AKALA ni Jake, magiging madali sa kanya ang maging miyembro ng isang banda. Noon lang niya napagtanto kung gaano ito kahirap sa kalooban niya. Hindi ang pagod nila sa pagtatanghal at paggawa ng kanta ang nagpapahirap sa kanya. Kundi ang sobra-sobrang kasikatan na tinatamasa ng kanilang bokalista dahilan upang masapawan ang ibang miyembro kabilang na siya.
Ito ang kinatatakutan noon ni Jake kung bakit ayaw niyang sumali sa mga banda. Natatakot siya na baka ang bokalista lang ang mapansin ng marami at hindi ang mga miyembrong tumutugtog ng instrumento na isang mahalagang parte ng banda.
Para sa kanya, hindi lang naman lead vocalist ang mahalaga sa isang banda. Dapat ding bigyan ng pansin at halaga ang mga tao sa likod ng mga instrumento.
Hindi madali ang ginagawa niya bilang drummer. Ang pagod niya sa paghampas sa mga tambol para lumikha ng nakaiindak na tugtog. Ang paghagis sa drum sticks na pagkatapos umikot sa ere ay sasaluhin niya at muling ihahampas sa tamang pagkakataon para makaakit sa mata ng mga manonood.
Sa tuwing magtatanghal nga sila sa mga festival, imbes na pangalan ng kanilang banda na "J Brothers" ang isigaw ng mga tao ay pangalan lang din ng vocalist na si James ang maririnig. Nagtataka tuloy siya, bakit kaya parang okay lang sa iba pa nilang kasamahan na ang bokalista lang ang tinitilian ng mga tao?
Pagkatapos nga ng pagtatanghal, madalas ang bokalista lang din palagi ang nilalapitan ng mga babae para magpalitrato. Silang mga instrument players ay nagsisilbing display lamang sa gilid habang ang bokalista ay nakapagitna sa mga tao na kulang na lang ay sambahin ito.
Lahat ng lakas ibinuhos niya sa pagtugtog ng drums ngunit tila hindi ito nakikita ng mga tao. Mas napapansin ng mga ito ang boses at hitsura ng kanilang bokalista na palibhasa maputi at artistahin kaya pinagkakaguluhan.
Kung tutuusin, sa hitsura lang naman nakalalamang si James sa kanya. Aaminin niya, hindi siya pang-heartthrob kagaya ni James. Pero kung pagdating sa boses, hindi alam ng marami na mas mahusay siya rito. Bukod pa sa marunong din siya tumugtog ng drums.
Oo, kahit ang manager nila ay alam iyon. Batid ng mga ito na mas bihasa siya sa pagkanta ngunit mas pinili lang si James na maging front man dahil ito ang may pinakahitsura sa kanilang apat.
Napaisip si Jake, bakit kung sino pa ang guwapo ay ito palagi ang nasa sentro? Ano pa nga ba ang kayang gawin ni James bukod sa pagkanta? Di hamak yata na mas marami siyang alam gawin kaysa kay James. Bukod sa drums, marunong din siyang maggitara, sumayaw, kumanta, at gumuhit.
Sa katunayan, siya lang ang sumulat ng karamihan sa kanilang mga kanta. Siyempre, naging co-writers din niya ang iba pa nilang kasamahan. Pero sa kanilang apat, si James ang may pinakakaunting kontribusyon sa pagsulat ng kanta. Wala naman kasi itong alam sa paglalaro ng mga salita para makabuo ng isang awit.
Ang pangalan ng banda nila ay "J Brothers". Kaya ito tinawag na ganoon dahil ang pangalan ng mga miyembro ay pare-parehong nagsisimula sa letrang "J". Ang vocalist na si James. Ang guitarist na si Jayson. Ang bassist na si Joshua. At siyempre, ang drummer na walang iba kundi si Jake.
Tahimik lang si Jake habang mag-isa sa backstage. Ang mga kasamahan niya ay abala sa labas kasama ang mga taong nagpapa-autograph sa kanilang banda. Hindi na niya naisipang makisali; siguradong si James lang din naman ang pinunta ng mga ito.
Nakaupo lamang siya sa backstage habang nagsusulat ng panibagong kanta. Ang pamagat nito ay "Mapaglarong Demonyo". Naisip niya ang pamagat na ito bilang repleksyon sa nangyayaring unfairness sa kanilang banda.
Demonyong mapaglaro
Bakit inangkin mo ang buong impiyerno
Wala ka namang alam gawin kundi bumuga ng apoy
BINABASA MO ANG
Shocker Files (Disturbing Horror Stories)
HorrorIto ang mga kuwentong hindi gugustuhin ng publiko na makita mo. Makatulog ka pa kaya?