mall. Kumalat ang kadiliman sa paligid. Napasigaw ang ilang mga tao.

"Teka, ano'ng nangyari?" Napahawak na rin si Benjie sa mga bata.

Nagulat ang marami sa biglang paglitaw ng isang malaking hayop na lumilipad sa ere. Mayroon itong mga pakpak at mahabang buntot.

Napatakbo ang iba sa takot. Ngunit ang ilan naman, nanatili sa kanilang kinatatayuan at pinagmasdang mabuti ang malaking hayop.

Doon nila napagtanto na hindi ito pangkaraniwang hayop. Isa itong dambuhala at nakakatakot na nilalang. Isang nilalang na may kasindak-sindak na kaanyuan.

Lumipad pababa ang nilalang at kinuha ang isang tao gamit ang buntot nito. Doon nakita nang malapitan ang anyo nito. Mayroon itong mapupulang mga mata, malalaking bibig na kasya kahit sampung tao, mahahabang sungay, makakapal na balahibo sa buong katawan at matatalim na mga pangil.

"Halimaw! Halimaw!" sigawan ng mga tao at nagkanya-kanya ng takbuhan. Si Benjie at ang pamilya ay nagtago sa isang maliit na store ng mall kung saan malabong makapasok ang dambuhalang nilalang.

Maririnig sa paligid ang sigawan at iyakan ng mga tao. Sa bawat pagbaba ng nilalang ay may nakukuha itong dalawa hanggang tatlong katao gamit ang mahaba nitong buntot. Nilalamon nito nang buhay ang kalahating katawan ng mga tao at itatapon sa sahig ang pang-ilalim na bahagi.

Bawat matapakan ng dambuhalang halimaw ay nagigiba. Bawat escalator na mahagip ng malikot nitong buntot ay nawawasak. Mistulang dinaanan ng matinding giyera ang loob ng mall.

Lahat ng taong makita ng lumilipad na halimaw ay dinadampot nito at nilalamon ang kalahating katawan.

Dumanak ang dugo.

Nagkalat ang mga bangkay.

Naghari ang lagim.

Maraming buhay ang nawala.

Kinabukasan ay tuluyang nawasak ang Hēilóng Mall. Halata ang pagkasira nito hanggang sa labas. Nang pasukin ito ng mga awtoridad, laking gulat nila nang makita ang nagkalat na mga bangkay. Kahit saan sila tumingin, puro katawan ng mga patay ang nakikita nila.

Ang isa pa nilang ipinagtataka, kalahati na lamang ng katawan ng tao ang makikita sa paligid. Ang pang-ibabaw na katawan ng mga ito ay misteryosong nawawala.

Aabot sa mahigit 100,000 katao ang naitalang nasawi. May mga survivors namang natagpuan na nagtatago sa maliliit na bahagi ng mga store at hindi aabot sa 100 ang bilang nila, kasama na rito si Benjie at ang kanyang pamilya.

Nang kuhanan ng panayam si Benjie, halos nanginginig ang tinig nito habang nagsasalita. Hindi pa rin nawawala ang bakas ng malagim na pangyayari sa anyo nito. Gayundin ang asawa at mga anak nito na pawang dinapuan ng matinding trauma.

Ayon kay Benjie, inatake raw sila ng dambuhalang halimaw na lumilipad sa loob ng mall. Kahit anong gawin nila at kahit saan sila pumunta ay wala raw silang mahanap na labasan. Waring sinadya raw na ikulong sila sa loob para ipakain sa halimaw.

Nang sumunod na araw ay nilibot ng awtoridad ang buong sulok ng mall ngunit wala silang nakita ni anino o bakas ng halimaw. Mahirap paniwalaan ang sinasabi ni Benjie pero base sa dami ng mga namatay ay hindi malabong may katotohanan ito.

Ayon sa imbestigasyon, napag-alaman na isang Chinese ang may-ari ng Hēilóng Mall. Isa ito sa mga negosyanteng pumasok sa bansa para magtayo ng mga negosyo at pagawaan. Subalit ang ipinagtataka nila, hindi na mahagilap ang naturang lalaki mula nang maganap ang malagim na pangyayari.

Wala nang makapagsabi kung saan matatagpuan ang lalaking nagpatayo ng Hēilóng Mall. Misteryosong nawala ang bakas ng lalaking iyon at hindi na mahagilap sa bansa. Wala ring makapagturo kung nasaan na ang higanteng halimaw na umatake sa mga tao.

Ang pangyayaring iyon ang naging pinakamalagim na delubyong naitala sa bansa. Higit pa sa bangungot kung iturin ito ng mga tao.

Mula noon ay nabura na rin ang existence ng Hēilóng Mall sa Pilipinas. Kinatakutan din ang pangalan ng nasabing mall maging sa iba pang panig ng mundo.

Sa tuwing mariring nila ang pangalan ng nasabing mall, naaalala nila ang pinakamalagim na pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas na nagdulot ng madugong kamatayan sa mahigit 100,000 katao.

Wakas.

Shocker Files (Disturbing Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon